Tuesday, October 18, 2011

Ang Paglalapat Ng Semento


Ito ang panahon para sa akin. Lalapatan na ako ng bagong semento. Lalapatan na ang bakas na iyong nagawa. Lalapatan na ng mga trabahador na aking inarkila ang marka mong hindi ata kailanman naging tapat (kahit na sa pakiramdam ko'y yun ang pinakatapat na pag-ibig na naramdaman ko). Siguro nga'y ako lamang sa iyo'y di naging sapat. 'Wag kang mag-alala, masaya pa din ako na kahit di ako sapat, kailanma'y ako'y walang magiging katapat.

Hindi ako mabubuhay na manghihinayang na ika'y dumaan at lumipas lang sa buhay ko. Mas lalong hindi ako nagsisisi na nasira ang daan ko nung pinadaan kita sa buhay ko. Hindi ako sadista para ikatuwang masaktan ako pero naging masaya ako sa naramdaman ko, sapat na yun. Naging masaya ako na sa pagdaan mo. Naging masaya ako, seryoso. Salamat.

May mga bagay lang na kahit gaano ko kamahal, hanggang dun na lang. Parang ikaw, kahit mahal pa kita, yun na lang. Mahal lang kita at lilipas din 'to. Mahal lang kita kahit ang layo-layo na natin sa posible. Mahal lang kita kahit malabong mahal mo din ako. Mahal lang kita kahit hindi ko na marinig sayong mahal mo din ako. Mahal lang kita pero, pero, pero at madami pang pero. Mahal kita at matatabunan din 'to ng tamang semento.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.