Tuesday, December 20, 2011

Ang Target

Lisensyado ka. Binigyan ka ng karapatang humawak ng baril. Pero hindi ibig sabihin nun pwede mo ng gamitin ito at mamaril kailan mo man gustuhin. Natamaan ako ng balang galing sayo. Natamaan ako ng bala ng pag-ibig. Imbis na malungkot ako, ngumiti pa ako sabay sinipat ka. Nagustuhan ko ang balang binaon mo. Nasiyahan ako. At sa muling pagkakataon, natuto akong magmahal.

Kaso ligaw na bala pala ang tumama sa akin. Isang bala na di sa akin nakalaan. Isang pag-ibig na alay sa ibang tao. Mas masama pa dun, hindi lang ako nadaplisan. Hinayaan ko pang bumaon sa sistema ng buhay ko. Masakit palang sumalo ng balang hindi para sa akin. Ako ang natamaan kahit di talaga para sa akin nakalaan. Bakit ko ba sinalo ang bala mo kahit alam kong masasaktan ako? Bakit ko ba sinalo ang pag-ibig mo na alam kong hindi naman para sa akin? Bakit ko ba hinayaang masugatan mo ako? Bakit ko ba hinayaan ang sarili kong mahalin ka, na alam ko naman na yung pag-ibig na ipinapakita mo, para naman talaga sa iba?

Ikaw kaya barilin ko? Ikaw kaya target-in ko? Para malaman mo na masakit. Para malaman mo na pag pumasok na sa sistema mo yung pag-ibig mahirap ng umiwas, na lalong mahirap kung yung pag-ibig na pinasok niya sayo, practice shot lang pala. Sa susunod, wag kang nagpapaputok ng basta basta. Sa susunod, asintahin mo lang yun taong siguradong target mo, ang mahirap kasi sayo, tira ka ng tira, tuloy sa pag-ibig na naipon ko, naibigay ko sayo, kaya sa aki'y halos walang matira.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.