Friday, October 18, 2013

Ang Parking Lot Ng Pag-ibig


Laging puno ang parking ko. Mali pala, laging puno ang parking ko kapag ikaw ang nakikita kong paparada dito. Ni hindi kita hinahayaang pumarada sa tapat ng building ng buhay ko. Hindi ko alam kung bakit pero alam mong sinubukan kitang pumarada, sobrang sandali nga lang. Dati sinubukan kitang papasukin pero sa parehong pagkakataon nasaktan kita. Pumarada ka na handang ipakita sakin ang buong kinis ng auto ng pag-ibig mong sakin mo handang ibigay. Dinungisan lang kita. Dinumihan ko ng paulit ulit pero pangako, di ko sinadya. Sinubukan kong alagaan ang pag-ibig mo pero sa parehong oras pala, nilamatan ko ang pag-ibig na handog mo. Siguro di pa kasi ako handa sa pag-ibig na kaya mong ibigay, mahal ko pa kasi siya noong oras na iyon. Binitawan kita, binitawan at tinaboy. 

Kada araw, nakikita pa din kitang pumaparada. Bawat oras, nakikita kitang sumisilip, dumadaan, nagbabakasakaling magbago ang isip ko. Sa bawat segundo, sinusubukan mong iusbong ang nguso ng auto ng pag-ibig mo para makaparada kang muli pero hindi na kailanman kita hinayaan. Hindi ko kailanman sinubukang mahalin kang muli. Minura kita ng paulit ulit. Nakita mo ang pinakamasamang ugali ko. Nakita mo ang pinakagagong ako. Nakita mo lahat ng di maganda sa akin, pero walang araw na hindi mo ako nginitian.

May pinaparada akong muli sa building ko. Akala ko na siya na. Sa wakas, nakalimutan ko na ang dating pumarada din, ang mga dating mga taong tumatambay pansamantala, pero sa huli, umalis din siya. Iniwan niya ako kahit sa panahong ibinigay ko yung mga bagay na di ko naibigay kahit kanino. Ibinigay ko ang best ko, ang pinakamagandang ako. Sinubukan kong maging perpekto pero hindi pa din naging sapat para sa kanya. Lintik na pag-ibig, nalintikan na naman ako.

Tapos paglingon ko, nginitian mo na naman ako. Nandyan ka pa din. Hindi mo kinakayang tumalikod sa akin kahit ilang beses kitang tinalikuran. Bakit ba andami kong hinahanap e kung tutuusin, ikaw lang sora-sobra pa? Bakit ba andami kong binibigyan ng pansin, e ikaw na kulang na lang magpatiwakal sa harap ko ni di ko kayang lingunin? Pasensya ka na. Hindi ko kayang tapatan ang kaya mong ibigay. Hindi kita kayang mahalin pero mas hindi ko kayang subukan ulit kasi alam kong sasaktan kita uli, kasi alam kong hindi ko kayang makita ang sarili ko sa iyo. Sana lang kung sa paano mo ako nakikita, ganun din nila ako nakita. Sana lang sa kung paano mo ako tinanggap, sana ganun din nila niyakap pati ang pangit sakin. Sana kinaya kitang mahalin, pero hindi. Sana makahanap ako ng taong katulad mo pero yun taong kaya ko ding mahalin.

Para sayo ito ED. Ang sarap mabuhay na alam kong nandyan ka lang. Di ko kailanman matutumbasan ang pag-ibig mo, pero peksman! Tropa tayo buong buhay ko.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.