Wednesday, March 21, 2018

Ang Nananatili

Kung nauubos na ang mga salita mo, ang mahalaga ay magsalita ka ng totoo.
Sambiting, “Di ko na eksaktong maalala kung ano ako dati at di ko alam kung magiging ano ako sa mga susunod na kinabukasan”
Sabihing, “May mga bagay sa akin na di mo maaayos at di mo trabahong ayusin ako”
Ibulong, “Nakakaramdam ako ng mga bagay na di ko man lang alam kung paano damdamin.”
Isigaw, “Pwede tayong maging kahit ano pero hindi lahat pwede maging tayo.”
Ipagsamo, “Gustong gusto kong maging karapatdapat pero parang kulang na kulang ako.”
Ihagulgol, “Parang bukas, sa susunod na bukas o sa susunod pa dun, mawawala ako. Paano ko hahayaang pumusta ka sakin kung alam kong mawawala na ako?”
Humiyaw, “Wala akong magagawa. Ito lang ako.”
Kung may taong mananatili sayo kahit sinabi mo yang mga yan, yang kalakasan at kahinaan mo, yang saya at lungkot mo, yang pag-ibig at pagkamuhi mo, yang pagtawa at pagluha mo, yang lahat ng totoo sayo, manatili ka sa kanila. Manatili ka sa kanila hanggang gusto nilang manatili ka.
Dahil sa mundong ‘to, di ka perperkto, di ka laging magiging sapat, di lahat ng aspeto sayo maayos, pero sa mundong ‘to, may magmamahal sayo kahit di ka perpekto, magiging sapat ka, tatanggapin na di ka laging magiging maayos at pipiliing manatili kasama mo, sa iyo, araw-araw, paulit-ulit.

PS. Para sa mga taong nananatili kahit walang kasiguraduhan ang mga bukas ko.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.