FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Wednesday, October 30, 2013
Ang Bukambibig
Iniwan.
Nasaktan.
Umiyak.
Umasa.
Nagkaron siya ng iba.
Bumitaw.
Nagparaya.
Umiyak.
Umiyak ng umiyak.
Umiiyak.
Nagpaalam sa huling pagkakataon.
Umiwas.
Umiiwas.
Pilit na binabangon yung sarili.
Nagpapakasaya.
Binubuo yung nasirang puso.
Tibay.
Lakas ng loob.
Kinakalimutan ang detalyadong alaala ng nakalipas.
Nakangiti.
Nakikihalubilo.
Nakikipag-usap.
Nakikipagtawanan.
Nakikipaglokohan.
Sila sa akin:
Hindi mo namamalayan.
Puro ka "siya".
Halata.
Akala ko okay na ako.
Akala ko lahat yun naitago ko sa loob ko.
Akala ko lahat naitabi ko na sa pagkalimot.
Akala ko ayos na ako.
Bakit bukambibig ka pa din pala?
Bakit kahit anong tago ko, ginagawa kong parte ka ng araw-araw ko?
Bakit ikaw pa din ang bida?
O baka, ayos na ako kaya kinakaya kong mabanggit ka?
Baka nga.
Mas magandang pakinggan.
Mas magandang pakiramdam na okay na.
Okay na ako ng wala ka.
Baka.
Baka.
Sana.
Sana.
Friday, October 18, 2013
Ang Parking Lot Ng Pag-ibig
Laging puno ang parking ko. Mali pala, laging puno ang parking ko kapag ikaw ang nakikita kong paparada dito. Ni hindi kita hinahayaang pumarada sa tapat ng building ng buhay ko. Hindi ko alam kung bakit pero alam mong sinubukan kitang pumarada, sobrang sandali nga lang. Dati sinubukan kitang papasukin pero sa parehong pagkakataon nasaktan kita. Pumarada ka na handang ipakita sakin ang buong kinis ng auto ng pag-ibig mong sakin mo handang ibigay. Dinungisan lang kita. Dinumihan ko ng paulit ulit pero pangako, di ko sinadya. Sinubukan kong alagaan ang pag-ibig mo pero sa parehong oras pala, nilamatan ko ang pag-ibig na handog mo. Siguro di pa kasi ako handa sa pag-ibig na kaya mong ibigay, mahal ko pa kasi siya noong oras na iyon. Binitawan kita, binitawan at tinaboy.
Kada araw, nakikita pa din kitang pumaparada. Bawat oras, nakikita kitang sumisilip, dumadaan, nagbabakasakaling magbago ang isip ko. Sa bawat segundo, sinusubukan mong iusbong ang nguso ng auto ng pag-ibig mo para makaparada kang muli pero hindi na kailanman kita hinayaan. Hindi ko kailanman sinubukang mahalin kang muli. Minura kita ng paulit ulit. Nakita mo ang pinakamasamang ugali ko. Nakita mo ang pinakagagong ako. Nakita mo lahat ng di maganda sa akin, pero walang araw na hindi mo ako nginitian.
May pinaparada akong muli sa building ko. Akala ko na siya na. Sa wakas, nakalimutan ko na ang dating pumarada din, ang mga dating mga taong tumatambay pansamantala, pero sa huli, umalis din siya. Iniwan niya ako kahit sa panahong ibinigay ko yung mga bagay na di ko naibigay kahit kanino. Ibinigay ko ang best ko, ang pinakamagandang ako. Sinubukan kong maging perpekto pero hindi pa din naging sapat para sa kanya. Lintik na pag-ibig, nalintikan na naman ako.
Tapos paglingon ko, nginitian mo na naman ako. Nandyan ka pa din. Hindi mo kinakayang tumalikod sa akin kahit ilang beses kitang tinalikuran. Bakit ba andami kong hinahanap e kung tutuusin, ikaw lang sora-sobra pa? Bakit ba andami kong binibigyan ng pansin, e ikaw na kulang na lang magpatiwakal sa harap ko ni di ko kayang lingunin? Pasensya ka na. Hindi ko kayang tapatan ang kaya mong ibigay. Hindi kita kayang mahalin pero mas hindi ko kayang subukan ulit kasi alam kong sasaktan kita uli, kasi alam kong hindi ko kayang makita ang sarili ko sa iyo. Sana lang kung sa paano mo ako nakikita, ganun din nila ako nakita. Sana lang sa kung paano mo ako tinanggap, sana ganun din nila niyakap pati ang pangit sakin. Sana kinaya kitang mahalin, pero hindi. Sana makahanap ako ng taong katulad mo pero yun taong kaya ko ding mahalin.
Para sayo ito ED. Ang sarap mabuhay na alam kong nandyan ka lang. Di ko kailanman matutumbasan ang pag-ibig mo, pero peksman! Tropa tayo buong buhay ko.
Thursday, October 17, 2013
Ang Hagdan Ng Pag-ibig
Ito ang hagdan ng pag-ibig, pag-ibig nating dalawa.
Naglakas loob akong humakbang papataas ng hagdan na ito, dahil hinawakan mo ako ng mahigpit. Binigay ko ang buong tiwala ko kasi akala ko magiging kakaiba ang hagdan ng pag-ibig kapag ikaw ang kasama ko sa pagpanaog.
Akala ko magiging sapat lagi ang pag-ibig. Akala ko magiging sapat na hawak mo ako. Akala ko magiging sapat ang mga ngiti natin. Akala ko magiging sapat na mahal natin ang isa't isa. Akala ko di ako mapapagod kakahakbang dahil alam kong sa dulo, nandyan ka pa din sa tabi ko. Akala ko lang pala.
Hindi pala laging sapat ang pag-ibig. Hindi pala magiging sapat ang pag-ibig kung katulad mo na may kundisyon ang pag-ibig. Hindi pala sapat na hinawakan mo ako, tapos kapag matatalisod ako, bibitawan mo ako ng basta-basta, hindi naman pala ganun kahigpit ang hawak mo. Kumapit lang ako sayo ng mahigpit at kapag manghihina na ako, hahayaan mo akong malunod sa kawalan. Hindi pala sapat ang mga ngiti natin kung sa panahon na wala ang ngiti natin, mas pipiliin mong ngumiti kasama ang ibang tao. Hindi pala sapat na mahal natin ang isa't isa, lalo na kung sa katulad mo, na mahal lang ako kapag kaya kong maging tao na perpektong gusto mo. Nakakapagod din pala, nakakapagod ding humakbang paakyat sa hagdan ng pag-ibig kahit na gusto kong makasama kita buong buhay ko. Nakakapagod kasi ako lang pala yung tumingin na gusto kita hanggang sa dulo, ikaw kasi ang nakita mo pala, may dulo tayong dalawa, matatapos tayong dalawa.
Ang sarap umupo dito. Hinto na muna ako sa lakad paakyat ng pag-ibig. Petiks muna lalo na yung puso ko lagi ang naaagrabyado. Umaasa ako na sa tamang panahon, may taong magiging matibay ang pag-ibig sa akin para hatakin ako paakyat, para samahan ako paakyat ng hagdan ng pag-ibig, para patunayan na mahal niya ako kahit sa panahong natitisod ako, yung taong handa akong buhatin sa panahong walang wala ako.
Written for JD. This is for RM. Naniniwala ako na sa tamang panahon, maiintindihan mo kung bakit ka binibitawan ni RM, sa tamang panahon kasi darating yung taong di ka iiwan kailanman.
Tuesday, October 8, 2013
Ang Pagbalik At Pagbaliktad
Pagbalik ng masasayang mga panahon. Pagbalik ng masasayang mga ngiti. Pagbalik ng masasayang mga sandali. Pagbalik ng masasayang pinagsamahan. Pagbalik ng walang katapusang kwentuhan na puro lamang tawanan at kasiyahan. Pagbalik ng mga masasayang araw na sisimulan ng nakakakilig na mga mensahe. Pagbalik ng masasayang gabi dahil tinatapos na alam kong nandyan ka.
Nung bumaliktad, 'pag baliktad, wala ka na. 'Pag baliktad tuluyan na bumaliktad ang lahat. 'Pag baliktad tuluyan ng mga alaala ang lahat. 'Pag baliktad wala na yung kamay na kinakapitan ko. 'Pag baliktad ang mga ngiti ay naging luha, ang mga pagtawa ay naging paghagulhol. 'Pag baliktad, wala na yung pag-ibig ko. Nagpatangay siya sa hangin. Nagpatangay siya sa hanging papalayo sa akin.
Yung dating nagpapangiti sayo, yun din mismo ang dudurog sayo. Yung dating nagpapatibay sayo, yun din ang nagpapahina sayo. Yung dating masasayang alaala, yun mismo ang nagpapaiyak sayo. Di pala masakit yung mga bagay na nakasakit sayo dati, ang masakit palang alalahanin, yung kung gaano kayo kasayang magkasama kahit ano pang problema, pero nakita nya ang sarili niyang mas sasaya kung mawawala ka.
Tangayin sana ng hangin ang pag-ibig ko. Tangayin sana ng hangin ang yakap at halik ko para sayo.
Friday, October 4, 2013
Ang Nag-uusap Na Mga Taon At Kalendaryo
2012
Ang laki-laki ng tampo ko sayo, Kalendaryo. Hindi mo man lang ako sinuyo o pinigilan nung nakipaghiwalay ako sayo. Alam ko paulit ulit, pero diba, sana pigilan mo ako. Mas pinili kong lumayo, bitawan ang tayo kasi sa tingin ko mas magiging masaya tayo na wala ang isa't isa. Sa tingin ko, mas maayos na ito. Kailangan ko din hanapin ang sarili ko. Nawala ako. Paalam, Kalendaryo!
2004
Alam mo 2012, iniwan ko si Kalendaryo ng paulit-ulit. Pinaglaruan ko siya. Sinabay ko siya sa madami pang ibang Kalendaryo. Sa huli, iniwan ko siya ng tuluyan pero alam kong babalikan ko siya kapag handa na ako. Nung handa na ako, nung handa na ako para tapatan ang pag-ibig nya, ni hindi na nya ako kayang kausapin. Lumilipas pala ang chances. Lumilipas din pala kahit ang pinakamainit na pag-ibig kapag sinayang. Sinayang ko siya, sinayang ko ang feelings niya. Swerte mo 2012 na lagi kang may chances sa kanya. Ikaw na nang iwan, ikaw pa aasang siya ang mageeffort? Ikaw naman. Patunayan mo kung mahal mo talaga siya.
2007
Ang tagal kong inantay yang si Kalendaryo. Kayo pa lang ni 2004, inaabangan ko na siya. Inaantay kong saluhin siya. Inaantay kong makita niyang nandito din ako. Nakita niya ako, sa wakas. Araw-araw break. Umabot na ng 300+ texts ko, saka pa lang siya magrereply. Madalas nakakalimutan niya ako itext. Kapag 9pm bawal na siya istorbohin. Halos di kami nagkakausap. Minsan lang kami magkita, swerte na kung makakalunch kami. Sa mall? Mumurahin niya ako. Sisigawan kapag nabadtrip siya. Ikinakahiya nga nya akong ipakilala sa ibang tao e. Ni di niya ako kinantahan sa phone. Ni di siya nakagawa ng tula para sa akin. Wala siyang nagawa. Sinalo ko lang siya, pero di niya kinayang saluhin ang feelings ko. Inggit na inggit ako sayo, 2012. Lahat ng binigay nya sayo, lahat ginawa niya para sayo. Yung mga pinaramdam niya sa akin, ginawa niya ba sayo? Sobrang ibang iba sya sayo, 2012. Ganun ka niya kamahal, pero ganun ka naging bulag, Hindi ka nakuntento.
Kalendaryo
2004, true love waits but not for too long. Hindi lahat may chance. Sana pinahalagahan mo ako nung pinapahalagahan kita.
2007, naging kuntento ka kahit kagaguhan lang ginawa ko. Seryoso naman ako, at seryosong nasaktan ka lang sa akin. Pasensya ka na. Siguro yun lang yung kapiranggot na pag-ibig na kinaya kong ibigay para sayo. Salamat sa pag-ibig.
2012, mas malaki ang tampo ko sayo. Di mo alam kung gaano ko ibinigay ang best ko pero mas pinili mo pa ding iwan ako. Kung busy ako sa studies, sa trabaho, hinding hindi ko kailanman kinalimutang magtext sayo o tumawag paminsan. pero ikaw? natanong mo ba sa sarili mo kung ilang beses mo ako kinalimutan sa umaga at gabi? Hindi kasi halos wala kang marinig. Kinuntento ko ang sarili ko sa kaya mong ibigay. Kinuntento ko ang sarili ko hanggang sa nagmumukha na akong nangmamalimos para lang angkinin mo ako. Nanlamig ako kasi gusto kong mapansin mo ako. Gusto kong sabihin mong mahal mo ako. Pero ilang buwan kong kinuntento sarili ko sa "K" at mas maiikling mensahe mo. Kapag nag-aaway tayo, yun lang ang mensahe mong mahahaba. Ang saya saya ko kapag nag-aaway tayo. Hindi dahil hindi tayo okay, pero yun lang ang panahon na binibigyan mo ako ng panahon. Hanggang sa lagi mong pipiliing iwan ako. Ang sakit pero kinaya ko. Mahal kita e. Ginawa ko ang lahat. Di ka pa din nakuntento. Nagsinungaling ka. Iniwan ako. Ako pa din ang hahabol? 2012 naman. Konting effort lang ginusto ko. Dalawang texts sa isang araw lang, pero hindi. Pinili mong magpaalam. Malamlam na paalam. 2012. Siguro nga panahon na para sarili ko naman ang isipin ko.
Mabilis tumakbo ang oras. Pahalagahan mo ang minuto. Wag mong sayangin ang segundo. Mahal kita 2012. Pinahalagahan ko naman e, ikaw lang inaantay ko.
"When you're needing your space to do some navigating, I'll be here patiently waiting to see what you find... I won't give up on us"
Subscribe to:
Posts (Atom)