Thursday, December 26, 2013

Ang Ibig Sabihin Ng Mahal Kita



"Mahal kita" sabi niya sa akin.
"Mahal kita, dati pa" sabi ng iba pa sa akin.

Ito na lang ba ang pag-ibig, puro salita, walang gawa? Ito na lang ba ang "Mahal kita.", salita na lang para lang marinig pero hanggang doon na lang? Ito na lang ba ang pagmamahal ngayon? Ganito na lang ba? Ang pag-ibig kung puro salita, di yan pag-ibig. Salita lang yan katulad ng iba pang salita.


Ano ang kwenta ng pag-ibig kung sinabi mo nga, pero di mo kayang panindigan? Ano ang kwenta ng "Mahal kita" kung mahal mo nga di mo naman kayang piliin? Ano ang kwenta ng pagsasabi mo ng pagmamahal mo sa kanya kung di naman niya maramdaman? Ito na lang ba ang pag-ibig sa inyo?

Totoo lang, kahit sinong tanungin, dapat kapag nalaman mo na mahal ka ng isang tao, ikaw dapat yung isa sa pinakamasayang tao sa mundo lalo kung mahal mo din yung taong yun, pero bakit nung narinig ko galing sa inyo 'to, nasaktan ako? Bakit mas nasaktan ako? Bakit mas masakit pala kapag sinabihan ka ng tao na "Mahal kita." at sa parehong pagkakataon, di ka nila kayang piliin? Sasabihing mahal ka niya pero kasabay noon ang pagtalikod niya sayo? 

Kung ang pag-ibig, ganito na lang, mas mabuti pang di ako mahalin ng kahit na sino. Kung ang pag-ibig, parang katulad lang ng pag-ibig ng mga taong 'to, mabuti pang wag ko ng malaman, para walang umasa, walang masaktan, walang dapat patunayan.

Ang alam ko kasi, kapag ako sinabi kong "Mahal kita" ibig kong sabihin, mahal kita at kaya kitang hawakan at panindigan buong buhay ko. Mahal kita at kaya kitang piliin, di lang isang beses, kundi paulit-ulit wag ka lang mawala. Mahal kita kaya hindi ko kailanman gugustuhing mawala yung ngiti mo sa mukha mo, susubukan ko ang lahat wag ka lang masaktan. Mahal kita, hindi lang sa salita, hindi lang para malaman mo, sisiguraduhin kong, gagawa ako ng paraan para maramdaman mo din. Mahal kita, na kahit walang kasiguraduhan ang kinabukasan, ang alam ko gagawin ko ang lahat magwork lang 'to, na hanggang huli tayo, tayo lang. Yan ang pag-ibig para sa akin. Ganyan ako umibig.

Naniniwala pa din ako na sa susunod na marinig ko ang salitang "Mahal kita" hindi na manggagaling sa mga taong hanggang salita lang. Sana, sana lang, dun sa taong kaya akong panindigan, piliin, at ako lang talaga. Naniniwala ako, na hindi man ngayon, darating pa din yung taong talagang para sa akin, yung sasabihin "Mahal kita" at di matatapos dun ang kwento kasi kaya niyang mapatunayan na mahal niya ako, yung "Mahal kita"  na pwedeng pang-habambuhay. Sa susunod, sana sa susunod.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.