Sunday, December 1, 2013

Ang Lugar Ko At Lugar Mo


Madalas, iniisip ko saan nga ba ang lugar ko. Madalas, pilit kong inuulit sa sarili ko para di ako makalimot, para di ko hayaang makalimot ako kung hanggang saan lang ako nararapat. Madalas pinapaniwala ko yung sarili ko na ito ang lugar ko, ito lang ang lugar ko, dapat dito lang.

Ang hirap lang kasi, ang hirap maalala na yun lang yung lugar ko, na hanggang dun lang ako kasi abot langit yung ngiti ko kasi lagi mo akong pinapasaya ng sobra. Isa ka sa mga rason kung bakit okay ako ngayon, kung bakit mas gusto kong ngumiti kaysa umiyak. Pinaparamdam mo sa akin na importante ako ng sobra. Hindi mo sinasadya, pero kayang kaya mo akong pakiligin ng walang hirap. Ginagawa mo akong parte ng araw-araw mo, at parte ka din ng araw-araw ko. Iniisip mo yung mga susunod na taon, na baka pwedeng meron ng "tayo" sa susunod, kahit alam naman natin na, kahapon at ngayon impossible na tayo, paano pa sa susunod?

Ayokong mawala ka, pero mas ayokong umabot sa punto na may masasaktan, lalo ka na, kasi ayokong masaktan ka, kasi alam ko, habang tumatagal, higit kanino pa man, masasaktan ka kasi maiipit ka. Ayokong mawala yung lahat pero mas ayokong mahirapan ka, mahirapan kang pumili, at ang totoo, alam ko naman na simula pa lang na hindi na pwede. Hindi pwedeng ako ang piliin mo, na hindi mo ako mapipili, na bawal mo akong piliin. Dun pa lang, nawala na ako sa lugar ko. Nginitian mo kasi ako, nakalimutan ko tuloy na dapat hanggang tingin lang ako. Hinayaan ko ang sarili ko na pasukin ang lugar "ninyo", patawad. 

Alam natin na ito ang lugar ko, yan ang lugar mo. Alam natin na wala "tayong" lugar kasi merong "kayong" lugar. Alam natin na kahit ipilit natin araw-araw, hindi pwede, hindi pwedeng pagdikitin yung lugar mo at lugar ko, di pwede kasi may nagmamay-ari ng titulo ng lugar mo, merong nagmamay-ari sayo. Merong umaangkin sayo, kaya kahit makaipon ako ng MIlyon para angkinin yung titulo mo, alam ko naman na hindi ko mapapalitan yung "kayo"

Totoo lang, masaya ako para sayo, para sa inyo. Alam kong mahal mo siya, mahal na mahal, kaya ngayon pa lang, ngayon pa lang iiwas na tayo. Alam kong natutuwa ka lang sakin, napapasaya lang kita, at kahit buong buhay ako mag-joke sayo, alam ko at kailangan ko pa ding tanggapin na iba ang pag-ibig, iba ang "gusto". Iba siya, iba ako. Iba ang lugar niya, iba ang lugar ko. Sa kanya, merong "kayo", sa akin? wala, sadyang di lang pwede.


Iba ka lang. Iba ka pa din. Salamat kasi di mo ako kailanman iniwan, totoo lang ang sarap mong maging kaibigan. Isa ka sa mga taong hindi ako hinayaang mag-isa. Salamat, hindi man kita makakausap araw-araw, nandito ka pa din sa isip ko, araw-araw. Walang burahan ng videos at photos para makakamusta pa din kita sa paraang alam ko. Peksman! Kung kailangan mo ng kaibigan, susubukan kong maging nandyan para sayo.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.