Monday, May 30, 2016

Ang "Bakit Mahal Kita?" At "Bakit Mahal Mo Ako?"


May nabasa ako, ang alam ko nitong taon lang yun. Sabi dun, kung tatanuningin ka ng mga rason kung bakit mo mahal yung isang tao, may masasagot ka. Hindi lang daw pwedeng "Mahal kita kasi mahal kita" Pwede naman na mahal mo lang talaga yung isang tao pero masarap kasing balikan yung mga oras kung paano mo masasabing "Tangina, mahal ko 'tong taong 'to" at yun yung panghahawakan mo para magtagal kayo, o para maging pang-habambuhay kayo. Yun yung sagot na pwede mong panghawakan lalo kapag gumuguho na kayo, lalo sa panahon na bibitaw ka na.

At ngayon, ngayon sa puntong 'to, habang nagtatype ako ng isa na namang blog na di ko alam san patungo, tinatanong ko yung sarili ko kasi gusto ko din ng eksaktong sagot dyan


Tanong: Bakit mahal kita?
Sagot ko: 
Pasensya na kayo. Nakatago yung sagot ko dito. Ibalato ninyo na 'to sakin. Gusto ko na siya lang ang makakabasa sa panahon na kailangan na namin mabasa at maalala yung sagot (Mas lalo na sa panahon na kailangan kong maalala ang mga dahilan ko)


Tapos kumakatok sa utak ko yung tanong na "Bakit mahal mo ako?" Ang totoo, di naman mahalaga kung bakit mahal ka ng isang tao. Di ko sinasabi na di mahalaga yung pag-ibig nila para sayo. Ang punto ko dito, ang pag-ibig kailangan nararamdaman mo at kailangan pinaparamdam sayo. Kailangan walang iwanan. Hindi ko sinasabi na hindi na pag-ibig kapag iniwan ka ng isang tao pero para saan ang sinasabi sayong mahal ka niya kung ipaparinig lang niya yun sayo pero maglalaho din siya na tila ba mga ugong sa kweba na lang ang maririnig mo. Yun yung tipo ng mga salita na di mo na lang dapat pansinin kasi magtatapos lang. Pangungusap na may tuldok, pag-ibig na nagtatapos. Hindi na kailangang maging mahalaga pa kasi alam mong patungo yun sa kung saang kailangan huminto.

Pare, para sa akin, ang pag-ibig, kailangan pahalagahan mo kasi di laging nandyan yan. Maniwala ka sakin, kahit ang pinakatotoong umibig, kapag di mo pinahalagahan, natututong humanap ng halaga niya kahit wala ka na. Kailangan pinaparamdam mo kasi di lang salita ang pag-ibig,  kasi walang kwenta yan kung salita lang yan na katulad pa ng ibang mga salita. Kailangan may oras ka, di pwedeng hahayaan mong siya at siya ang laging umintindi at mag-adjust sa kakaunting oras na kaya mong ibigay, kasi peksman, mamatay man, mapapagod yang taong nagmamahal sayo kung para lang siyang nanlilimos ng konting oras mula sayo. Kailangan hinahanap hanap mo kahit kasama mo at lalo na kapag wala dyan sayo kasi kung di mo mapahalagahan ang presence niyan, kung babalewalain mo, baka matutong mag-absent yan sayo sa panahon na gugustuhin mo na ulit yung presence nya. Kailangan araw-araw, paulit-ulit mo siyang pipiliin, hindi madali pero kung di mo siya kayang piliin ngayon, bitawan mo na lang kasi sa tamang panahon, may tao dyan na kayang kayang piliin siya araw-araw. At tandaan mo, kung nahihirapan kang piliin siya, sa tingin mo ba madali sa kanya na piliin ka? Malamang hindi din pero pinipili ka pa din niya. Kailangan alam mo ang worth niya, kasi kapag bulag ka na sa worth niya, kapag nababalewala mo at nasanay ka na "Di naman mawawala yan, andyan lang lagi yan", kapag di mo na mapakita kung ano pa siya sayo, kung ano ang worth niya sayo at sa buhay mo, kapag natuto na siyang mahanap yung worth nya na wala ka, hindi yan matututong bumalik pa sayo kasi sa utak niya babalewalain mo lang siya, babalewalain mo lang siyang ulit.

Kaya sige, lalo sa mga nasa relasyon ngayon, o kalandian man yan, o kung ano man ang tawag sa meron kayo ngayon, o kung wala man label yang estado na meron kayo, tanungin mo ang sarili mo kung bakit mo siya mahal, at sana alam mo din yung eksaktong sagot niya sa kung bakit ka niya mahal.


Bakit mahal mo ako?

Kapag nakayanan mong lapatan ng mga salitang tutugma sa pakiramdam mo ang tanong na 'to, ipaalam mo, ipaalala mo yung mga maliliit na detalyeng naaalala mo. Sana sa panahon na yan, hindi pa sana huli ang lahat. Sana sa oras na yan, hindi pa sana ako natututong...



PS. Di pa rin ayos 'tong blog ko. Malapit na, malapit na. Pasensya na, naging busy lang akong sulitin ang oras ko at ngayon naman, gusto ko lang kasi ng oras ko. Patawad kasi mabilisan lang 'to pero importante 'to kaya sana malaman ninyo ang mga sagot sa mga tanong na 'to

PPS. Mawawala ako, baka isang linggo , isang buwan o isang taon (di ko alam) pero babalikan ko kayo. Sa panahon na babalik ako, pangako, masaya ang unang isusulat ko para sa inyo.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.