Sunday, December 22, 2013

Ang Ferris Wheel


Minsan nasa baba ako, doon ako nag-umpisa. Madalas doon ako nalulula kung gaano katagal pa ang aantayin ko para maabot ko ang itaas. Doon ko nararamdaman yung mga bagay na nakakapagpalungkot sa akin, doon ko mas iniisip kung ano ang wala sa akin. Minsan kasi, minsan mas pinapahalagahan natin yung wala na, kaya napapabayaan yung meron pa. Madalas sa baba lahat ng bagay na kaya tayong hatakin sa pagluha. Pero pwede namang umikot. Pwedeng baguhin. Pwedeng mamili. 

Kaya sa ngayon, pinipili kong maging masaya. Alam ko may oras na malulugmok ako, pero mas papahalagahan ko ang kasiyahan. Pinipili kong ngumiti. Alam kong darating ang panahon na iiyak pa din ako, pero mas iisipin ko yung mga bagay na di ako papaluhain. Pinipili kong pahalagahan ang mga natira, kasi wala na akong magagawa sa mga nawala, pero kaya kong di mawala ang mga natitira. Pinipili kong mas yakapin ang kasiyahan kaysa kalungkutan, kasi ayoko na, ayokong may parte sa akin na sasayangin ko ang maikling oras na ibinigay sa akin ng Diyos para lang humagulgol. Pinipili kong idasal ang lahat, kasi alam ko wala Siyang ibibigay na hindi ko kakayanin.

Nasa baba man ako, alam kong kakayanin ko ang lahat kasi mas madaming natira kaysa nawala. Nasa baba man ako, hindi ko hahayaang malugmok ako. Nasa baba man ako, alam ko darating yung araw na maaabot ko ang itaas, kasama nung mga taong di talaga ako pinabayaan, kasama lahat ng mga rason kung bakit masarap mabuhay. Nasa baba man ako, mas importanteng di ako bumibitaw. Nasa baba man ako, alam ko namang masaya pa din ako. Nasa baba man ako, alam kong madami naman ang nagmamahal sa akin na kaya akong samahan nasaan man ako, yun, yun ang pag-ibig, yun ang mas dapat pahalagahan, yun ang kailangan ng kahit na sino man.


Awesome day with the family. Thank You, Lord for reminding me how blessed I am. Truly an amazing life. [Dec22/13]

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.