Monday, December 2, 2013

Ang Mahal Kita, Dati Pa


Lumayo ako sayo ng paulit ulit. Pinipilit kong lumayo sayo lagi, hindi dahil di kita gusto, ang totoo, gustong gusto kita sa buhay ko. Ilang beses lang akong lumayo kasi ilang beses mo din akong pinalayo, ilang beses mo akong hinayaan, wala akong narinig na kahit anong galing sayo. Pinaramdam mong importante ako, at sa parehong pagkakataon, tatablahin mo ako na gawin natin ang tama, na kailanman di mo ako mapipili. Ilang beses yun, ilang beses at hindi ako natuto. Ilang beses akong lumayo, ilang beses mo din akong hinayaang walang marinig, parang panaginip. Iisipin ko na lang na panaginip ang lahat. Lalayo na lang.

Hindi ako nakaiwas sa tadhana. Pinagtagpo na naman ang landas natin. Ang alam ko lang, nung panahon na yun, alam ko wala na, alam ko walang natira kaya hinayaan ko. Hinayaan kong dumaan ang araw-araw. Hinayaan ko at di ko napansin, nagiging parte ka na ng araw-araw ko. Hinayaan ko lang. Hinayaan ko kasi nakikita kong gusto mong maging parte ng araw-araw ko, pinaparamdam mo.

Di ako natakot, kasi akala ko sigurado ako sa feelings ko, na wala na, na tinangay na yun ng matagal na panahong namagitan sa atin. Di ako natakot, kasi alam ko, alam natin ang hangganan natin, kaibigan lang, hanggang dyan lang tayo. Di ako natakot pero ito ka ngayon, ito tayo ngayon.

Kinakailangan na naman nating matutong lumayo, hindi dahil ayaw natin ang isa't isa, kundi dahil kapag ipilit natin 'to, may masasaktan. Kapag hinayaan natin 'to, may magigipit. Kapag mas pinahalagahan natin 'to, makakalimot tayo. Kapag sinubukan pa natin, sa huli tayo ang mahihirapan.

Sigurado na ako, sigurado na akong lumakad palayo sayo. Ayoko kasing umabot sa punto na hihilingin mo na namang lumayo ako. Inunahan na kita para di mo na ako kailangang itaboy ulit pero bigla kang nagsalita:


Bago natin gawin to at least alam mo ng mahal kita, dati pa.


Pinangiti mo ako. Pinaluha mo ako. Salamat kasi pangalawang beses ka pa lang naging matapang na umamin, at least alam kong di lang pala ako nag-assume, totoo pala. Na sa kada pagtataboy mo sa akin nun, baka may parte din naman sayong gusto akong hatakin, sadyang mas importante lang sila. At least ngayon, sa paglakad kong papalayo, alam ko, nanggaling mismo sayo, na di naman pala panaginip lahat. Lalakad akong palayo na ngingiting alalahanin 'tong chance na 'to, yung pangalawang beses na sinabi mo sa aking mahal mo ako. Ngingiti akong alalahanin ka araw-araw. Ngingiti ako kasi yun yung ginawa mo sa pang-apat na chance natin, pinangiti mo lang ako. Di man natin mapili ang isa't isa, di man nating pwedeng ipilit 'to, di man natin kayang hawakan yung kamay ng isa't isa, di man natin kayang ipagsigawan sa lahat kung anong nararamdaman natin, masaya na akong marinig yung sinabi mo. Kuntento na ako. Punong-puno na ako. Ito yung pang-apat na chance, at sa pang-apat na beses lalayo ako ulit, pero sa pang-unang beses sinusubukan mo akong pigilan, sa unang beses di mo ako tinaboy, sa unang beses naramdaman ko talagang gusto mo ako sa buhay mo, at sadyang di lang pwede.

Salamat! Di man natin alam kung may pang-lima pa, ang alam ko lang, sapat na sakin yung apat na chance na yun, sapat na para malaman ko lahat. Lagi kang ngumiti, isipin mo na lang, lagi akong nakatingin sayo. Pakinggan mo yung kanta sa tuwing mamimiss mo ako. Katulad ng sinabi ko sayo, friends forevs. 

Kung tayo, tayo. Kung hindi, sana tayo na lang. Kung hindi, hindi.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.