Friday, November 21, 2014

Ang Namimiss, Miss Na Miss




Namiss kita. Namimiss kita. Mamimiss kita.

Namimiss ko yung mga oras na kasama kita. Gustong gusto ko yung maliliit na bagay na nangyayari sa atin kapag magkasama tayo - yung mga simpleng hawak sa kamay na parang sinasabing "Nandito lang ako sa tabi mo, ngayon at sana sa mga susunod na bukas.", yung mga hawak sa bewang mo dahil yun lang ang abot ko, yung mga bulong na sinusubukang hindi mag-ingay dahil iniisip nating maririnig ng ibang tao yung mga sinasabi natin, yung mga yakap na hindi pantay dahil matangkad ka pero yumayakap pa din tayo, yung mga lakad na nakangiti lang ako habang nakakunot na yung noo mo, yung mga oras na kumakain tayo dahil hinding hindi ako magdadalawang isip na ipagdamot sayo ang pagkain ko, yung pagtitig ko sa tabi ko, nandyan ka lang at di ko maiwasang mapangiti dahil alam kong nandun ka sa tabi ko, yung mga halik, madaming halik na hinding hindi ko pagsasawaan, at yung marami pang iba. Minsan hindi ko namamalayan na nakatitig lang ako sayo, sinisipat yung bawat detalye mo, minsan ikaw naman, at minsan titignan natin yung isa't isa, at kapag nagtagpo yung mga mata natin, yung parang lahat ng pag-ibig sa mundo, sinusubukang sumigaw mula sa atin. Pinakapaborito ko yung mga ngiti sa mukha natin, walang effort, at minsan hindi ko na napapansin na sobra na akong nakangiti at buong oras na kasama kita, na hindi yun maalis.

PS. Alam kong alam mo naman pero sasabihin ko pa din - namimiss kita, araw-araw. Hindi na yata masasanay yung puso kong hindi ka mamiss. 

Thursday, November 6, 2014

Ang Mahal Kita


Nakilala kita. Nakilala mo ako. Nagkakilala tayo. Naging magkaibigan lang. Magkaibigan lang pero ibinulong mo na: Mahal kita.
Sinagot kita ng: Mahal din kita (yung pabulong, yung ayokong marinig mo, kasi ayokong masaktan tayo pareho, pero narinig mo pa din)

Pero isa yun sa pinakamasakit na "Mahal kita" na narinig ko sa buhay ko. Hindi dahil ayokong marinig yun sayo, kundi dahil nung sinabi mo yun, hindi mo kinayang panindigan. Sinabi mo lang at wala akong magawa kundi hayaan yung hangin na hawiin yung mga salitang yun na para bang di ko na lag narinig. Nagpakabingi. Nagkunwaring walang narinig, walang naramdaman. Sinubukang kalimutan.

Magkaibigan lang. Itinatak ko sa utak ko. Kaya sinubukan kong magmahal ng iba. Sa panahon na yun, kinakalimutan ko ang "Mahal kita" na sinambit mo, at ang "Mahal din kita" na isinagot ko sayo. At nung sa wakas, mahal ko na siya, naglakas ka ng loob para sabihing gusto mo pa rin ako. Kinailangan kong lumayo, at piliin yung taong minahal ko, dahil ganun ka din. Di mo ako kinayang piliin noon, kaya kailangan kong piliin yung taong minahal ko.

Nagmahal ka muli ng ibang mga tao. Nagmahal na ako ng ibang mga tao. Nagmahal tayo pareho. 

Natapos yung istorya ng pag-ibig ko sa taong minahal ko, sa taong pinili ko kaysa sayo.

Isang araw, naisip kita. Hinanap kita. Sinalo mo ako nung panahong di ako masalo nung taong minahal ko. Katulad ng dati, di naman pwedeng tuluyang hayaan ang kwento natin, dahil di pwede, dahil di na naman pwede. Dahil di pa din naman ako maayos, at di din natin pwedeng hayaan. Lumayo ako. Lumayo na naman ako.

Masaya ako. Masaya akong sinusulit yung oras ko sa sarili ko, pero lumapit ka na naman. Lumapit nang lumapit. Paulit ulit. Ayoko na sana. Ayoko na sanang bigyan ng panahon yung istorya natin, siguro kasi di naman talaga pwede lagi pero ewan ko, binigyan ko ng pagkakataon, di man yung pag-ibig natin, pero yung pagkakaibigan naman natin.

Ito tayo. Makalipas ang ilang taon nang taguan, nang sakitan, nang iwasan, nandito tayo ngayon. 

Sabi mo: Mahal kita
Sabi ko: Mahal din kita

Tayo yung magkahawak kamay. Tayo. 

At yun ang pinakamatamis na "Mahal kita" sa buhay ko. Saka ko naisip na sayo yung pinakamasarap na "Mahal kita" na narinig ko, dahil yang "Mahal kita" na galing sayo, hindi natin pinilit nung panahon na may masasaktan tayo, hindi natin sinubukan nung oras na di pwede, hindi natin ipinusta nung alam nating di tayo makakapusta. Dahil yang "Mahal kita" mula sayo, ilang taon mang nakalipas, ilang tao din ang dumaan sa buhay natin, ilang problema man ang pinagdaanan natin, nasabi mo pa din, ipinaramdam mo pa din. 

Kaya nga ang sarap sabihin na mahal din kita - mahal na mahal. Ang sarap sa pakiramdam na wala tayong natapakang tao, wala tayong nasaktan, wala tayong dinuga. Ang sarap lalo sa pakiramdam na kahit anong nangyari, tayo pala talaga, hindi natin pinilit, sadyang tayo lang talaga.


Mahal kita, GEMI. <3
I'm blessed to have you. Lifetime to go, my Love! 
1st. :)

Saturday, November 1, 2014

Ang Araw Mo At Buwan Ko


Hinahanap mo yung taong magiging araw sa buhay mo. Yung sinasabi mong magdadala ng liwanag sa buhay mo. Yung yayakap sayo sa liwanag ng paligid ninyo na makikita yung pag-ibig ninyong dalawa ng lahat ng tao. Yung tipong nakakabulag na liwanag niya, pero yun yung eksaktong hinahanap mo, hindi yung mabulag, kundi yung mag-aalis sayo sa dilim na pinagsawaan mo. Yun yung hinahanap mong pag-ibig, yung dadalhin ka sa liwanag, yung bubulagin ninyo ang ibang tao sa pag-ibig na meron kayo, yung araw mo na mahal mo at mahal ka sa liwanag.

Pero ako? Buwan. Gusto ko yung buwan sa buhay ko. Kasi alam ko sa liwanag, madaming taong nandiyan para sa akin pero gusto ko yung buwan dahil eksaktong malalaman kong kahit sa dilim, hindi ako nag-iisa. Hindi ako iiwan. Yung kahit sa dilim, wala man makakita, wala man makapagmasid sa pag-ibig namin, alam namin parehong totoo yun. Yung buwan na di man makakapagbigay ng liwanag sa akin, pero alam kong liliwanag yung puso ko dahil yung pag-ibig na pinagsasamahan namin, hindi lang kapag maayos ang lahat. Yung buwan na hahawakan ako ng mahigpit at sasabihing "Di man kita kayang bigyan ng liwanag, pero pangako nandito ako lagi - kahit sa panahong malabo. Wag kang mag-alala. Di ka naman mag-iisa, kahit kailan."

Lahat gustong magkaroon ng araw para lumiwanag yung buhay nila, pero mas gusto ko yung buwan para malaman kong kahit sa dilim, di ako mag-iisa, may kayang tumanggap at magmahal sa akin.