Thursday, June 23, 2016

Ang Pag-uusap Ng Mga Kamay At Ng Mga Relo




ANG KANILANG PAMAMAALAM
Matapos ang ilang araw. Matapos umasa. Matapos mag-antay.

KAMAY SA METAL NA RELO:
K, pinag-isipan ko talaga 'to ng mabuti habang hinihingi ko yung space at oras sayo. Alam natin na babalik pa ako ng barko at gusto kong bumalik ng barko talaga at alam ko na pagbalik ko dun, same nung first contract ko talaga ang magiging routine ko. Ayokong maging unfair sayo, K. Ayokong masasaktan at masasaktan lang kita ulit kasi alam ko gano mo ko kamahal at mahal din kita, K. Pero iniisip ko nalang na kung tayo, tayo talaga. Ayoko lang maging unfair sayo kasi sa ngayon alam natin na hindi na nag wowork out ang relationship natin puro nalang away at pag nasa barko ulit ako, hindi ko nanaman mabibigay yung oras na hinihingi mo. I'm sorry K sa lahat lahat. You're the best girlfriend sa buhay ko at binigay mo lahat lahat sakin at unfair sayo yun... I'm sorry ulit. I know time will come na magiging maayos ang lahat. Kilala kita at naiintindihan ko kung kinakamuhian mo ko ngayon.


**Habang humahagulgol at nasasaktan ang Kamay sa itim na relo, pilit nyang iniintindi. Pinilit nyang wag matanong. Pinilit nyang magpalaya. Pinilit nya na hanggang sa huli manaig yung pag-ibig na kaya niyang iparamdam sa Kamay sa metal na relo. Pinilit nya kahit siya mismo yung nadudurog.


KAMAY SA ITIM NA RELO:
Okay, G. Mahal na mahal kita at kung sa tingin mo ako yung sagabal sa pangarap mo at di na ako parte nyan, wala akong magagawa. Gustong gusto kong masaya ka. I have given you the freedom, alam mo yun. Walang bawal. Walang di pwede. I trusted you so much. Malungkot lang ako kapag sa sobrang saya mo sa freedom na meron ka, kinakalimutan mo ako. This wasn't working out because you have refused to talk to me, not even once a month or nung pagdating mo. I don't need your whole day noon at ngayon, just a minute or two para mapag-usapan lahat pero tinataboy mo ako. Pinili ko lang magstay kahit wala ka ng rason na binibigay para magstay ako. Lagi lang kitang pinipiling mahalin kahit ang hirap na. And for the record, hindi kita kinakamuhian kasi gusto kong isipin na nahihirapan ka din (even if I think you're happier without me) I know you don't think about me as often as I think about you and yes this pains me a hell of a lot (parang gumuho mundo ko paggising ko na nabasa message mo) that I think I don't deserve this pain pero mas naiinis ako sa sarili ko kasi you leaving me, don't even make me hate you, not even a bit. Mahal na mahal kita, sana hindi na, sana di na lang kita mahal para mas madali. Sana din di mo na sinabi na mahal mo ako ngayon pero iiwan mo ako. I'm not the best na girlfriend sayo, kasi kung the best ako... Sana di mo na ako niyakap, hinalikan at pinatulog dyan sayo nun para wala akong naiisip ngayon. Sana di mo na lang ako ulit pinasaya ng konti. Sana wala ng "Good morning Love" or updates pagbalik mo para nabitawan na kita agad, G.

Gustong gusto kitang bitawan katulad ng pagbitaw mo sakin pero ang hirap hirap. Kung tayo, tayo kasi pinili natin yun. Kung hindi, hindi kasi yun yung pinili mo.

Thank you. Bye, G. Please wag ka na magreply.


**Nagdaan ang ilang araw, lagpas dalawang linggo habang pinipilit maniwala ng Kamay sa itim na relo sa lahat ng kabutihan at pag-ibig, isang araw, biglang nagsabay-sabay na kailangan nyang magpaalam - dun sa munting sasakyan na hindi na kinayang bayaran, at nakatanggap din siya na kailangan nya nang bumitaw ng tuluyan sa inaakala niya


METAL NA RELO:
Sa oras na yan, masaya syang hawak ang kamay ng iba.


ITIM NA RELO:
Sa oras na yan, akala ng nagmamay-ari sakin posible pa. Siguro may parte sa kanyang umasa, naniwala sa pag-ibig, naniwala sa mga pangako, sa mga salita na dinala ng hangin papunta sa himpapawid ng kawalan. Iba yung tingin niya dyan sa nag-mamay-ari sayo, metal na relo.

Sa oras na 'to, alam na ng Kamay na nagmamay-ari sa akin, yun yung mahalaga.


KAMAY SA ITIM NA RELO:
Hindi iba ang tingin ko sa kanya, tao lang din siya. Ngayon, sadyang iba lang ang tingin ko sa pag-ibig. Siguro nag-mature din ako. Iba yung respeto ko sa pag-ibig.

Kung ngayon masaya siya sa iba, karapat dapat siyang sumaya, hindi dapat yun ipagdamot kahit kanino. Kung pumili siya ng ibang pag-ibig, hindi ko na problema yun. Basta sa akin, nagmahal ako, tapos ang usapan. Nagmahal ako, at kung tumanggi siya sa pag-ibig na bigay ko, hindi ko kawalan yun kasi sa dulo, nawala yung taong dapat mawala sa akin, at nawalan siya ng taong di sya tatalikuran kahit kailan.

Hindi ako nagkamali nung minahal ko siya, yun yung totoo. O kahit sino man ang minahal ko noon. Lahat ng pag-ibig na totoo na ibinigay mo, hindi kailanman pwedeng maging mali. Ang pinapaniwalaan ko sa buhay ko, basta nagmahal ako ng totoo, mag-iiwan ka ng bakas dun sa minahal mo. Hindi man ngayon o sa mga susunod na buwan, dun sa taong nakaranas ng pag-ibig na naibigay mo, darating sa punto na iisipin ang pag-ibig na tinalikuran nila. Yun lang sakin, ang magmahal at mag-iwan ng bakas sa mga tao na minahal ko, na sa buhay nila, nakaranas sila ng totoong pag-ibig mula sa isang estranghero.

Maniniwala ako sa pag-ibig. Hindi ako kailanman mapapagod magmahal at tumanggap ng pag-ibig. May mga nagpapaalam, pero ang mahalaga, hindi ako yung nagpapaalam, para kahit anong pagkakataon, wala akong pagsisisihan kasi nagmahal ako ng totoo at di natatapos.




Nung unang nakasama kita, mahal na kita.
Nung naging tayo, mas pinili kong mahalin ka pa.
Nung huli kitang nakasama, pinanindigan kong mamahalin ka kahit wala ng rason.

Minahal kita. Mahal kita at sana dumating yung panahon na mabaon na 'to dun sa dulo para sa susunod na umibig ako, maibigay ko ng buo ang pagmamahal ko ulit. 


Mahal na mahal kita :( Higpit ng kapit mo dyan sakin, pero ikaw din mismo bumitaw sakin. Hindi ko kailanman hininging tapatan mo ang pagmamahal ko sayo, nakuntento ako sa kaya mo, pero wala e :( Sana mawala na lahat ng sakit :( Ayoko na mamiss ka :(


Paalam, Kamay sa metal na relo. Ayaw ko man, pero kailangan. Salamat sa lahat. Salamat. God bless you, I know He always will.


Nagpapaalam,
Kamay sa itim na relo




PS. Kapag ang mga salita ko ay di na puro sa kanya, kapag naitago na ang pag-ibig sa kawalan, magsusulat ulit ako. Peksman! Pasensya na din di ko na binasa ulit 'to, kung ano natype ko, yun na. :) Puso. :P

PPS. Kung may mabasa kayo dito na di mababasa ng iba, sikreto na natin yun, okay? Yun yung mga bagay na di kailangang malaman ng lahat. :) Nakatago, di para sa lahat. Kung gets nyo 'to, ibig sabihin nabasa nyo yung tinago ko.



Thursday | June 23, 2016
Blogged: June 24, 2016 3:48 am

Wednesday, June 8, 2016

Ang Kwentuhan Ng Mga Alon Ng Pag-ibig



ANG PAG-IBIG NG NASA RELASYON

KALMADONG ALON NG PAG-IBIG: Sigurado. Seryoso. Walang lokohan.
Ang sarap nung alam mong kayo. May label. Kumbaga pwede ninyong isigaw kung gaano ninyo kamahal yung isa't isa. Ang sarap nung pag-iisip na bukod sa Diyos, pamilya at mga kaibigan, may isang tao kang pwedeng maasahan. May isang taong sana tatanggapin ka ng buong buo. Yung nakaraan mo, yung ngayon at yung mga bukas ng buhay mo. Ang sarap kapag kasama mo siya kasi alam mo sa puso mo, hindi man kayo ngingiti madalas, alam mong palagay ka. Ang sarap nung pag magsisimula at magtatapos ang araw mo (at paminsan kahit busy ka, buong araw), naiisip mo siya, makakausap mo siya at makakakwentuhan. Hindi kami magkasama lagi. Hindi kami magkausap lagi pero gumagawa kami ng paraan para maging parte pa din ang isa't isa ng buhay namin araw-araw. Pinipili namin ang isa't isa lalo kapag yung alon ng pag-ibig dinadala kami sa kalaliman ng sakit at pighati. Pinipilit namin lumangoy ng magkasama. Sa oras na mahina siya, ako yung magiging matibay. Sa oras na mahina ako, pipilitin ko pa din maging matibay. Walang sukatan kung gaano namin minamahal ang isa't isa. Sapat na samin yung alam namin walang ibang alon na sumasabay sa isa't isa. May oras na sumusuko siya sa paglangoy sa kwento namin pero hindi ko siya sinusukuan. Kung kailangan nya lumangoy, hinahayaan ko siya. Siguro dahil totoo yung pag-ibig namin, lumalangoy sya pabalik sa akin. Malaya kami pero alam namin yung langoy na limitasyon namin dahil iniisip namin ang isa't isa. Minsan nagagalit ako, nakikipag-away, siya din ganun, pero hindi kami bibitaw. Minsan hahayaan niya ako ng ilang araw, wala din naman akong magawa pero katulad nung sinasabi nila "Kapag totoo ang pag-ibig, babalikan ka" Siguro iniisip ng lahat na kung totoo dapat di nawawala pero sa utak ko, walang perpektong pag-ibig, kaya nagtatagal yung mga tao sa relasyon na totoo kasi pinipili nilang magpatawad ng paulit ulit. Hindi nila iisipin na di deserving yung kapartner nila, kasi kaya nga minamahal at binibigay yung pag-ibig kasi deserving sya, worthy sya. Yun yung pag-ibig na pipiliin ko araw-araw - yung pag-ibig kasama siya. Sana hanggang sa dulo, pipiliin niya ako. Masarap lumangoy sa pag-ibig na ganito.

ALON NA DI ALAM SAAN PAPUNTA:
Nawawala. Nalulunod. Siguro kasi hinayaan. Akala ang sagot sa lahat ay katahimikan. Di namalayan na sa katahimikan, lalong lumalayo. Di alam san pupunta pero gusto kong isipin na di lahat ng sagot ay paghihiwalay. Naisip ko, nabuhay kami sa dagat na kung saan kapag may mali, kapag may di maayos, kapag may problema, bibitaw. Pero sana, sana 'tong pag-ibig namin may problema man, may mahina ang loob, may tumatalikod, piliin maging maayos. Sana.



ANG PAG-IBIG NG NAGHIWALAY

GALIT NA ALON: Puro pighati. Nagkamuhian. Nagkasakitan.
Iniwan ako, iiwan ko din siya. Binitawan ako, bibitawan ko din siya. Sinaktan ako, sasaktan ko din siya. Minura ako, mumurahin ko din siya. Nilayuan ako, ako din mismo lalayo sa kanya. Pinalitan ako, papalitan ko din siya.

Biglang sumagot yung hangin sa galit na alon: Ganyan ba ang pag-ibig? Ang alam ko kasi na pag-ibig, nagmamahal. Hindi porke iniwan ka, binitawan ka, sinaktan ka, minura ka, nilayuan ka, pinalitan ka, kailangang gawin mo din sa kanya. Paano niya makikita na totoo kang umibig kung sinusubukan mong sabayan ang pagkakamali niya? Siguro kung nagka3rd party gusto kitang intindihin sa tindi ng dinadala mo, pero sana mahanap mo yung pag-ibig sa puso mo. Masyado mong papahirapan ang sarili mo kung pipiliin mong magalit.

ALON NA PINIPILING UMIBIG:
Iniwan ako kasi sabi niya, unfair daw kasi sa akin. Binitawan ako kasi sabi niya ayaw niya akong masaktan kasi alam niya kung gaano ko siya kamahal at mahal niya din daw ako. Pinalaya ako kasi kung kami daw, kami daw talaga. Pinili niyang mawala ako sa buhay niya kasi di na daw kami nagwowork out. Gusto nyang lumaya sa amin habang sinambit nya na ako yung the best girlfriend sa buhay nya. Humingi ng tawad at inaasahan niyang magagalit ako, na kamumuhian ko siya dahil sa pagbitaw niya sa alon naming dalawa. Kaso ni hindi ako galit. Nung sinambit niya ang mga salitang dumurog sa puso ko, ni walang segundo na nagalit ako. Siguro sobrang nasasaktan ako, sobrang nahihirapan pero hindi ko kayang magalit sa kanya. Gusto kong isipin na nahirapan din siya, na habang hinahanda niya yung pagbitaw sa akin, sa amin, nasaktan din siya kaya bakit ako magdadamot sa taong mahal ko? Bakit ako magagalit kung alam ko sa sarili ko na kaya kong umintindi at sa dulo nito mahal ko pa din siya? Bakit ipagdadamot ko yung pag-ibig ko sa taong mahal ko at alam kong minahal ako ng totoo? Bakit ko papahirapan lalo siya kung sa isip ko, sa ginawa niya baka sobrang nahirapan sya at nahihirapan pa araw-araw? Kung di man siya nahihirapan, mas okay kasi sa utak ko, ito yung gusto niya, na mawala kami para mas madali para sa kanya, pero hindi magiging sapat yun para di ko siya mahalin.

Hindi porke iniwan niya ako, binitawan ako, inalis ako sa buhay nya, piniling mawala ako, ibig sabihin nun di niya ako minahal. Hinayaan ko siyang umalis pero di ibig sabihin nun pati yung pag-ibig ko sa kanya aalis na din, kasi andito lang yun, lagi, araw-araw. Hinayaan ko sya sa gusto nya di dahil eksaktong naiintindihan ko ang lahat pero sa puso ko, gustong gusto kong intindihin 'to kahit mahirap at masakit. Ang totoo, nasaktan ako nung binulong sa akin na unfair sa akin kasi kahit kailan di naging unfair yung minahal niya ako. Di ko kailan man hiniling na mahalin niya ako ng katulad ng pagmamahal ko sa kanya kasi alam kong magkaiba kami umibig pero alam ko yung pag-ibig na ibinigay niya sa akin, totoo, buo at yun din ang the best na pag-ibig na kaya niyang ibigay. Yung pag-ibig na di ko kailanman pinagdudahan kung totoo. Wala akong mahihiling pa.

Siguro minsan maaalala ko lahat ng malungkot at yun yung mag-iiwan ng sugat sa puso ko, pero kapag maaalala ko yung mga halik, yakap, pag-aalaga, oras, kasiguraduhan ng pag-ibig namin, dun siguro ako madudurog, kasi kailanman, di mag-iiwan ng sugat ang kasiyahan. Walang papantay dun. Walang papalit dun.

Totoo lang, hindi porke iniwan ako, iiwan ko na din. Noon, minahal ko na siya kahit di pa kami, lumalangoy pa kami sa magkabilang sulok ng dagat. Minahal ko siya lalo nung naging kami. Alam kong patuloy ko siyang mamahalin. Hindi ko iniisip na matututo akong i-unlove siya kasi impossible na yun. Iniisip ko lang na kada araw na hirap na hirap ako, isang araw, kaya kong itago sa ilalim ng puso ko yung pag-ibig ko sa kanya para mas magiging madaling sumaya kahit wala na siya, kahit wala na kami. Sa ngayon raramdamin ko bawat sakit, para sa dulo, makakangiti na ako kahit alam ko na wala na kami.




PS. Gusto kong maniwala tayo sa pag-ibig at sa plano ng Diyos. Sana kung di man tayo katulad ng kalmadong alon, tumulad tayo sa alon na pinipiling umibig. Ang sarap ng mundo kung lagi natin pipiliin umibig, umibig lalo kapag mahirap. Umunawa, at mas lalong umunawa kapag mahirap.

PPS. This is it for now. Ito muna yung huling isusulat ko. Di ko alam kailan ako babalik, pasensya na. Di ako mawawala, andito lang ako pero hahanapin ko ang mga salitang kaya tayong dalhin sa kasiyahan. Bakasyon na muna ako. Salamat sa laging nagbabasa kahit na lagi ninyong naririnig yung boses ko sa kanta dito sa blog ko. Babalikan ko kayo kasi mahal ko 'tong blog na 'to. Kapag totoo ang pag-ibig, bumabalik. *OTWOL feels*