Wednesday, September 27, 2017

Ang Hindi Niya Namimiss


Para kang target, hindi ka niya namimiss.

Hindi ka niya namimiss dahil di niya namimiss yung pagtalikod sa kanya, di niya namimiss yung pagkadurog ng puso niya at di niya namimiss yung pagdududa niya kung karapatdapat ba siyang mahalin, kahit na ibinigay na niya ang buong buo niya.

Hindi ka niya namimiss dahil nakikita niya ngayon kung sa paanong paraan siya minamahal at pinipiling mahalin ng mga taong nakapaligid sa kanya - maayos man siya o hindi at pinipilit wag bumitaw kahit ano pa man. Nakikita niya na humahanap sila ng dahilan para manatili at hindi para umalis. Nakikita niya yung mga taong sumusuyo sa kanya, noon hanggang ngayon, walang palya. Nakikita niya ang lahat, lalo na yung mga bagay na di mo ginawa para sa kanya.

Hindi ka niya namimiss dahil hindi siya humingi ng higit pa sa oras mo. Hindi siya humingi ng surpresa, ng singsing, ng mga pangako. Hindi siya humingi ng kahit ano pa mang di mo kakayanin, kasi di siya humingi ng kahit ano bukod sa pag-ibig mo at katotohanan. Humingi siya ng pagkakataon. Lagi siya humihingi ng pagkakataon para sa inyo. Na sa tuwing gugustuhin mong talikuran ang kayo, siya yung di bibitaw, na kahit sa panahong di na siya makahanap ng rason para kumapit, di pa din siya sumuko sa inyo, lalong lalo na sa iyo. Na sa kada panahon na gumagawa ka ng mga dahilan, iintindihin niya kahit ikaw mismo alam mong lecheng di mo maiintindihan yang kagaguhan mo.

Hindi ka niya namimiss kasi ibinigay nya yung buong buo niya sayo, walang pagsisisi. Ang totoo lang, di mo siya deserve. Hindi ka karapatdapat sa kanya, sa lahat ng effort nya, sa buong pag-ibig niya, sa katapatan niya, sa kabaitan niya. 

Hindi ka niya namimiss dahil sayo, lagi siyang malungkot. Nakalimutan niya kung gaano siya karapatdapat mahalin, yung tapat, yung totoo, yung di umaalis, yung di umiiwas, yung kaya siyang ipaglaban, yung papanindigan siya, yung pag-ibig na di katulad ng sayo. 

Hindi ka niya namimiss dahil naisip niya, sayang sa oras.

Hindi ka niya namimiss dahil di ka karapatdapat mamiss. Di mo siya itinuring ng tama. Hindi mo sya minahal ng tama. Hindi mo siya pinakawalan ng totoo. Di mo siya binigyan ng oras. Di mo sya binigyan ng pansin. Hindi mo siya binigyan ng rason para mamiss ka.

Hindi ka niya namimiss dahil di ikaw yung dapat mamiss.


PS
"Preserve your love for someone who's eager to have it. Someone who's eager to have you. Someone who's eager to love you. Save your heart the hurt" - Reyna Biddy

PPS
Para maalala mo yung mga tao na di mo dapat mamiss




Thursday, September 14, 2017

Ang Naging Totoo




Ikaw:
Kailangan ko lang syang palayain dahil mahal ko sya. Lalo na't wala syang ginawa kundi alagaan at mahalin ako.

Pilit nyang sinusubukang baka kaya nyo pa, baka pwede pang ipilit. Habang binibitawan mo sya, kasabay nun yung paghawak nya sa pag-asa na kakayanin nyo pa. Nilalaban ka ng isang taong, pinapakawalan mo na. 

Ikaw:
Ayokong magsinungaling sayo. Meron akong nagugustuhang iba.

Siya:
Maaayos pa natin 'to. Subukan pa natin. Wag mo naman akong iwan. Wag mo naman akong bitawan. Wag mo naman akong sukuan. Mahal na mahal pa rin kita.

At di ka pa rin nya binitawan. At di ka pa rin nya hinahayaan. Umiiyak sya, nadudurog sya pero ikaw pa rin yung sinisigaw nya. Nasasaktan sya pero naiisip nyang mas masasaktan sya kung mawawala ka.

Ikaw:
Ate, penge advise or tuktukan mo ako. 

Ako:
Salamat sa pagiging totoo. Salamat sa katotohanang hindi mo ipinagdamot sa kanya. Salamat na kung nasaktan mo man sya, nasaktan mo sya ng harapan at di sya nag-iisip na baka ang mali, sya. Na kung sa oras na yun nagtapos kayo, naging matapang kang sabihin sa kanya na nagkamali ka, na ibinigay mo ang totoo na kung saan sa iba'y mahirap maging totoo. 

Hindi mo alam kung gaano kahirap na sa pagtatapos ninyo, iisipin niya na ano yung mali sa kanya, na baka may nagawa sya kaya hihiwalayan mo sya, pero sinubukan mong pagaanin sa kanya sa pagsasabi ng totoo. Sinubukan mong mas maghilom sya sa paraan na karapat dapat sya. 


"Hihiwalayan ko sya dahil mahal ko sya." 
Ngayon ko lang naintindihan yun ng sobra. 

Pinalaya mo sya bitbit ang katotohanan. Di ka nagsinungaling. Di ka nagtago. Pinalaya mo sya ng tahimik ang loob nya, maaring wala ng tanong. Nirespeto mo yung pinagsamahan ninyo. Nirespeto mo sya. Pinakawalan mo sya, dahil mahal mo sya at di niya deserve na di yung best mo ang makukuha niya. 

Dahil nung sinabi mong "Mahal kita", di katumbas nun ang "Di kita iiwan"
Mahal mo sya, di sa paraang mananatili ka sa kanya.
Mahal mo sya, di man sa hindi mo sya iiwan.
Mahal mo sya kaya pinapalaya mo sya.
Mahal mo sya kaya gusto mo syang sumaya, yung saya na di mo na maibibigay sa kanya.

Maging masaya ka. Deserve mo pa rin naman maging masaya.



PS. I'll always be here, Be! Simula noong binubugaw mo ako sa mga kaibigan mo hanggang ngayoooon, Ate mo pa rin ako! Mwaaaa!!!! Enjoy life, BB!

Tuesday, September 12, 2017

Ang Payong Kaibigan

Ilalaban mo ba sya? Ilalaban ka ba nya?

Inayos mo yung sarili mo dahil yun ang sa tingin mo deserve nya. Ibinibigay mo sa kanya yung mga bagay na higit pa sa ibinigay ng iba dahil gusto mong maramdaman nya na karapat dapat syang seryosohin at di gaguhin katulad ng ginawa ng iba. Naging handa ka para sa kanya na matagal mo nang sinusubukang di harapin pero para sa kanya, handang handa ka na. 

Siya ba?

Masaya ka pero magulo. Ang totoo, di mo alam kung talagang masaya ka pero ayaw mo syang mawala. Gustong gusto mong magalit lalo gulong gulo ka sa kanya pero sa oras na gustuhin mong panindigan yung mga iniisip mo, konting ngiti lang nya, punyetang, nawawala ka na naman sa sarili mo. Nanghihina na naman yang loob mong talikuran yung isang taong di mo alam, inuubos ka.

Bat mo hahayaang maubos ka ng isang taong ni hindi ka man lang kayang panindigan? Bakit bigay ka nang bigay sa isang taong ni walang kayang ibigay sayo? Bakit mo ilalaban yung isang taonng mukhang di ka naman kayang ilaban, puro salita lang? Ano yan? Pagmamahal?

Hindi mo pwedeng asahan sa kanya na ibibigay nya din sayo yung pag-ibig na ibinigay mo sa kanya. Di kayo pareho ng puso. Hindi mo pwedeng paikutin ang mundo mo sa kanya dahil sa oras na mawala sya, guguho ka. Hindi mo pwedeng hayaan yung sarili mong malunod sa pag-ibig na di mo natatanggap. Hindi ka pwedeng umasa sa isang relasyon na di pa man nagsisimula, magulo na. Hind ka pwedeng maghangad na magiging maayos yan kung sa umpisa pa lang, may isinabay sya sayo ng di mo alam. Hindi pwede. Please lang, hindi pwede.

Ibigay mo yang pagmamahal mo sa sarili mo. Ibigay mo yan sayo dahil higit kanino pa man, mahalin mo ang sarili mo.

Kung kailangang bitawan mo sya, gawin mo.
Kung kailangang pakawalan mo sya, gawin mo.
Kung kailangang layuan mo sya, gawin mo.
Kung kailangang talikuran mo sya, gawin mo.
Kung kailangang kalimutan mo sya, gawin mo.
Kahit mahirap, kahit tanginang ikaw yung mababaliw, gawin mo.

Bitawan mo sya kaysa bitawan mo ang sarili mo.
Pakawalan mo sya kaysa pakawalan mo ang sarili mo.
Layuan mo sya kaysa layuan mo ang sarili mo.
Talikuran mo sya kaysa talikuran mo ang sarili mo.
Kalimutan mo sya kaysa kalimutan mo ang sarili mo.
Mahirap sa umpisa. Nakakabaliw sa umpisa.
Pero kung para kayo sa isa't isa, makakablik kayo sa tamang panahon.
At kung merong taong mas tama sayo, makakapunta sya sa buhay mo dahil pinalaya mo yang puso mo sa maling tao.

PS.
-Ang saya ko sa "akala-mo-lasing-sa-heart-to-heart-talk na gabi until umagahin na yun. Miss ko na kayo Cha, Marj, Reb, Daph, Sacs and Khai.
-Kilala mo kung sino ka at alam kong alam mo ang deserve mo. 


Saturday, September 9, 2017

Ang Pantay Sa Pag-ibig


Noong mas bata ako, akala ko na yung pag-ibig na pang-mag-jowa o pang-mag-asawa ay para sa babae at lalaki lang, magka-edad, pareho ng estado ng buhay. 

Naaalala ko yung oras na may kapitbahay kami na sabi nila mag-asawa sila pero pinagtatakahan ko noon, pareho silang may dede pero si Ate Honey mahaba ang buhok, yung isa maikli. May tita din ako na ang asawa nya ay kaedad na ng lola ko. 

Nung nasa elementary ako, nagtataka ako kasi sa school namin noon, madaming mga gwapo pero may dede. Meron din akong nakilala na kapatid ng lolo ko na mahilig sa "short shorts" pa yung term sa pekpek shorts noon, saka ko nagets yung "bakla" at "tomboy"

Nagkakagusto ako sa parehong babae at lalaki pero ako mismo nahirapan noon sa sarili ko kung ano ba ako. Tomboy na ba yun? Silahis? Simula noon, di ko alam kung paano ko maipapaliwanag sa iba kung ano ako kasi ako mismo di ko maintindihan kung ano ako noon.

Nakalipas ang maraming taon, ito ako. Hindi ko kailangang sabihin kung ano ako talaga. Di ko naman kailangang magpaliwanag kahit kanino. Pero sa tuwing tinatanong ng ibang tao kung ano ako, sumasagot lang ako ng "Bi" Sumasagot ako para lang magets nila kung ano ako, pero kapag kailangan nila ng paliwanag, lagi kong sinasabi "Di ako nagmamahal dahil babae o lalaki yung isang tao. Basta nagmahal ako, yun lang. Di ako pumipili. Di ako nagmamahal para sa ari."

Nitong nakaraang linggo, ang sarap sa pakiramdam na may nakasama kami ng mga kapatid at pinsan ko. May pinakilala sa amin. Walang tanong. Walang kailangang eksplenasyon. Pag-ibig lang. Kusa lang. Gets na. Yun na yun. Buti na lang ganun ang pamilya ko. Buti na lang.

Sa pag-ibig, lahat tayo pantay-pantay. Walang kasarian. Walang edad. Walang estado sa buhay. Walang pinipili. Sa pag-ibig kusa lang, di kailangang ipilit, di kailangang ipaliwanag, di kailangang magets ng ibang tao.

Malaya tayong magmahal. Basta wala kang tinatapakang ibang tao. Wala kang ibang sinasaktan. Wala kang sinasakripisyo, magmahal ka lang. Malaya tayo. Malaya ang pag-ibig. 

PS.
Poks: Sobrang saya ko para sayo, alam mo yan. Looking forward sa 2019!! Mwa mwa
SPR BFF: Sa lahat ng love letters na kailangan mo ng lettering, sa lahat ng surprises na paplanuhin, baback up-an kita. Mwa mwa!!!!