T: Galing ako sa 11 years na relasyon. Hiniwalayan niya ako. Gustong gusto kong mag-move on. Di ko ineexpect na may makikilala ako at magmamahal ulit kahit isang buwan pa lang kaming naghiwalay.
F: Ikaw, J? Diba long term relationship din?
J: Oo.
F: Kamusta kayo?
J: Civil lang.
*Nagtawanan
J: Di ka nanloko kahit kailan, T?
T: Dalawang beses.
J: Nalaman niya?
T: Oo pero pinili niya akong patawarin. Pinili niyang ituloy namin yung relasyon.
F: Gago. Kapag may iba, dapat yan binibreak-an na. Hiwalay agad. Ang kapal ng mukha mo.
Bat ikaw, J? Nanloko ka na?
J: Oo pero di ko maiisip yung buhay ko na wala siya. Nalaman niya. Pinatawad niya ako.
*Medyo may konting katahimikan
T: Di ko kasi namamalayan din na nafall out of love na ako, matagal na. Ayokong makipaghiwalay kasi gusto kong ayusin. Gusto kong subukang ayusin.
F: Alam mo, T? Sinayang mo oras ninyo. Dapat nung nafifeel mo na wala na, hiwalay agad.
T: Gusto ko nga kasing ayusin.
F: Edi ayan, nagsayang kayo ng oras ninyo. Imbes, nakahanap kayo ng taong swak sa inyo, nagsayang kayo sa inyo.
Mukhang rebound tuloy yang bago mong girlfriend.
T: Hindi. Papatunayan ko sayo.
F: Gago, wala kang papatunayan sa akin pero mukha pa ring rebound yan.
T: Hindi talaga. Hindi. Alam mo yung love na unexpected? Ito yun e. Hindi ko inexpect na darating siya sa oras na yun pero seryoso ako. Alam niya lahat. Sinabi ko lahat. Wala akong tinago. Alam mo yung ito na yun. Yung alam ko yung mangyayari kung manloloko ako ulit kaya ayokong ulitin.
F: Ikaw, J, bakit mo nagawa?
J: Matagal kong kilala na yun dati tapos parang nakapag-usap. Ayun na pero wala pang isang buwan yun, nalaman agad. Pinatawad ako. Hindi ko rin maisip na mawawala yung boyfriend ko sa akin. Ayaw ko. Sa kanya pa rin ako babalik.
F: Kung ako yun? Hiwalay agad. Kaya nga yung pinakamatagal kong relasyon wala pang 2 years
J: You should give a second chance
F: Yung una kong jowa, nalaman yun pati ng magulang ko, ng pamilya ko. Gagong yun, harapan kung lokohin ako pero paulit ulit kong pinapatawad. Tipong “Uy, nagpractice kami maghalikan ni D****” ganyan, ganito pero sige lang. One time, birthday ko, nagpadala ng regalo sa bahay, nabasa ng nanay ko yung letter. Kinausap niya ako, sabi niya “May kahati ka pa? Wag na wag kang papayag na may kahati ka” at simula noon, kung lolokohin ako, tapos na. Ilang beses gumuguho mundo ko dahil lagi akong niloloko. Kaya ito, 2 years mahigit na akong single. Okay pa naman ako.
J: Iba-iba talaga tayo kapag sa love. Depende rin sa napagdaanan natin.
F: Pero umaasa pa rin ako may taong di ako lolokohin.
Iba’t iba nga siguro tayo ng pananaw sa pag-ibig pero sa tingin ko, ang pag-ibig na ibinibigay mo, ay siya ring pag-ibig na babalik sayo. Hindi man sa ngayon, hindi man sa taong gusto mo, pero babalik sayo yun sa paraang hindi mo inaasahan.
Ang laki siguro ng chance ng bawat isa na manloko sa jowa nila pero siguro sadyang di ako ganun. Sadyang di ko makita yung punto na meron akong jowa habang may lalandiing iba. Masyado yatang malaki ang tingin ko sa pag-ibig at relasyon. Masyado yatang mahalaga sakin ang tiwala. Di ko sinasabing hindi ganun sa iba kaya nagagawa nilang manloko pero sabihin na lang natin na kapag may pinili ako, dun ako. Kapag may pinili ako, sa kanya lang ako. Kapag may pinili ako, hindi ako pipili ng iba. Pinipili ko lang na mas pahalagahan yung pinili ko kasi ayokong mawala yun hangga’t maaari. Pwede na ba yun?
Hindi sa hindi ako nagbibigay ng second chance pero pinipili ko lang yung second chancessssss na yun at hindi ko ibibigay yun kapag niloko ako. Kung pinili akong lokohin, edi yun na yun. Hindi ko gustong seryosohin pa yung taong niloko ako. Paano ko ibibigay yung buo ko sa taong winasak yun? Ako lang ‘to. Hindi ko alam sa iba, pero mas gusto kong mag-isa kaysa magkaroon ng karelasyon na niloko ako. Ayokong sayangin ang oras ko, mas ayokong sayangin ang pag-ibig ko.
Wala pa yata akong relasyon na hindi ako niloko. HAHAHA Iniisip ko na lang learning process ako ng ibang tao, malas lang na sa adulting nila, napili akong palipasan ng kagaguhan. Kada pagtapos ng mga yun, sobrang parang gumuguho yung mundo ko, sumisikip ang dibdib ko, gustong gusto kong manghingi ng tulong, gusto kong magtanong anong mali, gusto kong magmakaawa, gusto kong makalimot agad-agad pero hindi ganun kadali. Sa ilang beses na piniling lokohin ako, ilang beses ko din kailangang piliin ang sarili ko. Sa ilang beses na pagpiling bitawan ako, ilang beses ko din kinailangang hawakan yung sarili ko. Sa ilang beses na yun, ito ako. Kaya siguro mahigit dalawang taon na akong single. Kaya siguro sa mahigit dalawang taon na yun, wala akong piniling i-date. Gusto ko sanang matapos na ang laro at di na ako madamay sa learning process ng ibang tao. Gusto ko sanang wag manghuhula kung mahal ako ng isang tao. Ayoko na sa laro. Ayoko na sa lokohan. Ayoko na sa gaguhan. Ayoko na mapaglaruan. Ayoko na maloko. Ayoko na magago.
Ganun pa man, naniniwala pa rin ako sa pag-ibig na totoo, na hindi nanloloko, sa hindi bumibitaw, sa hindi mo kailangang manghula kung mahal ka, sa wagas, sa hindi perpekto pero hindi din maghahanap ng kaperpektuhan sa iba. Sa pag-ibig na para sa akin lang.
PS. Sa mga kaibigan kong sila JB and MT, kulang na lang ng gin at beer sa ER sa kwentuhan natin pero swak. Swak yun!