Sunday, November 4, 2018

Ang Di Pwede Dito

Photo taken last October 27, 2018
9:06pm Klir Resort, Bulacan


Di Pwede Dito.

Ilang beses kong sinubukan, paunti unti; ilang beses kong inabot, paunti unti; ilang beses kitang nginitian, paunti unti; ilang beses kitang kinausap, paunti unti. Paunti unti rin naubos yung rason na kaya kong ibigay para gumawa ng paraan. Paunti unti ring napagod sumubok. Paunti unti na ring nagsawang abutin ka. Paunti unting napagod sa hindi pagpansin. Paunti unti.

At sa huling pagkakataon, sinubukan ko pero siguro nga matagal ng tapos yung di pa man nagsimula talaga. Matagal ng wala yung hindi naman talaga nagkaroon. Matagal na. Matagal na pero naiwan ako. Naiwan ako sa pwestong kaya kitang hawakan, kahit anong oras, pero di pwede dito.

Di na pwede dito.

Di na pwede na sa kada makikita kita, ngingitian kita o tatango ako para alam mong nakita kita. Di na pwedeng hahayaan kong malaman mong naisip kita. Di na pwede susubukan kong kausapin ka pa. Di na pwedeng mauna ako. Sinubukan ko pero hanggang dito na lang ako. 

Nung nakita kita, gustong gusto kong ngumiti sayo kasabay nung kabog ng dibdib ko.
Nung nagkatinginan tayo, gusto kong sabihin na masaya akong nandito ka.
Nung gusto kitang kausapin, gusto kong kamustahin ka hanggang sa ayoko ng matapos ang mga salita.
Nung kaya kitang hawakan, gusto kong higpitan katulad dati sa tuwing dadalhan mo ako ng kung ano, sa tuwing natotoxic ako sa duty. Hindi ko gugustuhing pakawalan ka.

Pero hanggang dito na lang para matapos na.

Nung nakita kita, pinalagpas kita.
Nung nagkatinginan tayo, pinalagpas kita.
Nung gusto kitang kausapin, pinalagpas kita.
Nung kaya kitang hawakan, pinalagpas kita.
Pinapalagpas na kita.
Pinapalagpas na kita, sa wakas.

Gustong gusto kong magtapos na kasi alam ko, yung mundo nating dalawa mas magiging maluwag, mas magiging tahimik kapag gumalaw tayo at hindi na natin maaabot ng ganun lang ang isa't isa. Gusto kong matapos na para hindi ko maiisip na kahit anong oras pwede kitang makita, na pwede akong maging masaya ng tuluyan na wala ang konsepto mo. Gusto kong matapos na para hindi ko na kailangang umiwas sayo at di ko kailangang pigilan yung sarili ko na kausapin ka, yakapin ka at kamustahin ka. Gusto kong matapos na, baka sakaling matapos na rin 'tong nararamdaman ko. Gusto kong matapos para kumawala na ako sa anino ng ngiti mo. Gusto kong matapos para mapalaya ko rin sa wakas yung sarili ko - hindi ko kakailanganin magpigil, hindi na kailangang umiwas, hindi na dapat magpanggap. Malapit na. Konting mga araw na lang, matatapos na rin.


PS. "Hindi. Beer." *andun ka sa dulo, nagtaas ng kamay*

at babalikan ko ang mga salitang yan para alam ko na yung iba pang mga salita, malamang hindi rin naging totoo.

PPS. Naging totoo ako at ang mga salita ko. Sa parehong araw na yan, alam kong di pwede dito. Di na pwedeng mulit dito.