Paano mo sasabihin ang pula na hindi binabanggit ang pula?
Yung pag-ibig niya.
Yung pag-ibig ko rin sa kanya.
Ang mga pisngi at labi nya una ko syang makita.
Ang naiwan sa pisngi ko nung una niyang nilapat yung pisngi niya rito sa gitna ng daan malapit sa PRC.
Ang daloy nung dugo sa puso ko habang paglakad pasakay sa FX paalis dun sa lugar na yun, kasabay ang hiling na sana makita ko pa sya.
Yung paglapat ng kamay nya sa kamay ko habang sinisigurado na magiging okay ang lahat.
Nung dumaan ang mga araw, buwan at mga taon, ito yung pag-ibig na nananatili at sana manatili.
Ito yung pagdampi ng mga labi nya na sana di matapos.
Yung bakas nung mahihigpit nyang yakap na sana di na ako pakawalan.
Yung mga halik na di ko pagsasawaan.
Ito rin yung panahon nung di pagkakaintindihan.
Yung mata kong hindi na mapigil yung takot.
Paano mo sasabihin ang itim na hindi binabanggit ang itim?
Ito yung paglakad niya ng papalayo kasabay ang pagsamo ko ng palihim.
Yung paghinto ng lahat kahit alam mong di naman hihinto ang oras.
Yung pagsaklob ng emosyon na hindi mo alam kung sisigaw ka o hahagulgol kaya wag na lang.
Yung tahimik na paghingi mo ng sakloloko pero ikaw lang ang makakarinig.
Yung paligid mo kung saan ka lang di gumalaw, kung saan ka hinayaan at sa parehong oras, hinayaan mo rin lang sya.
Nung binasa mong gusto nya ng pahinga kahit sa puso mo lang, gusto mong magpahingang kasama sya pero papaano mo naman ipipilit manatili sa dilim ang lumakad papalayo? Kaya wag na lang. Tinignan na lang. Binasa na lang pero katulad nung mas maaga, hahayaan na lang.
Yung pagsigaw na mahina kasi ikaw rin mahina na.
Sana hindi ang pag-ibig nya kasi di ito ang pag-ibig ko.