Kinuha mo ako sa buhay mo, inangkin ng pansamantala. Hinayaan mo akong mahalin ka dahil akala ko, nasa akin din ang puso mo. Minahal kita. Pinahalagahan kita. Masaya na akong makita kang masaya. Hindi ako humingi ng kapalit pero iniwan mo pa din ako.
Minahal kita, seryoso. Akala ko kasi minahal mo din ako ng seryoso, yun pala seryosong pinaasa mo lang ako. Wala kang narinig sa akin, di pa din ako umangal. Tinanggap ko yun kasi ganun kita kamahal. Inintindi pa din kita kahit na sa puntong yun, di maintindihan ng puso ko kung paano mo ako nakayanang iwan.
Ngayon, bigla kang nagparamdam. Akala ko manganagamusta ka lang, yun pala sinisimulan mo na naman paglaruan ang puso ko. Inintindi kita kasi minahal kita. Ngayon, hindi ko na kayang intindihin ka pa.
Ginagawa mo akong parang aso na aakuin mo, na susubukan mong pansinin araw-araw, na bibigyan mo lang ng atensyon kung kailan mo gusto. Hindi ako aso na iiwan mo 'pag di mo na ako kayang bigyan ng lugar sa buhay mo at babalikan mo kapag nakakita ka ng isang maliit na sulok sa buhay mo, na gusto mong mapunan ko. Kaysa maging amo ka, mas gugustuhin ko pang maging askal. Malaya at walang aangkin. Magiging masaya akong mag-isa. Kung iiyak ako dahil mag-isa ako, hindi dahil may isang taong hindi ako kayang pahalagahan.