Thursday, February 9, 2012

Ang Sana Kami Na At Dahil Kami Pa


PINAGTATALUNAN:
~Pag-ibig na nararamdaman ninyo pareho, kulang na lang yung "Kami na."
~Pag-ibig na pinipilit na lang dahil merong "Kami pa."

SANA KAMI NA:
Ang hirap kasi kahit na parang may karapatan ka na, wala kang pinanghahawakan. Magkasama kami lagi, masarap sa pakiramdam yun. Mas wagi pa 'pag maririnig ko sa kanya na mahal niya din ako. Pwedeng pwede ko siyang yakapin at hawakan pero paano kung magsawa siya? na dadating kami sa punto na hindi kami magkakaintindihan, papaano ko ipaglalaban yung pag-ibig na walang kasiguraduhan? Paano ko ipaglalaban ang pag-ibig na hindi naman talaga ako binigyan ng karapatang mapasa akin? Na kahit anong gusto kong ipaglaban, hindi ko magagawang lumaban sa gera na walang armas, na ang dala ko tinidor habang ang kalaban ko baril. Ang mahirap sa ganito, bakit di mo kayang ibigay sa akin ang pagkakataon na yun? Mahal mo ako, mahal din kita pero bakit wala pang "Tayo na."?

DAHIL KAMI PA:
Buti nga kayo, title na lang kulang. Sa amin, title na lang ang natitira. Buti nga kayo alam niyong mahal ninyo ang isa't isa kahit wala pang "Kayo." Sa amin? Alam naming "Kami." pero di ko na alam kung mahal pa namin ang isa't isa. Buti ka nga iniisip mo kung paano mo ipaglalaban ang pag-ibig na di ka pa binigyan ng karapatan. Ako kasi di ko maisip kung bakit ko ipaglalaban ang pag-ibig na tila ba lumilipad na sa lawak ng kalimutan. Kung mawala yung "Kami.", magiging masaya pa din ako, baka nga mas maging masaya pa ako. Ang mahirap dito, hindi niya kayang aminin at tanggapin sa sarili niya na wala na talaga. Na hindi na kami masaya, na iniipit lang namin ang sarili namin sa isa't isa kahit yung pag-ibig tila ba namamaalam na.

PAG-IBIG:
Importante lang naman yung pag-ibig. Kung meron, ipaglaban. Kung meron, kahit wala pang "Kayo.", kahit wala pang kasiguraduhan, ipaglaban. Hindi sa lahat ng pagkakataon, makakaramdam ang isang tao ng pag-ibig na totoo. Kaya kung nandyan sayo yan ngayon, pangalagaan mo, kung pwede wag mo ng papakawalan. Kung wala na, wag ng ipilit. Kung wala na, palayain na lang ang pusong sinusubukang magsinungaling. Masarap ang pag-ibig na totoo, pero hindi kailanman ang pag-ibig na binabanggit mo nga, hindi mo naman na maramdaman. Palayain mo ang sarili mo, palayain mo siya. Walang madali, walang hindi masakit. Pero 'pag ginawa mo yun, binabalatuhan mo ang sarili mo at siya ng pagkakataong makahanap muli ng pag-ibig na hindi mapagkunwari.

Para sayo 'to RTP: Lumaya at tumikim ng pag-ibig na totoo, kailanman hindi na magiging masarap ang pag-ibig na walang lasa.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.