Friday, September 28, 2012

Ang Pag-ibig Sa Webcam





Nakilala kita sa hindi inaasahang panahon, sa panahong hindi pa ako handa. Akala ko hindi pa ako handa pero nung makita kita sa piling niya, bakit sa tingin ko ako ang mas karapat dapat na kahawak ng mga kamay mo, kaysa sa kanya? Hinayaan ko. Pinalipas ang panahon. Lumipas ang panahon pati yata ang pag-ibig ko tinangay na ng hangin.

Nakausap muli kita ngunit nasa malayong lugar ka na. Akala ko naglaho na ang pag-ibig ko, mali pala ako. Tinangay nga siya ng hangin pero yung hangin bumabalik ng bumabalik sayo. 

Sa webcam na lang kita nakikita. Sa cellphone na lang kita nakakausap. Sa hangin na lang kita hinahalikan. Sa panaginip na lang kita nakakatabi. Matatawag pa ba 'tong pag-ibig? Parang ayokong ilaban ang nararamdaman ko dahil parang di kakayanin, di pwede.

Bawat ngiti mo, pag-ibig. Bawat text mo, pag-ibig. Bawat umaga at gabi, pag-ibig dahil sayo. Ngayon, alam ko na, ang pag-ibig kahit sa malayo, kahit sa webcam lang, sa text lang, sa e-mail lang, sa chat lang, pareho din ng kahit anong pag-ibig sa mundo. Ang pag-ibig ay pag-ibig. Walang sukatan, walang labis, walang kulang, basta totoong pag-ibig siya sa kahit ano pang paraan.

"I'm willing to make this work towards forever and for a lifetime, Mine." (M and M)
**Para sa mga kaibigan ko, kahit ano pa yan, pag-ibig pa din ang tawag dyan.

Ang Rolyo Ng Pag-ibig

Isa kang estrangherong pinulot ako. Dahan-dahan mo akong nginitian. Hinawakan mo ako at binuksan. Ang saya-saya pa nga ng lumapat ka sa akin, may kilig sa ere na nakapalibot sa atin. Una pa lang, may kakaiba na pero akala ko katulad ka ng ibang estranghero, mali pala. Naging bahagi ka ng araw-araw ko. Bahagi ka ng buhay ko. 

Rumorolyo ako araw-araw. Rumorolyo ang istorya ng pag-ibig nating dalawa. Masaya tayo. Walang papantay sa istorya natin pero bakit tila nasa dulo na tayo ng rolyo? Bakit tila masakit na sa kada araw na tumutuloy ang istoryang 'to? Bakit nasasaktan na kita, samantalang dati lagi kitang napapasaya? Akala ko tanggap mo ako, akala ko masaya ka sa kaya kong ibigay, pero bakit binabalik mo ang lahat? Bakit ngayon, parang wala na akong nagawang tama?

Ito ang rolyo ng pag-ibig. Sa umpisa, masaya. Wala namang pag-iibigang nag-umpisa ng malungkot. Ito ang katotohanang hindi lang saya sa pag-ibig. Kasi kung saya lang naman ang habol mo, sana pumunta ka na lang sa isang comedy bar, hindi sa puso ng isang taong baka iwanan mo sa panahong hinahamon ang relasyon niyo.

Ito yung hamon, kung kakayanin niyo pa bang magsambit ng "Mahal kita" kahit sa panahong ang sakit-sakit na? Kung mas kakayanin niyo lahat makasama lang ang isa't isa o magiging matibay ka ng mag-isa?

Ang pag-ibig nag-uumpisa bilang isang mahika pero wag naman sana kasing bilis ng mga kamay ng majikero ang istorya ng pag-ibig.

Monday, September 3, 2012

Ang Higit Pa


Nawawala ako. Hindi ko alam saan ako patungo.

Nadidiliman na ako sa mundo ko. Hindi ko alam saan pa ako hahanap ng ilaw.

Pinanghihinaan ako ng loob. Hindi ko alam saan ako kukuha ng pag-asa.

Bumibitaw na ako. Hindi ko alam saan ako hahanap ng lakas para maging matibay.

Nawalan ako ng daan pero nakita ko ang daan Mo, ito akong lumalapit na naman Sayo. Nadidiliman ako sa mundo ko pero nakita ko ang ilaw na bigay Mong tinalo pa ang lahat ng maningning na mga tala. Pinanghihinaan ako ng loob pero pinakitaan Mo ako ng pag-asa. Bumibitaw na ako pero ni hindi Mo binibitawan kahit ang hibla ng buhok ko.

Ikaw lang, higit pa para maging maayos uli ako. Ikaw lang, sobra-sobra na. Ito ang buhay ko, Ikaw na ang bahala, Panginoon.

Salamat, Panginoon.