Isa kang estrangherong pinulot ako. Dahan-dahan mo akong nginitian. Hinawakan mo ako at binuksan. Ang saya-saya pa nga ng lumapat ka sa akin, may kilig sa ere na nakapalibot sa atin. Una pa lang, may kakaiba na pero akala ko katulad ka ng ibang estranghero, mali pala. Naging bahagi ka ng araw-araw ko. Bahagi ka ng buhay ko.
Rumorolyo ako araw-araw. Rumorolyo ang istorya ng pag-ibig nating dalawa. Masaya tayo. Walang papantay sa istorya natin pero bakit tila nasa dulo na tayo ng rolyo? Bakit tila masakit na sa kada araw na tumutuloy ang istoryang 'to? Bakit nasasaktan na kita, samantalang dati lagi kitang napapasaya? Akala ko tanggap mo ako, akala ko masaya ka sa kaya kong ibigay, pero bakit binabalik mo ang lahat? Bakit ngayon, parang wala na akong nagawang tama?
Ito ang rolyo ng pag-ibig. Sa umpisa, masaya. Wala namang pag-iibigang nag-umpisa ng malungkot. Ito ang katotohanang hindi lang saya sa pag-ibig. Kasi kung saya lang naman ang habol mo, sana pumunta ka na lang sa isang comedy bar, hindi sa puso ng isang taong baka iwanan mo sa panahong hinahamon ang relasyon niyo.
Ito yung hamon, kung kakayanin niyo pa bang magsambit ng "Mahal kita" kahit sa panahong ang sakit-sakit na? Kung mas kakayanin niyo lahat makasama lang ang isa't isa o magiging matibay ka ng mag-isa?
Ang pag-ibig nag-uumpisa bilang isang mahika pero wag naman sana kasing bilis ng mga kamay ng majikero ang istorya ng pag-ibig.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.