Tuesday, December 2, 2014

Ang LabLab



Nakakausap kita pero iba pa din kapag kasama kita. Nakakapalitan kita ng texts pero iba pa din kapag nakakapalitan kita ng titigan. Nasasabi kong "Kiss mo nga ako" sabay pikit at hiling na mararamdaman ko yung mga halik mo sa hangin, pero iba pa din kapag nasa tabi kita at dadampi yung mga labi mo sa pisngi ko sa mismong oras na sinabi kong "Pakiss". Naaalala ko yung mga oras na "LabLab, yung ganyan nga", "LabLab, ayusin mo nga 'to." "LabLab, charge mo nga phone ko." "LabLab dala ka nga ng jacket", at madami pang LabLab, pero hinding hindi ako magsasawa na gawin yung mga yun dahil alam kong sa panahon na yun, kasama kita. Kapag sinasabi mo ang pangalan ko, gusto kong makasama ka, lalo kong gusto makasama ka ulit.

Kapag sisilip ako sa tabi ko, umaasa ako na makita ka ulit, na makita ko ulit yung ngiti mo na hindi ko maiwasang mapangiti din, na kukunin ko yung phone ko at magkukunwaring magtext yun pala kumukuha lang ng maraming litrato mo sa eksaktong panahon na makikita kong sobrang cute mo, na makita ko ulit yung singkit mong mga mata, na makita ko ulit yung mukha mong medyo mahaba, na makita ko yung mga pisngi mong makinis, na makita ko yung maikli mong buhok na kahit maghapon ka ng nasa labas mabango pa din, na makikita ko ulit yung pagngiti ng mapupulang labi mo, na makita kita, sabay mayayakap, sabay mahahalikan, sabay masasabi ko sayong "Mahal kita.". 

Alam kong makakasama kita ulit, konting oras lang, konting panahon lang, pero bat parang forever? Bakit parang ang tagal ng panahon kapag di kita nakakasama pero kapag kasama kita, parang iniihipan lang ng hangin yung panahon? Ang hirap hirap lang kasi sobrang namimiss kita. Namimiss kita pero hindi ibig sabihin bibitaw ako, hindi din ibig sabihin na hahayaan kong mawala 'to. Mahirap lang kasi di ko mahawakan yung kamay mo ngayon pero hindi ko bibitawan yan kahit kailan. Mahirap lang kasi di kita mayakap ngayon pero buong buhay kitang yayakapin sa puso ko. Mahirap lang kasi hindi kita mahalikan ngayon pero hindi ako magsasawang halikan ka sa hangin para eksaktong maramdaman mong mahal na mahal kita at hindi ko hahayaang mawala 'to. Mahirap na malayo tayo sa isa't isa ngayon, pero umaasa ako, konting panahon na lang, hinding hindi na natin kailangan magsabi ng "Goodbye" kundi "Good night" na lang. 

PS. Mahal na mahal kita, Love ko. Mahal na mahal. Sa susunod ulit, aabangan ko yun! <3


No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.