Saturday, May 30, 2015

Ang Isang Araw Na Sana'y Di Dumating Kahit Kailan



"Kung dumating ang isang araw na magising ka at..."

Medyo mag-iisip, pero itutuloy pa din

"mas magiging madali ang lahat para sayo na wala na ako, hahayaan kita."

Iisiping maigi, pero mas isasapuso ng todo. Ikaw muna bago ako. Ikaw na muna ang iisipin ko, saka ko iisipin kung papaano ako.

"Hindi na siguro kita tatanungin kung bakit. Siguro susubukan kong hindi magmakaawang wag kang umalis pero di ko maipapangakong di ako magmamakaawa. Susubukan kitang ngitian. Ay mali! Ngingitian kita, kasama na yung buong puso ko at sasabihin ko sayo, kahit pabulong lang na okay lang yan. Ganyan talaga ang buhay at madaming tao ang bigla na lang nagigising na wala na lahat, at ipapangako ko sayo, makakayanan ko. Kakayanin ko kasi wala akong choice kundi kayanin ko. Kakayanin ko kasi wala akong magagawa kundi kayanin, kasi kahit anong mga salita ko sayo, hindi na yun magiging sapat para marinig mo ako. Kakayanin ko, wag kang mag-alala."

Hihinga ng malalim. Baka magmakaawa pero iisipin kong, wag na lang. Wag na lang di dahil hahayaan kong lumampas ka sa buhay ko, wag na lang kasi baka mahirapan ka pa kung makikita mo akong mahihirapan. Wag na lang para mas maging madali ang lahat para sayo. Mahihirapan siguro ako sa araw na yun, pero sa dulo, pangako, kakayanin ko.

"Kaya kung darating ka sa punto na yun, sabihin mo lang. Kasi para sa akin, ang tao mananatili dahil gusto niya, at aalis kasi kailangan niya. Hindi siya mananatili dahil lang may nag makaawa para manatili siya, mananatili siya kasi yun yung pipiliin niya araw-araw, yung nasa tabi ko katulad ng pagpili ko sa kanya araw-araw."

Magiging matibay pero sa tingin ko ihahabol ko sa mahinang pagsasalita na halos hangin na lang ang nakarinig.

"Ang hirap lang kasi pipiliin kita araw-araw. Pipiliin kita sa oras pa lang na magising ako at pati sa panahong matutulog na ako. Pipiliin kita sa oras na maayos ang takbo ng utak ko, pati na din sa punto kapag alcohol na ang nananaig sa dugo ko. Pipiliin kita kapag masaya ako, pero mas pipiliin kita kahit sa panahong malungkot ako. Pipiliin kita sa lahat ng oras. Pipiliin kita. Pipiliin kita kahit sa oras na di mo na ako kayang piliin."

Hinga ng mas malalim sabay hiling na wag sanang dumating ang araw na yun.


Paalala lang po na kailangan natin pahalagahan ang bawat oras kasi di natin malalaman kung kailan na magiging huli ang oras na yun. 

PS. Salamat sa patuloy na nagbabasa ng blogs ko kahit wala na akong naisusulat. Salamat lalo sa mga nag-eemail. Sobrang salamat po!!

PPS. Masaya ako. :) Masayang masaya po ako sa lahat ng ibinigay ng Diyos sa akin. Masaya po ako sa pamilya ko, G ko, mga kaibigan ko, pag-aaral ko at trabaho ko. Gusto ko lang po maalala ko na pahalagahan ang lahat ng tao at bagay habang may pagkakataon pa ako.


Thursday, May 14, 2015

Ang Kutsilyo At Salita

Buti pa ang kutsilyo, kapag nadaplisan ka, sugat lang. Masusugatan ka lang pero alam mong maghihilom. Madalas hindi na yun mag-iiwan ng bakas ng binigay na sugat sayo. Tipong makakalimutan mo. Tipong mawawala sa wisyo mo. Nasugatan ka lang, maghihilom, minsan di pa mag-iiwan ng peklat. Gagaling at di mo na matatandaan na nangyari yun.

Ang salita mo? Ang salita niya? Ang salita nila? Para bang mas matalim pa sa kutsilyo na babaon hindi lang sa balat nya, kundi tatagos hanggang puso nya

Kaya mag-ingat ka sa paggamit ng salita,  dahil kasing talim man yan ng kutsilyo, ang mga salita kapag nasambit mo, mag-iiwan na yun ng peklat buong buhay sa taong iyong sinabihan. 

Mag-isip bago makasakit sa mga salita, baka kakaulit mo siya, di mo man sinasadya, itinatatak mo sa kanya na darating din talaga ang panahon ng pagsasawa at pamamaalam, na kakaulit mo, akala niya hinahanda mo na siya sa pag-alis mo. Baka dumating ang panahon, tititigan ka na lang nya dahil manhid na sya sa bagay na sinasambit mo, at di na nya kayang maramdaman kung totoo pa ang pag-ibig mo.

Paano pa siya maniniwala sa "habambuhay" kung sa ibang salita mo, may masakit na pamamaalam?


PS. Masyadong matalim ang mga salita. Wag mong hayaang makasakit ka ng iba dahil sa salita mo, kasi kapag yan ang nakasugat sa ibang tao, pati puso niya, sinusugatan mo.

PPS. Kaya mag-ingat sa mga salita lalo sa pamilya, kaibigan, jowa o kalandian. Malaki ang epekto ng salita mo, sana mapasaya mo sila at wag mong hayaan na yan mismo yung makakasakit sa kanila.