Thursday, May 14, 2015

Ang Kutsilyo At Salita

Buti pa ang kutsilyo, kapag nadaplisan ka, sugat lang. Masusugatan ka lang pero alam mong maghihilom. Madalas hindi na yun mag-iiwan ng bakas ng binigay na sugat sayo. Tipong makakalimutan mo. Tipong mawawala sa wisyo mo. Nasugatan ka lang, maghihilom, minsan di pa mag-iiwan ng peklat. Gagaling at di mo na matatandaan na nangyari yun.

Ang salita mo? Ang salita niya? Ang salita nila? Para bang mas matalim pa sa kutsilyo na babaon hindi lang sa balat nya, kundi tatagos hanggang puso nya

Kaya mag-ingat ka sa paggamit ng salita,  dahil kasing talim man yan ng kutsilyo, ang mga salita kapag nasambit mo, mag-iiwan na yun ng peklat buong buhay sa taong iyong sinabihan. 

Mag-isip bago makasakit sa mga salita, baka kakaulit mo siya, di mo man sinasadya, itinatatak mo sa kanya na darating din talaga ang panahon ng pagsasawa at pamamaalam, na kakaulit mo, akala niya hinahanda mo na siya sa pag-alis mo. Baka dumating ang panahon, tititigan ka na lang nya dahil manhid na sya sa bagay na sinasambit mo, at di na nya kayang maramdaman kung totoo pa ang pag-ibig mo.

Paano pa siya maniniwala sa "habambuhay" kung sa ibang salita mo, may masakit na pamamaalam?


PS. Masyadong matalim ang mga salita. Wag mong hayaang makasakit ka ng iba dahil sa salita mo, kasi kapag yan ang nakasugat sa ibang tao, pati puso niya, sinusugatan mo.

PPS. Kaya mag-ingat sa mga salita lalo sa pamilya, kaibigan, jowa o kalandian. Malaki ang epekto ng salita mo, sana mapasaya mo sila at wag mong hayaan na yan mismo yung makakasakit sa kanila.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.