Sa utak ko, nitong July 21 na mag-bebente singko ako, gustong gusto kong magpasaya ng ibang tao. Gusto ko na yung kaarawan ko hindi maging tungkol sa akin kundi sa ibang tao. Naglaan ako ng mahahabang oras para mag-isip sa kung paanong paraan magkakakulay yung araw na yan.
Sabi ko sa sarili ko, yung konti na meron ako, susubukan kong magbigay sa iba, lalo dun sa mga taong mas kapos pa sa amin. Di man marami ang maibigay ko pero gusto ko lang na sila yung makaramdam na meron pang kabutihan sa mundong 'to sa araw na yun. Nagpagawa ako ng 26 eco bags (yung isa para may maiiwan sa akin) at namili kami nung July 20 ng kapatid ko sa Landmark ng mga ipapamigay ko. Konti lang. Di naman madami pero swak na pangkain sa isang buong araw ng isang pamilya (may pang-agahan, ulam, inumin, kanin) yung pang-lipas ng isang araw. Pinuno ko ang 25 eco bags ng groceries at ipinamigay.
Meron itong isang nakikita ko sa Sauyo Road. Isang mga nasa 30-40 year-old na lalaki. May polio yata sya noon kasi mas maikli ang isang bahagi ng katawan niya. Nakita ko sya noon na nasa basurahan, naghahalungkat ng makakain at kinain nya yung tinapay na napulot nya dun. Isa sya sa talagang ginusto kong bigyan. Tamang tama, nakita ko sya. Ibinaba ko yung window ng sasakyan, sabay sigaw na "Kuya! Kuya!" Lumingon sya kaya ngumiti ako at iniabot yung eco bag sabay sinabi ko na "Para sayo, Kuya" Sobrang ganda ng ngiti nya kahit yung ngipin nya hindi na buo. Ang ganda ng kislap ng mata nya na para bang di makapaniwala habang kinuha nya yung ibinigay ko ang laki ng ngiti nya sabay sabi na "Salamat, Ate"
Meron din yung lagi naming binibilhan ng balot. Inabangan ko talaga sya. Mga halos 11pm na, may sumigaw na ng balot. Pinasigaw ko pinsan ko habang kinukuha ko yung ibibigay ko. Sabi ko "Kuya, di kami bibili pero may ibibigay ako para sayo" Nakangiti sya habang kinuha yung ibinigay ko sabay nagtanong na "Ano 'to?" Sagot ko "Birthday ko kuya pero wala lang, gusto ko lang magbigay para sa pamilya mo" Nagpasalamat sya. Sabi ko "Sa susunod kami bibili kuya, ha?" Ang ganda ng ngiti nya. Sobra.
May naisip din ako para sa mga tao sa buhay ko. Mahirap man pero namili ako ng 25 na tao sa buhay ko na susulatan ng letters. Medyo matrabaho pero ito yung paraan ko para magpasalamat at magpaalala kung ano yung mga katangian na nakakahanga dun sa mga taong yun. Para yun sa Diyos, sa pamilya, sa mga kaibigan ko at sa ibang tao pa. Yung huli, para sa inyong lahat na sinamahan ako.
Ang liham ko para sa inyo na laging nag-aabang sa kwento ng buhay ko at sa kung ano mang mga salitang kaya kong ipahayag dito:
Sobrang salamat po sa pagbabasa at pagbisita lagi nitong "Tongue In A Lung". Hindi man sapat ang mga salita pero hayaan po ninyong maging sapat ang "salamat" para mabatid ninyo na sobrang nagpapasalamat po ako sa pagiging bahagi nito at ninyo sa buhay ko. 'Tong blog na 'to yung naging daan para mahanap ko ang mga salita, ang mga tamang salita sa tamang oras, ang mga pagsisimula at pagtatapos, ang kasiyahan at kasawian, ang pag-usbong at pagkawala, ang kamusta at paalam, at marami pang iba. Salamat at nagkaroon kayo ng oras na nilaan upang maging kabahagi ng mga kwento ko dito. Alam ko po yung iba sa inyo mga bagong salta na kung saan ay bigla lang nahanap 'tong blog na 'to, yung iba ay mga Med students na nag-aabang ng kung ano ang masasabi ko (Pre, mahirap ang Medisina kaya wag na nating isipin yun. Enjoy na lang natin yun), yung iba ay mga taong naging parte ng buhay ko na baka dito lang sila nakakahanap ng lakas ng loob para abutin ako (Salamat. Alam ko hindi madali sa inyo pero binibisita nyo ako) at yung iba umaasa ng mga salita na para sa pag-ibig. Sa kung ano man ang rason na andito ka, salamat. Salamat sa oras na binigay at ibinibigay nyo sa akin at sa blog na 'to. I am very much grateful to have this kind of blessing to be able to touch your lives pero higit pa dun, you, guys, are touching mine in ways you cannot imagine. So, thank you! I'm hoping for happiness sa ating lahat :) I am happy, very happy. I hope you all are happy too. Yung happiness na galing sa pinakailalim ng puso, yung totoo, at di lang basta masaya. Thank you. Thank you for being here with me. :)
-OPMACO
PS. Salamat, Lord. Lahat ng 'to di magiging posible kung wala ka. Salamat sa kasiyahan at pag-ibig. I am nothing without You, my Lord! I could never imagine na aabot ako dito pero salamat po at di Mo ako pinabayaan. Mahal na mahal kita, Panginoon. Buong buhay akong magtitiwala sa Iyo.
PPS. Di ko na 'to babasahin pa ulit. Ipopost ko na lang. Antok na talaga pero gusto kong ibahagi 'to kaya tinapos ko lang. Salamat guys! Sobra.
July 22, 2016
1:35am
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.