Monday, April 17, 2017

Tongue In A Lung: 100,000


May 2011 nung nagsimula akong maghanap ng mga salita na tatapat sa nararamdaman ko. Di ko eksakto alam saan patungo yung mga salitang yun. Di ko alam kung saang lupalop makakarating ang mga salita ko. 

Masaya ako o malungkot, tumatawa o umiiyak, in love o nasaktan, meron akong mga salitang sinubukang gawing karapatdapat na tumapat sa bawat nilalaman ng puso ko. Gumawa ako ng blogs para sa iba't ibang tao - mga kaibigan, yung ibang naging ka-ibigan (na yung iba nabura ko dati kasi meron akong naisulat para sa iba na syempre iwas gulo sa present dati, chusera! pero ngayon, di na ako magbubura. I'll try. Hahaha), mga kamag-anak, mga katropa, mga tao sa school o kahit mga taong estranghero na nagkataong sumakto para makabuo ako ng mga grupo ng salita na sa tingin ko may kahulugan kung pagsasamahin, na sa tingin ko magkakaroon ng punto kung susubukang iayos maigi.

Totoo lang, yung ibang nandito, di ko na din maalala na nasulat ko pala. Parang "diary" ang dating nito para sa akin. Di ako yung taong mahilig magpakita ng lungkot kaya ito yung naging isa sa nakatulong sa akin para (lalo yung mabibigat sa dibdib) mailabas ko at mapanatili ko na mabuo ako ng ngiti lalo nung nasa kolehiyo ako.

Ang saya nung makita ko kahapon habang nakaupo ako sa Seamen's Hospital, sinilip ko yung blog ko at nakita ko na "100,030" na. Huhuhuhu! Isipin mo yun, yung mga salita kong itinapon sa akala ko kawalan, di nawala. Nakatagpo ng mga taong tumanggap ng mga salitang yun.

Para sa mga madami pang taon na pagtugma ng mga salita, para sa mga madami pang makakabasa ng mga salitang siguro hahanap din ng pwesto sa kawalan ninyo. Kolehiyo ako noon, ngayon kumekendeng na sa mga ospital, hanggang sa abutin na ako ng 100 years old, susubukan nating panatilihin ang mga salita at susubukang bumuo ng madami pang grupo ng salitang tutugma.

Kung ano mang dahilan at napadpad ka dito ngayon, salamat! Salamat mga Be!

Love,
Kat.


PS.
May mga bagay na okay lang antayin. May mga bagay na ayos lang di tuluyang pakawalan. May mga bagay na kahit anong gawin mo, babalik balikan mo. At sa konting karapat dapat dun, isa 'to dun.
Halos 6 years na, tangina lang tongue in a lung.
Dito nagsimula: Ang Panimula

Friday, April 14, 2017

Ang Lumakad Pabalik At Natutong Lumakad Palayo


Ano ba 'to? Marathon na ba ang pag-ibig? Unahan makalayo? Tapos kapag may nauna yung dating nahuhuli, pipilitin mong hatakin pabalik? Baliw ka.

ANG LUMAKAD PAPALAYO:
Pasensya ka na pero para sa atin 'to. Yang oras na hinihingi mong di ko naibigay, pasensya na kung sa iba naibigay ko. Mahal kita, alam kong alam mo yun, pero kung tayo, tayo talaga. Sorry.


ANG GUSTONG MAGMAKAAWA:
Kung pwede lang kitang pilitin na piliin ako, gagawin ko pero ayaw mo naman. Ayaw mo na. Ayaw mo na sa akin? Sana di mo na lang sinabing mahal mo ako kung ganito. Gustong gusto kong balikan mo ako. (At sa sumigaw sya sa katahimikan na walang makakarinig ng - sana balikan mo ako)

Mahirap pero kakayanin ko. Ginawa ko naman ang lahat. Minahal kita ng tama at higit pa kaso wala. 


Lumipas ang mga buwan, nakakangiti na sya ng hindi kailangan ang taong lumakad papalayo. Tila ba perpektong kwento ng pagmomove on. Walang bakas. Walang maiiwang bakas. Walang luha. Walang magmamakaawa. Naging masaya sya. Nahanap nya ang kasiyahan na di kailangang ibigay ng tao na mismong sinaktan sya. Inangkin nya ang kasiyahan at pag-ibig na ipinagdamot sa kanya. Naging masaya siya. Naging maayos na sya.


ANG LUMAKAD PAPALAYO (NA NGAYON GUSTONG LUMAKAD PABALIK):
Mahal pa kita. Sana tayo na lang ulit. Nagsisisi akong iniwan kita. Nagsisisi akong binitawan ko yung taong walang ginawa kundi mahalin at intindihin ako. Nagkamali ako nung sinabi kong kung tayo, tayo talaga kasi gusto kong ipilit na maging tayo. Tayo na lang ulit. Nasiyahan akong mapaligiran ng mga tao, ng mga bagong tao, na kinalimutan ko na yung totoong magpapasaya sa akin - ikaw. Ang laki kong tanga nung binitawan kita, nung hinayaan kita, nung sinaktan kita. Ang laking pagkakamali at sobrang nagsisisi ako. Ang hirap makitang okay ka na ng walang ako, na masaya ka na kahit hindi sa akin, na di na ako yung dating laging iniisip mo, na di na ako yung mismong kasama mo ngayon. Ang hirap pala ng wala ka. Ikaw yung kasama kong nagsimula pero ang tanga ko lang na hinayaan kitang mawala. Hirap na hirap na akong wala ka, na kahit anong isip ko sayo, di kita makakausap, na di kita maaabot katulad ng dati. Mahal na mahal pa rin kita. Sana tayo na lang ulit, kung pwede lang, tayo na lang ulit.


ANG GUSTONG MAGMAKAAWA (PERO NATUTONG LUMAKAD PALAYO):
Wala na akong oras para sa lokohan. Paulit ulit. Ilang beses kong pinili kang mahalin, pero ako ba, kailan mo pinili? Mahal mo ako ngayon? Kung kailan hindi ko na hinihingi, kung kailan masaya na ako kahit wala ka, kung kailan maayos na ako, hahatakin mo na naman ako para paniwalaan ang pag-ibig mong nakakalito? Mahal mo lang ako ngayon kasi alam mong wala na ako, kasi alam mong tuluyan na akong nawawala sayo. Mahal mo lang ako ngayon kasi alam mong masaya na ako kahit wala ka, kasi alam mong buo yung araw ko kahit hindi ka parte nun. Mahal mo lang ako ngayon, kaso di na yang pag-ibig mo yung eksaktong gusto ko. Gusto ko ng pag-ibig na di nawawala, di lumalayo at hindi yung pag-ibig na bumabalik.


PS. I'm so happy for you, DN. I love you!!!! Para sa pag-ibig na di kailangang hingin!