FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Monday, February 12, 2018
Ang Pagpili Sa Sarili
Nag-uusap ng ilang oras tungkol sa buhay, nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.
"Gawin mo yan para sa sarili mo." sabi niya sa akin.
Medyo napatigil ako. Nag-isip ng sobra.
"Oo nga noh! Bakit hindi ko maalala na ganyan yung pag-iisip ko noon? Na umamin ako noon kay ***** dahil gusto kong lumaya, kasi gusto kong wag ma-attach at gusto kong umiwas"
Nakangiti siya. Naintindihan kong eksakto yung punto niya na kailangan kong palayain yung sarili ko, habang hindi pa masyadong pumupusta ng puso, para alam ko kung saan patungo. Na pwede kong gawin 'to hindi para sa iba, kundi para sa sarili ko.
"Hindi naman mawawala yung friendship ninyo kahit anong mangyari kasi kapag naging okay ka na, magiging biruan ninyo na lang yan." sambit niya
Sinagot ko ng "Tama ka naman. Kailangan kong isipin yung sarili ko ngayon. Gagawin ko para di na ako mahihirapan kasi siguro ngayon functional ako pero sa isang buwan, sa susunod na mga buwan, baka hindi na. Ako yung nahihirapan, ako yung mas nahihirapan..."
Medyo napatigil. Umiiyak na habang sinasabing...
"Pero mamimiss ko siya. Mamimiss ko siya ng sobra. Deserve niya yung 100% na best friendship na kaya kong ibigay pero sa ngayon hindi ko mabigay yun kasi may feelings ako pero sobrang mamimiss ko siya"
Umiiyak habang nakatingin siya. Umiiyak habang nakangiti siyang nakatingin sa akin.
Dati iniisip ko na sa edad ko isang beses lang talaga akong umamin sa isang tao pero sabi ko di ko na ulit uulitin yun kasi iniisip ko pride ko, ego ko, na mas mahirap pero pinaalala sa akin ng usapan na 'to na kaya pala ginawa ko yun noon para sa akin mismo, para maging maayos ako, para habang kumakawala yung feelings ko magiging malaya ako.
Pwede mong gawin para sa sarili mo, para humingi ka ng espasyo na alam mong kailangan mo kahit na hindi mo gusto. Pwede mong aminin sa sarili mo at palayain yang sarili mo sa isang bagay na walang kasiguraduhan kasi sa pagtago, wala din naman mapapala. Pwede kang bumalik sa totoong pagkakaibigan kapag alam mong yun na din mismo yung kayang ibigay sa kanya. Pero sa ngayon, unahin mo yung sarili mo. Pero sa ngayon, piliin mo yung sarili mo.
Piliin mong maging malaya. Piliin mong unahin yung sarili mo sa ngayon. Piliin mong magmahal ng malaya at sa parehong pagkakataon, pumusta kahit walang pupustang pabalik. Piliin mong humingi ng oras para maging maayos ka, oras para sa sarili mo. Pumili ka. Pwede kang pumili kahit sa mundong para kang walang choice. Pwede mong piliin ang sarili mo ng paulit ulit, ulit ulitin mo hanggang maging okay ka, okay ka ulit sa mundong magulo, sa larangan ng takbuhan at taguan, sa pagpusta ng puso at pagkuha ng oras. Piliin mo ang sarili mo.
PS. Feb 12-13, 2018 with Tino.
Friday, February 9, 2018
Ang Hahayaan
Hahayaan.
Hahayaan pero di papabayaan.
Ibig kong sabihin, ibinibigay ko sayo ang kalayaan.
Hahayaan kita.
Kasi baka kailangan mo pang ilagay sa iyong gunita,
Na kung anong nabasa mo’t ipinaramdam ko ay totoo, sinta.
Hahayaang lumaya.
Kasi gusto kong ika’y lumigaya,
Kahit ibig sabihin nun ay mawala ako iyong linya.
Totoo lang, ang labo pala ng ganito. Yung wala kang eksaktong lugar pero di ka din naman talaga naghahanap kung ano ka sa isang tao. Di ko din naman kasi alam kung ano sya sa akin o baka dahil sa labo ng pinapakita nya, di ko kailangang malinawan kung ano siya sa akin. Kaso sa dulo, katulad nito na nagmumukhang dulo, siguro tama lang din na nangyari yun para luminaw kung ano siya sa akin at ano ako sa kanya.
Wala namang tama o mali. Ang meron lang ikaw, ako o tayo. Ang meron lang hahayaan, mananatili o magpapaalam. Ang meron lang mawawala, magwawala o kakawala. Ang meron lang kung anong meron ngayon, kung kaya mong harapin ‘to, iwanan na lang ‘to o hahayaan na lang ‘to. Ang meron lang kung gugustuhin mong panindigan ‘to, totohanin ‘to, seryosohin ‘to.
PS. Feb 9, 2018 11:45pm
PPS. Ang pangit nito pero ngayong araw, seryoso, di ko din gets pero sa dulo ng lahat, gugustuhin mo lang din pala ng taong di ka ikakahiya, na kaya kang panindigan at harapin, na di ka papabayaan, na di ka hahayaang mag-isa, na may lugar ka, na may alam kang eksakto kung anong meron sa inyo at di ka nanghuhula lang.
Ang Nakaraan Na Dapat Lang Sa Nakaraan
Kung babalik ang nakaraan, babalik ka pa ba?
Kung babalik siya, bibigyan mo ba siya ulit ng pagkakataon?
Kung babalik ka, sasaya ka pa ba?
Kung babalik kayo, saan kayo patungo?
Kung dati nagkaroon kayo ng dulo, paano mo masisigurado na ang mga luha mo ngayo'y di tutulo?
Kung dati puso niya sayo'y sinarado, paano mo matitiyak na ngayon ika'y hindi dehado?
Totoo lang, kapag nakaraan ang usapan, naniniwala ako na may mga rason kung bakit hindi nag-work out yun noon at sa parehong pagkakataon, mas madaling isipin na hindi na yun magwowork out pa kahit sa ngayon.
Sa tingin mo ba, porke nag-iba ang panahon, iba na rin ang kahihinatnan nyo?
Sa tingin mo ba, hindi ka pa natapos noong naghabol ka at nawala syang parang bula?
Sa tingin mo ba, kaya yan bumabalik ngayon kasi gusto niyang ayusin yung pagkakamali nya noon?
Sa tingin mo ba, sasaya ka na isipin na baka magwork-out na yung dating hindi nag-work out?
Sa tingin mo ba, sasaya ka sa kanya?
Sa tingin mo ba, ngayon di ka na niya iiwan?
Alam kong walang kasiguraduhan ang lahat, lalo sa larangan ng landian at pag-ibig, pero pwede ba na matuto ka? Na kung dati pinusta mo na yung puso mo sa kanya at gago sya para hindi pahalagahan yun, ngayon matakot kang ibigay yan muli sa kanya? Na kung noon hinanap mo siya at naglaho siya, ngayon wag mo na siyang hayaang magmarka muli sa buhay mo? Na kung nagawa ka niyang iwan, hayaan mo na lang siyang maging parte ng nakaraan mo?
Ang nakaraan, dapat lang hinahayaan.
Ang nakaraan, wag na muling pagbigyan.
Ang nakaraan, di na dapat muling lakaran.
Ang nakaraan, dapat lang sa nakaraan.
PS.
- Hindi ko 'to sinulat para sa ex ko. Nagkataon lang na lumalabas yang mga ganyan these past few weeks sa Facebook ko at swak lang sa sinulat ko ngayon, pero walang babalikan, walang babalik, hindi ako babalik. Hindi ako marunong bumalik.
- Para sa kaibigan ko 'to, sayo 'to, Doc Shanice. Wag na. Sa iba na lang. Sa kaya kang alagaan. Madami pa dyang iba. Hehehehe! Woooow, ang nagagawa ng FB stories, nakakabuo ng blog.
Thursday, February 8, 2018
Ang Di Ko Sinasabi
May mga bagay na di ko kailangang banggitin para maintindihan mismo ng isang tao yung gusto kong iparating. Yung di ko sasabihin, hayaan ko lang iparamdam at bahala ka na kung eksaktong makuha mo yun.
Sa kada pagkakataon na susubukan kong maging parte ka ng araw-araw ko,
Sa kada oras na ipapabatid ko na naaalala kita,
Sa kada panahon na gugustuhin kong yakapin ka,
Sa kada yakap ko sayo,
Sa kada kwento kong ibabahagi sayo lalo kung patungkol yun sa pamilya ko,
Sa kada mga tyansa na gusto kitang tignan, makita,
Sa kada nagbibigay panakaw na mga texts kahit kasabay nun yung katoxic-an ng duty ko,
Sa kada pagpapaalaala,
Sa kada salitang iiwan ko sayo,
Sa kada gugustuhin kitang makasama,
Ito ang ibig kong sabihin:
Gusto kita sa buhay ko, di ko man alam kung ano 'to eksakto. Okay lang sa akin na andito ka lang, mas okay na wag kang mawawala.
Hindi laging kailangang sabihin mo para eksaktong maparating mo sa isang tao kung ano sya sa buhay mo. Pwedeng iparamdam, sana maging sapat muna yung maiparamdam mo kung ano siya sa iyo, na mahalaga siya sayo, na masaya kang nandyan siya ngayon, at sana nandyan pa din sya sa mga susunod na mga bukas ng buhay mo.
Friday, February 2, 2018
Ang Paano Magpapaalam
Sa totoo lang, di ko alam paano magpaalam sa isang bagay na hindi naman nag-umpisa. Mas hindi ko alam paano magpaalam sa isang bagay na hindi ko naman gustong mawala talaga. Mas lalong tanginang hindi ko alam paano magpapaalam sa isang tao, kung gusto ko naman siya talaga.
Paano ba magpapaalam? Kung ayoko naman talaga.
Paano ako magpapaalam sa iyo? Kung gusto ko naman talaga araw-araw kang makausap man lang, kung hindi kita makasama.
Paano kita papakawalan? Kung ayaw naman talaga kitang mawala.
Kung madali lang sabihin na umupo tayo at mas magiging madali lahat kung maiintindihan kita at maiintindihan mo ako pero may mga bagay na ako mismo hindi ko kayang sabihin, kaya ngayon parang gusto kong takasan na lang. Biglaang mawala. Yung di mo mapapansin. Yung di mo alam. Yung parang natural lang na pinaglayo ng mga bagay at pagkakataon pero alam ko, sinadya ko, para mas maging madali sayo (kasi masaya kang kung anong kaguluhan meron tayo) pero sa parehong pagkakaton, magiging madali na din sa akin para hindi ako mabaon sa anumang pakiramdam na di naman (sa tingin ko) dapat maramdaman ko.
Siguro magiging madali ang paalam, hindi lang ngayon.
Siguro mas magiging okay na mawala 'to, hindi lang ngayon.
Para maging mas madali 'to, ganito na lang siguro:
Mas gusto ko ng isang tao na hindi ako pag-iisipin kung ano ako sa kanya, kung anong meron sa amin. Yung kayang kumuha ng pagkakataon sa amin, kasi kilala ko ang sarili ko. Ganito ako, sumubok ako, lagi akong di takot sumubok pero sa taong alam kong ipupusta din yung puso niya sa akin. Yung kaya akong panindigan sa panahon na gustuhin ko siyang panindigan. Hindi ako pagod sa pag-iisip kung ano yung lugar ko pero alam ko, may taong mabibigyan ako ng siguradong lugar sa buhay nya, yung di ako magdududa, yung di ko kailangang hanapin pa, yung ibibigay na lang ng kusa. Yung hindi aabutin ng ilang araw para maisip ko kung ano ba talagang meron, kasi malinaw, ginawa niyang malinaw kung anong meron. Yung alam ko kung ano ako sa kanya.
Sa lahat ng 'to, paano ako magpapaalam? Paano pa rin ako magpapaalam sa iyo? Sa malabong usapan. Sa nakakalitong damdamin. Sa gulo ng damdamin.
PS. Makapunta sana sa himpapawid ng pagkalimot ang pusong di makalimot. Mawala sana ang damdaming di makawala. Huminto sana ang lahat ng bagay na sa puso'y nanlilito.
PPS. Labo nitong blog entry na 'to. Parang ang lamlam ng puso ko (Hahahaha! - pero sa tingin ko di tumatawa yung puso ko sa post na 'to) Pero ang pangit nito, parang di dapat nandito, ang labo, pero parang damdamin ko ngayon 'to. Ang lungkot ko ngayon. Dehins ko alam kung bakit. Huhuhuhuhuhu

Subscribe to:
Posts (Atom)