Monday, February 12, 2018

Ang Pagpili Sa Sarili


Nag-uusap ng ilang oras tungkol sa buhay, nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.

"Gawin mo yan para sa sarili mo." sabi niya sa akin.

Medyo napatigil ako. Nag-isip ng sobra.

"Oo nga noh! Bakit hindi ko maalala na ganyan yung pag-iisip ko noon? Na umamin ako noon kay ***** dahil gusto kong lumaya, kasi gusto kong wag ma-attach at gusto kong umiwas"

Nakangiti siya. Naintindihan kong eksakto yung punto niya na kailangan kong palayain yung sarili ko, habang hindi pa masyadong pumupusta ng puso, para alam ko kung saan patungo. Na pwede kong gawin 'to hindi para sa iba, kundi para sa sarili ko.

"Hindi naman mawawala yung friendship ninyo kahit anong mangyari kasi kapag naging okay ka na, magiging biruan ninyo na lang yan." sambit niya

Sinagot ko ng "Tama ka naman. Kailangan kong isipin yung sarili ko ngayon. Gagawin ko para di na ako mahihirapan kasi siguro ngayon functional ako pero sa isang buwan, sa susunod na mga buwan, baka hindi na. Ako yung nahihirapan, ako yung mas nahihirapan..."

Medyo napatigil. Umiiyak na habang sinasabing...

"Pero mamimiss ko siya. Mamimiss ko siya ng sobra. Deserve niya yung 100% na best friendship na kaya kong ibigay pero sa ngayon hindi ko mabigay yun kasi may feelings ako pero sobrang mamimiss ko siya"

Umiiyak habang nakatingin siya. Umiiyak habang nakangiti siyang nakatingin sa akin.

Dati iniisip ko na sa edad ko isang beses lang talaga akong umamin sa isang tao pero sabi ko di ko na ulit uulitin yun kasi iniisip ko pride ko, ego ko, na mas mahirap pero pinaalala sa akin ng usapan na 'to na kaya pala ginawa ko yun noon para sa akin mismo, para maging maayos ako, para habang kumakawala yung feelings ko magiging malaya ako.

Pwede mong gawin para sa sarili mo, para humingi ka ng espasyo na alam mong kailangan mo kahit na hindi mo gusto. Pwede mong aminin sa sarili mo at palayain yang sarili mo sa isang bagay na walang kasiguraduhan kasi sa pagtago, wala din naman mapapala. Pwede kang bumalik sa totoong pagkakaibigan kapag alam mong yun na din mismo yung kayang ibigay sa kanya. Pero sa ngayon, unahin mo yung sarili mo. Pero sa ngayon, piliin mo yung sarili mo.

Piliin mong maging malaya. Piliin mong unahin yung sarili mo sa ngayon. Piliin mong magmahal ng malaya at sa parehong pagkakataon, pumusta kahit walang pupustang pabalik. Piliin mong humingi ng oras para maging maayos ka, oras para sa sarili mo. Pumili ka. Pwede kang pumili kahit sa mundong para kang walang choice. Pwede mong piliin ang sarili mo ng paulit ulit, ulit ulitin mo hanggang maging okay ka, okay ka ulit sa mundong magulo, sa larangan ng takbuhan at taguan, sa pagpusta ng puso at pagkuha ng oras. Piliin mo ang sarili mo.


PS. Feb 12-13, 2018 with Tino.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.