FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Monday, May 21, 2018
Ang Mahal Mo o Mahal Ka?
Sa mabuting pagkakataon, sa masayang panahon, sa tamang timing, nagkakatagpo kayo sa eksaktong panahon kung kailan pwede ang lahat, handa kayong dalawa, at sa eksaktong pagkakataon na yun, pareho kayo, mahal ninyo ang isa't isa, gustong gusto ninyo ang isa't isa, pipiliin ninyo ang isa't isa. Pero di lahat ng istorya ganyan.
Di lahat may pagkakataong ganyan, yung eksakto, yung swak lahat sa banga. Di laging mahal ninyo ang isa't isa. Yung iba mahal mo o mahal ka. Kaya nga, sa totoo lang, sa kada istorya na swak ang lahat, na nagkaroon ng panahon para umamin sila sa isa't isa, na nag-risk sila, na ginusto nilang ipaglaban yung nararamdaman nila pareho, sobrang sobrang sobrang naniniwala ako sa pag-ibig, hindi man nagtagal, hindi man buong buhay, basta may punto sa buhay mo na nangyari yun, kakaiba. Nakatagpo ka ng panandaliang langit sa lupa.
Tanong 'to ng kaibigan ko sa amin:
Ano ang pipiliin mo, yung mahal mo o mahal ka?
Di ko masasabi kasi na panget na pagkakataon kung may nagmamahal talaga sayo, yung totoo, yung solid. Kung pwede lang na mahal ninyo isa't isa, syempre yun ang mas gusto ko pero kung sa pagkakataon na 'to, gusto kong piliin yung taong mahal ako.
Ang dali kasing piliin mo yung taong mahal mo, pero kapag pinili mo yun, para mong pinipiling masaktan ka, na sa susunod na mga araw o buwan, durog ka na. Ang daling magpakitang gilas ng pag-ibig mo para sa isang tao. Gago ka man na ayaw mong ipusta yang buong puso mo, peksman, mabibigay mo yan, yung tipong kulang yung matitira sayo, yung sa dulo, magtatanong ka kung paano ka. Ang daling piliin na dun ka sa mahal mo, pero sinong pipili sa sarili mo?
Mahirap din naman sa taong mahal ka pero di mo magawang mahalin. Para mong niloko yung tao pero higit pa dun, niloloko mo yung sarili mo. Hindi din kasi lahat ng mahal ka kaya mong mahalin. Panget na reyalidad, pero yun yung totoo. Na habang yung isang tao kayang ipusta sayo ng buong buo ang puso niya, kung sadyang di mo makita yung sarili mo sa kanya, wala talaga. Na kahit anong effort niya, kahit anong totoong pagmamahal ang ibigay sayo, kung di yun yung pagmamahal na hinahanap mo, wala din.
Sa totoo lang naranasan ko na pareho. Sabi kasi nila matututunan kong mahalin. Sobrang bait, okay kahit sa mga kapatid at pinsan ko, ipinakilala ko naman. Di naman panget. Alam at ramdam kong mahal ako. Pumusta ako sa taong mahal ako kahit alam kong di ko sya mahal sa eksaktong paraan na mahal niya ako pero binigay ko yung best ko (sa tingin ko) para ibigay sa kanya yung kaya kong ibigay na pag-ibig noon kaso sa huli, kinailangan kong pakawalan yung taong yun kasi hindi ko mabigay yung pag-ibig na sa tingin kong deserve niya. At nasubukan ko na ding ipusta yung puso ko sa isang taong ni hindi ko alam kung kakayanin akong mahalin noon. Ibinigay ko ng buo yung puso ko kahit sa tingin kong di niya ako mabigyan ng parte ng kanya. Lagi kong iniisip na baka maling timing. Magiging okay ako pero para ko siyang tinuring na pangarap. Pangarap na lang na hahayaan na sana makalimutan. Ilang ulit ko siyang iniwasan, binitawan, kaso di siya mabitawan ng puso ko ng tuluyan. Minahal niya din ako pero di pala yun yung pagmamahal na gusto ko. Di pala yung pangarap kong tao yung eksakto sa buhay ko pero di ko pa rin siya mabitawan hanggang siya ang bumitaw, kasi nakahanap ng pag-ibig na higit sa akin.
At natuto yung puso ko na hindi na muling pupusta sa isang taong di kayang pumusta sa akin. Na kung pwedeng di ako ma-attach kahit kanino, gagawin ko, para lang di ako masaktan. Na iiwas na lang. Na kung di naman seryoso, hahayaan na lang. Na kung biruan lang pala, wag na lang. Na kung landian lang, di na lang. Na sana, sa susunod na magmamahal ako, sa taong mahal din ako, at kami yung eksaktong swak na hinahanap namin sa buhay ng isa't isa, na dun na sa makakasama ko habang buhay.
Kaya ngayon, kung sasagutin ko yan, kung ano ang pipiliin mo, yung mahal mo o mahal ka? Ayoko sa taong mahal ko. Ayoko din sa taong mahal lang ako. Dun ako sa taong mahal ako na alam kong kakayanin kong mahalin rin. Sa taong sasamahan ko, at sasamahan ako, sa pupusta sa akin at pupusta rin ako, sa mamahalin ako ng buong buo at kakayanin ko ring mahalin ng buo. Dun sa swak sa kung anong hinahanap ng buhay ko at sa parehong oras, eksakto din na ako ang swak sa hinahanap niya.
Di ko alam kung anong mas pipiliin mo pero sana sa lahat ng pag-ibig na yan, piliin mo din na mahalin ang sarili mo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.