Mahal kita, wala namang masama dun. Mahal kita pero hindi sapat 'to. Mahal kita pero may iba kang pinili. Mahal kita pero ang labong magkatagpo ang ating puso. Mahal kita pero hindi tayo pwede. Mahal kita pero hanggang dun na lang yun. Mahal kita pero gusto kong mawala 'to. Mahal kita pero nasasaktan ako. Mahal kita pero gusto kong matutunang hindi ka na mahalin. Mahal kita kasama na ang lahat ng pero na maihahain ng mundo. Mahal kita pero, pero, pero, pero. Mahal kita kaso madaming pero kaya katulad ng isang paru-paro, papaliparin ko na 'to sa himpapawid. Hahayaan kong maging malaya ako.Hahayaan kong mag-umpisa muli ako sa pagiging uod, isang sawi. Hanggang dumating ang tamang panahon na ako'y handa nang muli. Alam kong darating ang panahon na magiging maganda akong paru-paro, at lilipad akong muli hindi dahil ako'y muling nasaktan bagkus, lilipad ako, kasama nung paru-parong makikita ang halaga ko. Lilipad akong mas masaya higit kailanman dahil sa wakas ang tamang paru-parong para sa akin, lahat ng pero kaya naming lagpasan.
Ito ang panahon para sa akin. Lalapatan na ako ng bagong semento. Lalapatan na ang bakas na iyong nagawa. Lalapatan na ng mga trabahador na aking inarkila ang marka mong hindi ata kailanman naging tapat (kahit na sa pakiramdam ko'y yun ang pinakatapat na pag-ibig na naramdaman ko). Siguro nga'y ako lamang sa iyo'y di naging sapat. 'Wag kang mag-alala, masaya pa din ako na kahit di ako sapat, kailanma'y ako'y walang magiging katapat. Hindi ako mabubuhay na manghihinayang na ika'y dumaan at lumipas lang sa buhay ko. Mas lalong hindi ako nagsisisi na nasira ang daan ko nung pinadaan kita sa buhay ko. Hindi ako sadista para ikatuwang masaktan ako pero naging masaya ako sa naramdaman ko, sapat na yun. Naging masaya ako na sa pagdaan mo. Naging masaya ako, seryoso. Salamat.May mga bagay lang na kahit gaano ko kamahal, hanggang dun na lang. Parang ikaw, kahit mahal pa kita, yun na lang. Mahal lang kita at lilipas din 'to. Mahal lang kita kahit ang layo-layo na natin sa posible. Mahal lang kita kahit malabong mahal mo din ako. Mahal lang kita kahit hindi ko na marinig sayong mahal mo din ako. Mahal lang kita pero, pero, pero at madami pang pero. Mahal kita at matatabunan din 'to ng tamang semento.
Ayos ka din! Una, gusto mo atang nakawin kita, hindi ko lang gusto. Ngayon, sasama ka naman sa akin. Isa na lang bang laro 'to? Isang laro ng taguan. Magtatago ako at lalayo sayo ng hindi mo alam, tapos magpaparamdam ka. Ano bang trip mo? Hindi mo ba alam na nung oras na lumayo ako sayo ng hindi mo alam, ibig sabihin ayoko na? Hindi mo ba alam na ayoko nang maapektuhan? Hindi mo ba alam na ayoko nang umasa? Mas hindi mo ba alam na ayokong sinasabihan akong mahal ako habang iba ang pinili mo? At lalong mas hindi mo ba alam na ayokong nagpaparamdam sa akin kapag may iba?Muntik na akong magnakaw, buti natauhan ako. Muntik na kitang agawin, buti umayos ang takbo ng utak ko. Oo! Mahal kita. Mahal pa din kita. Pero hindi porke mahal kita, aagawin na talaga kita. Minsan dinidiliryo lang ako kaya naiisip ko yun.Iba ang pinili mo. Hindi ako ang pinili mo. Lumayo ako pero lumapit ka. Ngayon, gusto kong patahimikin mo ako. Tama na 'to. Ayoko na sa taguan. Ayoko ng ganito. Sa susunod na lalayo ako ng hindi mo alam, pwede bang wag ka nang babalik? Pwedeng hayaan mo ng wala na ako? Kasi okay na okay naman na ako. Okay ako na hindi mo ako pinili. Pero hindi ako kailanman magiging okay na hindi mo na nga ako pinili pero lumalapit ka pa din sa akin. Hindi porke mahal kita, tatanggapin pa kita. Minsan, kailangan ko lang ng oras para maglaho 'tong nararamdaman ko. Hayaan mo na muna ako tutal hindi ako ang pinili mo. Hayaan mo munang magmahal ako ng iba. Hayaan mo munang sumaya akong todo ng wala ka. Hayaan mo na lang muna ako, please lang.
Buti pa ang bagyo, may pag-asa. Buti pa ang mga may removals, may pag-asa pang pumasa. Buti pa ang daan, may patungong pag-asa. Tayo? Kailanman wala na talagang pag-asa. Katulad ng sinabi ng Anonymous sa Ang Magkaibigan Lang --"Iwasan mo siya lahat ng konekta sa kanya iwas totally..... 'pag di ka hinabol, at least u have your pride."
Hindi ako sigurado kung kaarawan mo sa 19, tatapusin ko lang yun para sa huling beses magkaron ako ng excuse para ma-i-message ka. Huling pag-abot, huling hindi na muli. Matagal na akong lumayo. Pero hindi ko pa binitawan ang pag-asa. Ngayon, lalayo ako ulit kasabay ng pagbitaw sa pag-asa. Sa panahon na 'to, maglalaho na talaga ang koneksyon natin, sa lahat ng posibleng maabot mo ako kahit sa mga kaibigan mo. At sana kasabay nun ang tamang paglalaho ng feelings pati ng pag-asa. Matagal na akong lumayo, pero hindi ko agad binitawan ang pag-asa. Yun siguro ang mali ko. Sa dalas kong dumaan sa Pag-asa, hihikbi ako kasabay ng pagsabi na sana'y meron din tayong pag-asa. Lumayo nga ako sayo pero sa tuwing aabutin mo ako, abot langit din ang ngiti ko, hindi mo lang alam. Pero mahirap, mahirap pa rin pala ang hindi umasa. Mahirap pa ding iwasan yung ngiting nakukuha ko sayo. Lalayo ako. Papalayain ko lang lahat ng feelings na 'to. Babalik ako sa panahong nabitawan ko na lahat ng pag-asa. Magiging tunay ang paglayo. Sa aking paalam, hindi na muling magpaparamdam. Sana ikaw din, hindi ka na matutong magparamdam.
Ako mismo ang babalik, sa panahong hindi na kita mahal. Dadating ang tamang panahon na magiging magkaibigan na nga lang tayo. Hindi na ako dadaang muli sa Pag-asa na umaasa pa rin sa atin. Dadaan ako dun, sabay cross fingers habang sinasambit ko na sa tamang tao at tamang pagkakataon, dumating ang tamang pag-asang hindi lang ako papaasahin. Yung magtatagal, yung pang habambuhay, yung hindi katulad ng pag-asa nating naglahong parang bula.
**Kung nagbabasa ka nito, please lang, sa paglayo ko, wag mo akong aabutin. Malamang alam mo kung bakit. Wag ipilit ang hindi na pwede. Wag ipilit ang pagkakaibigan. Wag ipilit ang hindi pa pwede.
Di naman talaga ako isang snatcher. Muntik lang kasi nagmahal ako. Akalain mong marunong palang magmahal yung muntik ng maging snatcher. Naisip ko, paano kung maagaw nga kita, makuha nga kita, makukulong ako sa isang rehas ng relasyon na alam kong inagaw ko sa iba. Oo, makukulong akong kasama kita pero inagaw lang kita. Paano magiging masarap sa pakiramdam yung katotohanang hindi ka magiging akin kung hindi kita inagaw? Paano ako magiging masaya kung nakuha nga kita, pero hindi naman talaga ako yung unang pinili mo, na sadyang mang-aagaw lang ako?Sana para ka na lang Macbook. Sana kaya kong mag-antay ng matagal para mag-ipon at mabili ka. Hindi yung matututo akong magnakaw makuha ka lang. Sana lang marami kang stock, kaso nag-iisa ka at ikaw yung hindi ko makukuha kailanman dahil hindi mo hinayaang makuha kita. Ngingiti na lang ako. Maghuhulog ng pera kada araw sa piggy bank ko, aantayin ko na lang ang susunod na labas ng Macbook, yung hindi ikaw pero yung makukuha ko hindi dahil inagaw ko. Sana iregalo niya na lang yung sarili niya sa akin. Yung magiging akin kahit di ako maging snatcher. Yung magiging akin kasi kahit anong pilit ng iba, ako yung gusto niya at ako yung mahal niya.