Tuesday, January 17, 2012

Ang Multo

Kamamatay mo lang. Kamamatay lang ng pag-ibig ko para sayo. Kamamatay lang ng memorya mo sa isip ko. Nakiramay ang lahat, nakiramay ang luha, puso at isip ko. Akala ko nung nandyan ka, mas masakit pero nung nawala ka at nalaman kong masaya akong wala ka, mas mahirap pala. Mahirap pala 'pag naramdaman ng isang taong matagal na siyang maayos kahit nandyan ka o wala ka sa buhay niya. Mas mahirap pala kapag di mo naman na talaga siya mahal, matagal na, na nasanay ka na lang na alam mong mahal mo siya, ideya na lang pala yun, hindi na pakiramdam. Mahirap pala na binitawan kita, e wala naman na akong bibitawang feelings.

Ilang araw lang ang lumipas, ilang linggo lang, nagsisimula ka na naman. Sinisimulan mo na naman akong abutin sa paraang hindi kaya ng iba. Sinisimulan mong magparamdam ng di mo sinasadya. Inaangkin mo ang hangin, kaya bawat paghinga ko naaalala kita. Sumasama ka sa taong nakapaligid sa akin, kaya kada paglingon ko, pinapaalala mo ang sarili mo. Tinutulad mo ang kwento ng iba sa kwento natin, kaya bumabalik ako ng bumabalik sa kwento nating wala naman talagang kwenta.

Nagpaparamdam ka na naman. Minumulto mo na naman ako. Minumulto ako ng nakaraan. Minumulto mo ako't ipinapaalala kung gaano kita minahal, at kung gaano mo ako minahal. Minumulto mo ako't binabalik mo ako sa panahon natin. Nagpaparamdam ka ng paulit-ulit. Takot ako sa multo, seryosong takot ako sa multo, pero pinakakinakatakutan ko ang multo mo. Ang multo mo na pinipilit kong layuan ng paulit-ulit. Palayain mo naman ako. Bitawan mo na ako ng tuluyan.

Friday, January 13, 2012

Ang Buwan


Dadating ka sa buhay ko. Kahit anong tanggi ko sa pag-ibig, alam kong muling mabubuksan ang puso ko sa oras na makilala kita. Kahit anong iwas pa ang gawin ko, kung ikaw talaga ang laan para sa akin, tayo talaga. Kahit anong takbo ang gawin ko, kung ikaw ang kapares ng palad ko, hahanap ang tadhana para mag-abot ang ating mga puso. Kahit gaano pa ako ka-bato ngayon, mapapalambot mo ang puso ko. Kahit tinatapon ko ngayon ang salitang "Mahal kita.", alam kong dadating ka para paniwalain muli ako. Ipakita at iparamdam sakin ang mahikang taglay nito, hindi lang puro salita.

Dadating ka sa buhay ko, di lang ngayon. Dadating ka sa buhay ko at mamahalin ako. Dadating ka at sana maantay mong kaya ko na ding sabihing mahal na din kita. Dadating ka sa buhay ko sa pagdaan ng mga araw at buwan. Dadating ka sa buhay ko pero may malaking sana sa puso ko. Sana sa panahong mahal na din kita, hindi ka katulad ng buwan na mawawala lang pagdating ng araw. Hindi ka lang sana bibisita. Dadating ka sa buhay ko at sana'y di matututong umalis pa.

**Para sa pag-ibig na darating, para sa tunay na para sa akin, para sa taong laan lamang para sa akin, walang iba.

Wednesday, January 11, 2012

Ang Taken At Taken For Granted


SIYA:
Kami nga. Alam kong kami nga. Hindi ko alam na may iba pa siyang mahal. Akala ko buong puso niya para sa akin. Akala ko nung pumasok kami sa relasyon, ako lang, wala ng iba. Hindi ko alam ang kwento niyo. Hindi ko alam ang kwentong hinahabol ka pala niya. Hindi ko alam na tanga-tanga akong umaasang seryoso siya sa akin. Seryoso naman siya, seryoso siyang hindi ako seryosohin. O pwedeng seryoso naman siya sa pagpapalipas ng oras sa akin. Hindi ko alam na may kahati pala ako, ang masama pa nito, ang kahati ko, hindi naman siya yung naghahabol. Yung taong mahal ko, hinahabol yung babaeng mahal niya, yung mas mahal niya kaysa sa akin. Ang mas masama pa dun, yung hinahabol niya, baka yun naman talaga mahal niya, naaawa lang siya sa aking iwan ako dahil sa pinagsamahan namin. Yung pinagsamahan naming buong oras naman pala, may ibang tao akong kahati. Tatalikuran mo ba ako 'pag babalikan ka niya?

IKAW:
Ikaw naman talaga ang mahal ko. Special ka sa akin, importante ka sa akin. Bakit ba ayaw mong bigyan ako ng pagkakataon? Bakit ba lagi ka na lang lumalayo? Bakit ba mas gusto mo akong makitang miserableng kasama yung taong 'to na alam mong ikaw naman talaga yung laman ng puso ko? Bakit ba mas gugustuhin mong magsinungaling ako sa kanya? Bakit hindi mo na lang ako harapin para hindi ko na siya masaktan? Saluhin mo ako. Sabihin mong babalikan mo ako. Sabihin mo lang, iiwan ko siya para sayo. Sabihin mong ako lang, sabihin mo naman na ako na lang ulit, tayo na lang sana ulit.

AKO:
Di lahat ng taken masaya. Di lahat ng taken, taken lang. Yung iba taken for granted. Katulad mo, taken ka, humahabol ka naman sa akin. Katulad niya, taken siya, di niya alam taken for granted pala. Gusto kong mainlove. Gusto kong maging taken, pero hindi sayo. Hindi sa ganitong klaseng kwento. Lumalayo ako kasi ayoko na. Lumalayo ako kasi tama na yung sakit na bigay mo nun. Lumalayo ako kasi hindi na lang talaga kita mahal katulad ng dati. Wag kang hahabol. Seryosohin mo na lang siya, kasi seryoso ako nung sinabi kong hindi ako natututong bumalik. Tapos na yung kwento natin, yun na yun. Masaya akong dumaan ka sa buhay ko, pero tandaan mo, dumaan ka lang. Pinadaan lang kita, hindi ko na gustong magstop over ka pa.

PUNTO:
Kung yang puso mo hati, kung ikaw mismo hindi sigurado, wag kang papasok sa isang relasyon. Wag mong ikukulong ang sarili mo sa isang relasyon kung alam mong may maidadamay ka sa kalungkutan mo. Paano niya malalaman na mahal mo pa rin siya kung may karelasyon ka naman? Paano ka malilinawan sa feelings mo kung iipitin mo ang sarili mo? Ang gusto ko lang malaman mo, hindi biro ang relasyon. Mas hindi biro ang pag-ibig. Kung may gusto kang patunayan, patunayan mo. Kung sino ang mahal mo, dun ka. Wag kang mandadamay ng ibang tao para lang lumipas ang oras mo. Wag kang hahabol sa ibang tao, kung may kinakasama ka na. Bago ka humabol, siguraduhin mong wala kang tinatakasan.

**Lahat ng shot ng texts dito, sa phone ko galing. Oo na! Ang emo ng nabubuong conversations lalo na 'pag past ang pinag-uusapan.

Monday, January 9, 2012

Ang Wala Ng Sindi


Patawad kung namatay na ang sindi ng kandila ng pag-ibig ko para sayo. Ang pag-ibig ko'y kandilang walang sindi. Siguro dahil nakitang kong sayo ako'y walang silbi. Hindi mo kasi ako inalagaan. Hinayaan mong mahanginan ang sindi ko nung pinili mo'y ibang tao. Hinayaan mong mahipan ako ng hangin nung tanging hiling ko, pansinin mo ako.

Patawad kung akala mo'y mahal pa kita, kung akala mo'y katulad pa ng dati ang lahat. Patawad kung sa pakiramdam mo, kaya mo pa akong saktan katulad noon. Patawad kung yung panahong nawala ka sa tabi ko, nawala na ang init ng pag-ibig ko para sayo. Patawad kung hindi ko na inalagaan ang pag-ibig ko para sayo, hindi mo din naman inalagaan ang nararamdaman ko para sayo. Patawad kung inaakala mong yang mundo mo pa ang gusto kong ilawan.

Pasensya ka na. Nagbabago ang lahat. Lumilipas ang panahon, sumabay dun ang pag-ibig kong dati'y sayo lang. Lumipas na ang nararamdaman ko sayo, pinalipas mo na ang pag-ibig ko. Patawad kung wala ka ng babalikan. Patawad kung sa tingin mo'y malungkot akong wala ka. Pasensya na, masaya ang buhay kong lumipas na ang sindi ng pag-ibig na para sayo.

Wednesday, January 4, 2012

Ang Past Ko Nung Pasko


Sinabi mong mahal mo ako. Humingi ako ng tawad. Sabi mong ayos lang. Sumagot akong magiging maayos ka din, alam kong magiging maayos ka. Humiling ka na maging maayos ka, sinabi kong paglipas ng oras. Sinagot mo ako habang buhay.

Nung panahon na kaya kitang mahalin, kaya mo din akong mahalin, di mo ginawa kasi mas ginusto mong iwan ako. Nung binigay ko buong oras ko sayo, binigyan mo ako ng kakaunti. Nung ipinagsigawan ko sa lahat kung gaano ka kahalaga, ibinulong mo sa hangin na parte ako ng buhay mo. Nung maayos na ako, minahal mo na ako, hindi ko na gusto, hindi na kita gusto sa buhay ko. Maduga diba?

Kung nung panahon na yun, di mo ako iniwan, kung naging matibay ka sa nagsisimulang pag-ibig natin, kung hindi mo ako kinahiya, kung ipinaglaban mo ako, kung pinahalagahan mo ako, hindi sana tayo parte ng past ko. Kung nung panahong handa ako sayo, sa atin, naging handa ka din, kung ipinakilala mo din ako sa mga mahal mo at hindi ikinahiya, kung pinakita mo na kahit di mo ako mahal, gusto mo ako sa buhay mo, edi sana hindi ka nagmamakaawang bumalik ako.

Ang pag-ibig na ibinigay ng walang kapalit, swerte ka kung sayo'y lumapit. Ang pag-ibig na binalewala, natututong lumipad sa himpapawid na may hiling na makalimot. Ang pag-ibig na hindi pinahalagahan, humahanap ng magpapahalaga. Ang pag-ibig, tanga. Ang taong umiibig, natatanga. Pero kahit ang katangahan, nagagamot ng oras, natututo matapos mauto sa isang pag-ibig na maduga.

Pahalagahan mo hanggang nandyan pa, hindi yung hahabol ka 'pag ayaw na niya. Ang mga bagay na nawala na, madalas di na natututong bumalik. Lalo na sa pag-ibig, ang pusong nasaktan na, madalas di mo na muling makukuha. Lalo na ako, hindi ako humahabol, hindi ako bumabalik. Lalakad akong palayong umiiyak, humihiling na sana habulin, sana pahalagahan. Kung hindi mangyari, tuloy-tuloy ako sa byahe hanggang mawala ang lahat ng sakit.

Tuesday, January 3, 2012

Ang Mga Librong Naipon


Sumulat tayo ng kwento natin. Inumpisahan nating nakangiti, minsan kinikilig pa. Ito yung kwentong akala kong di magtatapos. Ito yung kwentong sigaw ng puso ko na wag sanang magtapos. Dalawa nga pala tayong manunulat. Sumusulat ako ng mahabang kwento, nalingap sandali, pagbalik ko, sarado na ang libro. Sinarado mo na ang masayang libro, ang dapat na masayang kwento.

Sinara ko ng mabuti, yung halos ikakandado ko na para lang hindi na matutong bumalik ang kwento natin. Inilagay ko kasama ng mga librong aking naipon. Naluha ako, hindi dahil tapos na ang kwento. Naluha ako dahil ang dami kong magagandang kwento na kinailangang magtapos. Naluha ako dahil paglingon ko sa mesa, madaming librong nakabukas. Bawat isa'y may kwentong nasusulat, sinusulat at patuloy na isusulat.

Minsan nabubulagan tayo sa mga bagay. Minsan may mangyayaring hindi naman dapat para malaman mo na hindi lang yun ang tanging bagay na kayang magpa-inog ng mundo mo. Sana katulad kita. Sana dumaan ka sa pinagdaanan ko. Gumawa ako ng kabaliwan, isang bagay na di ko inasahang gagawin ko, nasaktan ako. Natuto ako. Natapos ang kabaliwan, yun din ang punto na maayos na pala ako ng wala ang kwentong yun. May mga bagay na pinipilit kang maging parte ng buhay mo. Kung gusto mo, subukan mo. Gawin mo siyang parte ng buhay para sa huli matanto mo kung dapat ba talaga siyang maging parte niyan o sadyang maganda na ang mundong ginagalawan mo ng wala siya. Sa akin kasi? Swak ang mundo ko sa mga kwentong natira. Higit pa sila sa magpupuno ng buhay ko.

Monday, January 2, 2012

Tongue In A Lung: Ang Pagpapaubaya

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *

Hindi sa lahat ng pagkakataon, kakayanin mo ang lahat ng ikaw lang. Masarap maging matibay, pero minsan mas masarap ipaubaya ang lahat. Minsan makitid yung utak mo para maintindihan ang nangyayari. Madalas di mo dapat intindihin, mas madalas magandang magpaubaya.

May mga nangyari na hindi ko naintindihan, hindi ko kayang intindihin. May nangyaring alam kong di dapat, di nararapat kailanman para sa akin. May mga bagay na nakasakit sa akin na gusto ko na lang isara ang kamay ko at magbigay ng isang malakas na suntok na tatama kung saan man ay wala akong pakielam. May mga bagay na gusto kong ihagis sa malawak na himpapawid, at magmura ng malakas.

Tiniis ko. Tinanggap ko ng walang tanong. Di ako nagmura, ni hindi ako nagsalita tungkol dun. Umiyak lang ako. Umiyak ako hanggang tumigil na lang. Hanggang sa may sarili Siyang paraan para tumahan ako. Hanggang kinuha niya lahat ng masasakit. Nawala ang mga tanong, hindi ko na kailangan ng sagot. Nakangiti na ako.

Ang mga bagay na di ko maintindihan yung nagbukas ng pinto para maintindihan ko ang iba pang bagay. Matibay pala ako, matibay ako dahil nandyan Siya, sila. Mas gusto ko palang ngumiti, minsan ko lang gugustuhing umiyak kapag di ko na kaya. Akala ko gago lang ako, yun pala mabait akong gago. Mabilis akong magpatawad, mas ginugusto kong makalimot ng malulungkot na bagay. Kinakalimutan ko ang mga kasalanan sa akin, gusto ko lang masaya at malaya.

Ipinaubaya ko ang lahat. Ipinaubaya ko ang puso ko. Ipinaubaya ko ang buhay ko. Ipinaubaya ko ang lahat sa akin. Naging masaya ako higit kailanman. Naging malaya ako higit pa sa nakaraan.

Let go.
Let God.