Tuesday, January 17, 2012

Ang Multo

Kamamatay mo lang. Kamamatay lang ng pag-ibig ko para sayo. Kamamatay lang ng memorya mo sa isip ko. Nakiramay ang lahat, nakiramay ang luha, puso at isip ko. Akala ko nung nandyan ka, mas masakit pero nung nawala ka at nalaman kong masaya akong wala ka, mas mahirap pala. Mahirap pala 'pag naramdaman ng isang taong matagal na siyang maayos kahit nandyan ka o wala ka sa buhay niya. Mas mahirap pala kapag di mo naman na talaga siya mahal, matagal na, na nasanay ka na lang na alam mong mahal mo siya, ideya na lang pala yun, hindi na pakiramdam. Mahirap pala na binitawan kita, e wala naman na akong bibitawang feelings.

Ilang araw lang ang lumipas, ilang linggo lang, nagsisimula ka na naman. Sinisimulan mo na naman akong abutin sa paraang hindi kaya ng iba. Sinisimulan mong magparamdam ng di mo sinasadya. Inaangkin mo ang hangin, kaya bawat paghinga ko naaalala kita. Sumasama ka sa taong nakapaligid sa akin, kaya kada paglingon ko, pinapaalala mo ang sarili mo. Tinutulad mo ang kwento ng iba sa kwento natin, kaya bumabalik ako ng bumabalik sa kwento nating wala naman talagang kwenta.

Nagpaparamdam ka na naman. Minumulto mo na naman ako. Minumulto ako ng nakaraan. Minumulto mo ako't ipinapaalala kung gaano kita minahal, at kung gaano mo ako minahal. Minumulto mo ako't binabalik mo ako sa panahon natin. Nagpaparamdam ka ng paulit-ulit. Takot ako sa multo, seryosong takot ako sa multo, pero pinakakinakatakutan ko ang multo mo. Ang multo mo na pinipilit kong layuan ng paulit-ulit. Palayain mo naman ako. Bitawan mo na ako ng tuluyan.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.