Tuesday, January 3, 2012

Ang Mga Librong Naipon


Sumulat tayo ng kwento natin. Inumpisahan nating nakangiti, minsan kinikilig pa. Ito yung kwentong akala kong di magtatapos. Ito yung kwentong sigaw ng puso ko na wag sanang magtapos. Dalawa nga pala tayong manunulat. Sumusulat ako ng mahabang kwento, nalingap sandali, pagbalik ko, sarado na ang libro. Sinarado mo na ang masayang libro, ang dapat na masayang kwento.

Sinara ko ng mabuti, yung halos ikakandado ko na para lang hindi na matutong bumalik ang kwento natin. Inilagay ko kasama ng mga librong aking naipon. Naluha ako, hindi dahil tapos na ang kwento. Naluha ako dahil ang dami kong magagandang kwento na kinailangang magtapos. Naluha ako dahil paglingon ko sa mesa, madaming librong nakabukas. Bawat isa'y may kwentong nasusulat, sinusulat at patuloy na isusulat.

Minsan nabubulagan tayo sa mga bagay. Minsan may mangyayaring hindi naman dapat para malaman mo na hindi lang yun ang tanging bagay na kayang magpa-inog ng mundo mo. Sana katulad kita. Sana dumaan ka sa pinagdaanan ko. Gumawa ako ng kabaliwan, isang bagay na di ko inasahang gagawin ko, nasaktan ako. Natuto ako. Natapos ang kabaliwan, yun din ang punto na maayos na pala ako ng wala ang kwentong yun. May mga bagay na pinipilit kang maging parte ng buhay mo. Kung gusto mo, subukan mo. Gawin mo siyang parte ng buhay para sa huli matanto mo kung dapat ba talaga siyang maging parte niyan o sadyang maganda na ang mundong ginagalawan mo ng wala siya. Sa akin kasi? Swak ang mundo ko sa mga kwentong natira. Higit pa sila sa magpupuno ng buhay ko.

2 comments:

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.