Monday, December 31, 2012

Ang Mahalaga Sa 2012

2012,

Salamat sa labing dalawang buwan, madaming mga araw at segundo. Salamat din sa mas madaming pagsubok.

Hindi ka naging madali pero hindi ko kayang umangal lalo na sa taong 'to, katulad ng mga nakaraan pang mga taon sa buhay ko, mas madaming milagro at blessings and binagyo sa akin ng Panginoon.

Muntik na akong di grumaduate, pero saktong RICO 2012 ako. Muntik na akong tumagilig sa 1st sem ng Medicine, pero all passed ako. Muntik ng gumuho ang mundo ko sa board exam na kinuha ko ng walang review pero pumasa ako.


Akala ko dapat ko ng talikuran ang Medisina pero binigyan mo ako ng mga taong hahatak sa akin. Akala ko ano nga ba ang tunay na kaibigan pero ipinaalala mo ang madaming tao sa akin.

Akala ko salot ang kulot pero binigay mo siya na nakasama ko kahit saan, kahit kailan, na hindi pala nakakasawa ang mukha niya sa gilid ko. CRISELDA.

Akala ko mahina ako, pero ibinigay mo siya sa akin para ipaalala kung gaano katibay ang isang tao kapag sa  Panginoon kumapit. JAIRAH

Akala ko maingay at mataba lang siya pero pinapatalbog niya ako sa kasiyahan. MARION.

Akala ko matalino lang siya at payat dahil laging puyat pero bitch pala siya na kayang talunin kahit si Goliath maipagtanggol lang ako. JULIA.

Akala ko ako na lang, pero may nakakapitan ako, may humahatak sa luha ko kapag pabagsak na. CHAAR. at MGA TOTOONG KAIBIGAN.

Akala ko di nila ako kayang suportahan, pero tinanggap ng pamilya ko ang mabababang grades ko at nagtiwalang kakayanin ko ang lahat. Tinanggap nila ang katamaran ko pero pinupursige ako para maging isang matagumpay na doctor. PAMILYA.

Mahirap kang harapin pero walang hindi kakayanin. Gumapang ako pero di ako kailanman mag-isa. Paalam na sayo pero kailanman hindi mamamaalam ang mga taong 'to at ang Diyos ko, yun ang alam ko.

♥Opmaco

Ang Pamamaalam: 2012


Muntik ng tumigil ang ikot ng mundo. Muntik ng huminto ang buhay na magulo. Muntik ng di sumikat ang araw na lalong nagpapainit sa ulo ng tao. Muntik ng di lumabas ang buwan. Muntik na. Muntik lang. Muntik lang para sa ating lahat na sasalubong sa bagong taon.
Kung akala mong malas ka, kung akala mong sira ang taon mo, kung akala mong di sayo ang 2012, isipin mo na lang na buhay ka. Muntik kang nawala pero di ka naglaho. Muntik kang bumigay pero di ka bumitaw. Muntik kang madurog pero ayan ka, buong buo. Swerte natin na may bagong taon tayong ngingitian. Yung iba natuluyan, ikaw? Swerte mong may bagong taon na pwede mong gawing para sayo.
Sa iyo na walang ginawa kundi magkasala, sayo lahat na iginapang ang 2012 para piliting maging masaya, sayo na umiyak buong taon dahil sa kamalasan, sayo na muntikan ng mamaalam, ngitian natin ang 2012. Mamaalam ng masaya at nalagpasan natin ang lahat. Ngumiti sa panibagong taong hahamon sa ating kakayanan, idasal sa Diyos ang lahat para maging matagumpay at masagana sa mga bagong pagsubok sa darating na taon.
Para sa huling araw ng taon, para sa huling oras, minuto at segundo ng taon, ngumiti ka. Karapatdapat lang na maging masaya ka. Ngumiti ka para sa lahat ng iniyak mo. Ngumiti ka para sa lahat ng pagsubok. Ngumiti ka para sa lahat ng problemang ibinato sayo. Ngumiti ka kasi tapos na. Ngumiti ka kasi naging matibay ka.
Paalam 2012. Handa na ako para sayo 2013.