Muntik ng tumigil ang ikot ng mundo. Muntik ng huminto ang buhay na magulo. Muntik ng di sumikat ang araw na lalong nagpapainit sa ulo ng tao. Muntik ng di lumabas ang buwan. Muntik na. Muntik lang. Muntik lang para sa ating lahat na sasalubong sa bagong taon.
Kung akala mong malas ka, kung akala mong sira ang taon mo, kung akala mong di sayo ang 2012, isipin mo na lang na buhay ka. Muntik kang nawala pero di ka naglaho. Muntik kang bumigay pero di ka bumitaw. Muntik kang madurog pero ayan ka, buong buo. Swerte natin na may bagong taon tayong ngingitian. Yung iba natuluyan, ikaw? Swerte mong may bagong taon na pwede mong gawing para sayo.
Sa iyo na walang ginawa kundi magkasala, sayo lahat na iginapang ang 2012 para piliting maging masaya, sayo na umiyak buong taon dahil sa kamalasan, sayo na muntikan ng mamaalam, ngitian natin ang 2012. Mamaalam ng masaya at nalagpasan natin ang lahat. Ngumiti sa panibagong taong hahamon sa ating kakayanan, idasal sa Diyos ang lahat para maging matagumpay at masagana sa mga bagong pagsubok sa darating na taon.
Para sa huling araw ng taon, para sa huling oras, minuto at segundo ng taon, ngumiti ka. Karapatdapat lang na maging masaya ka. Ngumiti ka para sa lahat ng iniyak mo. Ngumiti ka para sa lahat ng pagsubok. Ngumiti ka para sa lahat ng problemang ibinato sayo. Ngumiti ka kasi tapos na. Ngumiti ka kasi naging matibay ka.
Paalam 2012. Handa na ako para sayo 2013.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.