FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Wednesday, January 9, 2013
Ang Mga Boxingero Ng Pag-ibig
Lahat tayo boxingero sa larangan ng pag-ibig. Lahat lalaban para lang sa pagmamahalan nila. Lahat pumupusta kahit di nila alam kung uuwi silang masaya dahil nanalo sila sa pag-ibig, o luhaan dahil kahit buong puso na ang ipinusta nila, di pa din pala kayang ibalik. Lahat ibinibigay ang lahat kahit di nila alam kung hanggang kailan yung pag-ibig na yan. Lalaban ka sa isang laban na dala ang buong puso mo, na hinanda mo para lang sa taong nangakong aalagaan yan.
Isa akong boxingero na may kasama sa ring na isa pang boxingero. Ang saya-saya naming pinaglalaban yung pag-ibig na natagpuan namin sa isa't isa. Bawat suntok, tawa. Bawat suntok, halik. Patuloy naming nilalaban 'to, hanggang umabot sa ngayon. Ba't parang ako na lang ang lumalaban? Ba't parang mag-isa na lang akong lumalaban sa pag-ibig na nasimulan natin? Bat sinabi mo pang habambuhay ang laban na 'to, kung ilang rounds ka lang pala matibay? Tandaan mo, sa boxing ng pag-ibig, hindi pwedeng isa lang ang lumalaban. Hindi pwedeng ako lang kasi sa huli, kahit anong sakit ng kamao ko, ilalaban kita, ilalaban ko ang tayo. E ikaw ba?
Kung gusto mo talaga ako sa buhay mo, kung mahal mo talaga ako, ba't tinutulak mo ako sa mga tao sa nakalipas? Ba't di mo ako ilaban sa mga yun? Ba't di mo ako angkinin kung kailan nagpapaangkin ako ng buo? Gusto kitang ilaban ng ilaban pero mas gusto kong maging masaya ka, kahit kapalit nun yung madurog ang puso ko. Masayang masaya ako sayo, pero mas gusto ko siguro masayang masaya ka kahit ano pa mang paraan ka sasaya. Sabihin mo lang kung handa ka na uling ibigay ng buo ang puso at tiwala mo, kaya naman kitang ipaglaban hanggang sa huling round ng buhay ko.
Ang Mga Tinuro
Ang aga naman ng klase. Ang aga ko naman kailangang matuto. Simula pa lang ng taon, pero umabot hanggang puso ang mga natutunan ko.
Natuto akong mas maging malakas at matatag. Natuto akong magmahal ng walang hinihinging kapalit. Natuto akong bitawan ang kasiyahan ko, mapasaya ka lang, kahit ibig sabihin nun mawasak ang puso ko mapalaya ka lang. Natuto akong magmahal ng totoo.
Ang sarap sarap ma-inlove. Ang sarap sarap na mahal ka din ng taong mahal mo. Ang sarap sarap kung ipinaglalaban ninyo yung pag-ibig ninyo. Pero di pwedeng laging masarap lang, kasi minsan bibitawana ka nung taong pinakamamahal mo at hindi kailanman magiging masarap sa pakiramdam yun.
Ano'ng importante? Hindi kung gaano katagal ang relasyon. Hindi kung gaano kadami ang binigay niyo. Hindi ang madami pang bagay. Ang importante, kung yung pag-ibig ninyo, totoo. Sadyang, di ka na lang naipaglaban.
Monday, January 7, 2013
Ang Bag
Ang tagal na panahon kong inihanda ang sarili ko na maitindang muli. Andami na kasing nag may-ari sa akin, kaya medyo bulok na ako kung tutuusin. Inaantay ko yung taong kayang matuwa sa dumi ko, kayang tanggapin ang kabulukan ng luma kong puso. Dumating ka sa tamang panahon, sa tamang pagkakataon. Dumating kang nakangiti sa tindahan. Ako agad ang iyong tinignan. Ang ganda ng ngiti mo. Ang ganda ng mga mata mo. Ang haba ng pilikmata mo. Hinawakan mo ako na tila ba hindi mo na ako papakawalan, sabay bulong "Mahal kita." Ang sarap sa pakiramdam na kahit gaano na ako kasira, kapalpak, may taong dumating na tinanggap ako ng buong buo, ikaw yun. Binili mo ako. Inalis mo ako sa tindahan ng nakalipas.
Lagi mo akong ginagamit. Lagi kang nakangiti habang hawak ako. Lagi kang nakayakap ng mahigpit na ayaw mo ng kaagaw sa akin. Masaya ako na madalas mo akong niyayakap, pero mas masaya akong lagi mo akong hinahalikan maging sa aking kakulangan.
May humawak lang na iba sa akin, binitawan mo na ako. Ibinaba mo ako at isinabit. Binuksan ng pagkalaki-laki. Isinigaw kong mahal kita. Hindi ako nahihiya kanino pa man sa kung anong meron ka. Akala ko papakinggan mo ako, pero unti-unti kang tumayo at iniwan akong nag-iisa.
Sa tingin mo ba, sinadya kitang saktan? Sa tingin mo ba, gagawa ako ng bagay na mawawala yung tanging tao na gusto ko pang habambuhay? :'( Akala ko tanggap mo ang kapalpakan ko. Akala ko tanggap mo ang kadumihan ko. Akala ko tanggap mo ang masalimuot kong nakaraan. Pero kahit anong kapit ang gusto kong gawin sa mga palad mo, ikaw mismo ang naglalakad papalayo sa yakap ng haplos ko.
Sunday, January 6, 2013
Ang Sukli
Bumili ako sa tindahan mo. Ang totoo, di naman ako naeengganyo sa mga paninda mo. Sayo ako interisado. Ikaw yung dahilan kung bakit pabalik-balik ako. Sa ngiti mong lumalabas ang sungki, naging suki mo ako. Ang sarap mong titigan. Yung kilay mong manipis na laging nakaayos, yung nunal mo kanan mong pisngi, yung amoy ng buhok mong maikli, yung labi mong halos kasing nipis ng kilay mo, yung mukha mong maliit, yung mga madami pang dahilan kung bakit kita pilit na sinisipat.
Lagi akong bumibili. Di ako naghahanap ng sukli. Lagi kong inaalay sayo ang pag-ibig ko, na hindi naghahangad ng kapalit. Sinubukan kong sabihing "Mahal kita." Di mo ako pinansin. Di ako nagsasawang bumili sayo, mapansin mo lang ako pero ito na nga siguro yung panahon na ayokong harapin.
Bilang suki mo, hindi ako naghangad na suklian mo ang pag-ibig na alay ko. Bilang suki mo, hindi ako humingi ng limos para mapansin mo. Bilang suki mo, patuloy lang akong umaasa kahit na malabo pa sa tubig sa Ilog Pasig ang pag-asang yun.
Ayokong bitawan ang huli kong pera sa tindahan mo, baka hindi na muli kita makita. Ayokong ibigay ang huli kong mga barya, baka kasi wala na akong dahilan pang muli para mahawakan ang mga kamay mo kahit sa sandaling iaabot ko lang ang mga ito. AYOKO PERO SIGURO WALA NA AKONG CHOICE.
Hindi naman dahil gipit na ako. Hindi din dahil walang wala na ako. Siguro kasi kahit naman buong puso ko ang iabot ko sayo, yung sukling pag-ibig na matagal kong hinahangad, pilit mo pa ding ipinagdadamot.
Subscribe to:
Posts (Atom)