FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Sunday, January 6, 2013
Ang Sukli
Bumili ako sa tindahan mo. Ang totoo, di naman ako naeengganyo sa mga paninda mo. Sayo ako interisado. Ikaw yung dahilan kung bakit pabalik-balik ako. Sa ngiti mong lumalabas ang sungki, naging suki mo ako. Ang sarap mong titigan. Yung kilay mong manipis na laging nakaayos, yung nunal mo kanan mong pisngi, yung amoy ng buhok mong maikli, yung labi mong halos kasing nipis ng kilay mo, yung mukha mong maliit, yung mga madami pang dahilan kung bakit kita pilit na sinisipat.
Lagi akong bumibili. Di ako naghahanap ng sukli. Lagi kong inaalay sayo ang pag-ibig ko, na hindi naghahangad ng kapalit. Sinubukan kong sabihing "Mahal kita." Di mo ako pinansin. Di ako nagsasawang bumili sayo, mapansin mo lang ako pero ito na nga siguro yung panahon na ayokong harapin.
Bilang suki mo, hindi ako naghangad na suklian mo ang pag-ibig na alay ko. Bilang suki mo, hindi ako humingi ng limos para mapansin mo. Bilang suki mo, patuloy lang akong umaasa kahit na malabo pa sa tubig sa Ilog Pasig ang pag-asang yun.
Ayokong bitawan ang huli kong pera sa tindahan mo, baka hindi na muli kita makita. Ayokong ibigay ang huli kong mga barya, baka kasi wala na akong dahilan pang muli para mahawakan ang mga kamay mo kahit sa sandaling iaabot ko lang ang mga ito. AYOKO PERO SIGURO WALA NA AKONG CHOICE.
Hindi naman dahil gipit na ako. Hindi din dahil walang wala na ako. Siguro kasi kahit naman buong puso ko ang iabot ko sayo, yung sukling pag-ibig na matagal kong hinahangad, pilit mo pa ding ipinagdadamot.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.