Thursday, February 28, 2013

Ang Astronaut

Ito ang malaking espasyong namamagitan sa atin ngayon, na dati'y wala naman.  Ito yung mundong binuo natin, at ito din yung mundo na eksaktong sinusubukan mong kumawala ng paulit-ulit. Ito yung lugar na ang umaga ko'y nagsisimula sayo, pero ito din yung lugar na paulit-ulit mong pinapalipas ang oras para unahin ang madaming bagay bago mo ako maalala. Ito ang may gabing laging gusto kong tinatapos na kausap ka, pero ito din yung mga gabing kinakausap mo lang ako at biglang maglalaho para gumawa ng madami pang bagay. 

Ito ako ngayon papalayo sa mundong binuo natin. Ito ako ngayon lumalayo sa mundong pinipilit mong bitawan. Siguro ako na lang, ako na lang yung lalayo para makabawas sa sakit na pwede kong maramdaman, para hanggang sa huli, iisipin ko na lang na ako ang sumira ng mundong binuo natin, na hanggang huli hindi mo ako iniwan, kahit na sa buong byahe nating magkasama, iniiwan mo ako ng iniiwan. Ako na lang ang babyahe palayo sa magandang mundo na kasama ka, kaysa makita ko ng paulit ulit kung gaano ka kasayang unahin ang mundong gusto mong buohin na walang ako.

Sa byahe kong 'to, mapupunta ako sa espasyo ng kawalan. Mapupunta ako sa himpapawid ng kalungkutan. Sana makahanap ako ng isang pagsabog sa kalawakan at makakita ng katulad mo pero sana yung pipiliin ako, at ako lang, yung di bubuo ng madami pang planeta kasi sapat na ako sa umaga, gabi at buong araw niya.
-Astronaut.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.