Saturday, August 18, 2018

Ang Sana Alam Mo Yun.


Kinulang ba talaga ako sa pagsabi sayo na gusto kita? O baka di ko talaga nasabi sayo kahit kailan? Pero alam ko ginagawa mo kasing biro yung lahat, di mo rin naman eksaktong sinabi na gusto mo ako noon kaya di na din ako nagsalita. Kaya hinayaan lang kita. Ilang buwan na din yun. Ilang buwan na pero parang nung isang buwan lang. 

Hindi ko alam yung eksaktong meron sayo. Hindi ko rin alam kung anong nakita ko sayo pero tumatak ka. Hindi ka man tumatak nung mga nakaraang taon. Hindi ko man alam na may isang katulad mo sa maliit nating mundo, pero simula nung tinanong kita noon, alam kong magiging importante ka sa akin. Importante ka pa rin. Importante ka na lagi. Sana alam mo yun.

Hindi man maayos 'tong mundo na 'to at baka malamang nadala tayo sa iwasan, sa hindi pagpansinan, o baka dahil yung buhay natin di na lang umeksakto, pwede din nagkahiyaan, pwede din naman may mga bagay at tao kasing mas mahalaga kaysa sa tugmaan nating dalawa, pero napasaya mo ako. Sana alam mo yun.

Gusto kita. Gusto kita noon. Gusto pa rin kita ngayon. Sana alam mo yun (kahit malamang hindi)

May mga bagay na kaya kong ipaalam, meron din sigurong hindi pero gusto ko lang malaman mo, nandito ka pa rin. Nandito lang. Nandito lagi. At nandito lang ako para sayo at sa lahat ng 'to, gusto kitang hindi ma-miss, pero lagi kitang namimiss. Sana alam mo yun pero di na katulad ng dati, di ko na mapaalam.


PS. Mishu pero okay na ako sa ganito. Okay na ako sa oras at panahon. Okay na ako sa distansya. Naging okay na ako.


Sunday, August 12, 2018

Ang Gustong Mapili




Siya:
Ang tagal naman ng laro namin. Dapat pangdalawahan pero hinayaan kong may makalaro siyang iba. Gago ko lang na sa laro namin, ipinusta ko pati yung puso ko. Di ko naman sinabi na pinaglalaruan niya ako kasi malinaw sa akin na laro yun pero malinaw naman sa kanya na di lang yun laro para sa akin, na kahit anong oras kayang kaya ko siyang seryosohin. Gago ba ako? Gago ba ako para umasa na titigil din yang laro niya at sa dulo seseryosohin niya ako? 

Masaya ako sa kanya pero limitado lang kami. Kaya ko siyang hawakan, yakapin, halikan pero palihim. Sinasabi niya rin naman na mahal niya ako, importante ako, gusto niya ako pero patago. Ang hirap lang na nasasaktan ako pero sa parehong pagkakataon, di ko gustong mawala siya kasi malinaw sa akin na sa lahat ng 'to, siya yung gusto ko at mahal ko. Pipiliin ko siya kahit anong oras. Sana ako rin, isang araw dumating, mapili niya, sa wakas. 


Ako:
Di ka naman pangit. Mabait ka rin naman. Okay ka naman pero bakit kailangang makuntento ka dyan sa laro? Buong buo mong binibigay yung lahat sa isang tao habang siya, ano? Kalahati? Wala pa sa kalahati? Kung umaasa ka na matatapos ang laro at siguro seseryosohin ka rin niya, di naman masama pero sa pag-ibig mo sa kanya, siguraduhin mong may iiwanan ka pa rin sa sarili mo. Di mo kailangang makuntento sa kaya niyang ibigay dahil maniwala ka, may tao dyang kayang ibigay ang buong buo niya para sayo. Ikaw lang e, gustong gusto mong mapili ng isang tao na alam mong umpisa pa lang, di ka na mapipili. Sa kada sasambitin niyang mahal ka nya, gusto ka nya o importante ka sa kanya, naisip niya bang winawasak ka niya? Na baka masaya ka sa puntong yun, pero hanggang saan? Hanggang kailan? Hanggang kailan mo kayang ipaglaban yung isang taong patago yang nararamdaman para sayo? Yun ba yung pag-ibig, tinatago? Yun ba yung gusto ka, yung tipong palihim? Yun ba yung mamahalin mo ng buo, yung ni hindi ka kayang panindigan?

Minsan, gago lang talaga yung pag-ibig pero madalas gago yung mga taong umiibig. Di kita masisisi pero sana totoong masaya ka, sana totoong kaya mong sumaya sa kakaunti, sa kalahati, sa bahagi, sa kulang, sa di buo. 

PS. C, wag mong kalimutang mahalin din yang sarili mo.

Saturday, August 11, 2018

Ang Umamin At Hindi Na Muling Aamin

Ang hindi na muling aamin:
Aminin mo na.

Ang umamin:
Nagawa mo na ba yang inaadvise mo?

Ang hindi na muling aamin:

Umamin? Once lang ako umamin, 2011 yun. Ako niligawan eventually, bezt. Naging kami nung 2014. 

Ang umamin:
Miss universe!

Ang hindi na muling aamin:
Hahaha! Deserve ko naman ligawan noh.

***Makalipas ang ilang minuto***

Ang umamin:
Nasabi ko na pero may dinidate na daw sya. Mag-one month na and gusto na din niya pero we can be friends daw.

Ang hindi na muling aamin:
At least naging honest ka. Abangers ka na lang. Actually yan nangyari samin nung ex ko. Kapag may jowa siya, single ako. Kapag single siya, may jowa ako. Kaya naging matagal bago naging kami.

Ang umamin:
Ang sakit pala. My first heartbreak. Naiiyak ako. Akala ko kasi single siya, walang ka-date ganyan.

Ang hindi na muling aamin:
Pero nirisk mo umamin

Ang umamin:
I just felt that I need to say it.

Ang hindi na muling aamin:
Buti ka nga, nasabi mo. Ako, di na ako umamin ulit kahit kanino after nung sa isang beses na yun. Baka din di meant to be or di pa tamang time para sa inyo.

Ang umamin:
Sana

Ang hindi na muling aamin:
Pero proud nga ako sayo kasi na-express mo yung sarili mo. Sabi ko kasi dati sa sarili ko never na ulit ako aamin.

Ang umamin:
Excellent ba para sa first timer? Hehe

Ang hindi na muling aamin:
Oo! Tangina, desidido ka agad e. Ako, hindi ko na maibigay agad. Siguro yan yung advantage mo kasi ready ka pa mag-risk talaga. Sakin kasi, dahil siguro naka-ilan na din ako, kaya careful na ako.

Ang umamin:
Mapili ako pero sure ako kapag sinabi kong gusto ko.

Ang hindi na muling aamin:
Malakas loob mo, bezt. Ako, hindi. Mas gugustuhin kong di umamin. Mas gusto kong mukhang di ko gusto para kung iwan ako, mas magiging madali.

***Kinabukasan***

Ang umamin:
Akala ko okay na ako, pag-gising ko, chinat ko siya. Ayun, ang sakit ulit.

Ang hindi na muling aamin:
Okay lang yan! Isipin mo ha, tinanggihan ka pero nandyan ka pa rin. Tangina, solid. Ako, di ko kaya yan.

Ang umamin:
Wala e. First time ma-inlove. First time din ma-heart broken.


Hindi ko makita kahit kailan na mali ang umamin - "Gusto kita", "Mahal kita" Kung malakas ang loob mo, bakit di mo aminin? Wala naman mawawala. Pero di ako impokrita kasi isang beses ko lang ginawa yun at di ko na uulitin kahit kanino. Matapos ang iilang relasyon, matapos akong maiwan ng ilang beses, matapos akong maloko ng ilang pang mga beses, mas pinipili kong piliin ako bago ko piliin yung isang tao. Mas pinipili kong gustuhin muna ako sa buhay niya bago ko aamining gusto ko rin siya sa buhay ko. Pinipili ko lang yung sarili ko dahil alam ko kung paano ako kapag nagmahal. Madalas tanga. Minsan nagpapakagago kahit niloloko na. May pagkakataong inaabuso. Kaya ko din siguro natutunan 'to pero walang mali sa pag-amin.

Kakaiba yung pag-ibig na di humihingi ng kapalit. Totoo. Sinsero. Walang bahid ng kahit anong kamalian. Nakakatuwang isipin na makatagpo ka ng isang tao na kaya mong sabihing "Mahal kita" kahit na yung sagot ay katahimikan. Para bang sinasabi mo na mahal mo sya ng walang kahit anong kundisyon, hindi nag-aabang ng "Mahal din kita" Yung pag-ibig na ibinibigay mo ng malaya at sa parehong paraan pinapalaya mo siya. Yung pag-ibig na nagbibigay at hindi kumukuha. Yung pag-ibig na kusa at hindi pinipilit. Yung pag-ibig na gusto mo lang maramdaman at malaman niya kahit di mo alam yung eksaktong lugar mo sa buhay nya. Solid. 

Pero sana kapag nakakuha ka ng "gusto rin kita" o "mahal din kita", aalalahanin mo buong buhay mo yung eksaktong panahon na ikaw ang pumili sa kanya at sa parehong paraan ay pinipili ka niya, para di ka gago na manloloko sa dulo.


PS. Wala akong naging ka-relasyon na di ako niloko kaya ganito ako mag-isip. Kaya di na ako aamin ulit.



Friday, August 10, 2018

Ang Natapos At Hindi Pa Natapos

Nakakausap kita...
Nakakasama kita...
Nagkakatext pa kung minsan...
...dati

Minsan binabati kita. Kung minsan naman di ko napipigil na sabihin sayo noon na namiss kita. Sinubukan ko para siguro di gaano mapansin yung ayoko ring pansinin na pagkagusto ko sayo. Wala naman yata kasing gustong magmukhang desperada. Walang may gustong mag-assume lalo kung mas malabo pa yata yung pinapakita at sinasabi mo sa ilog Pasig. Hindi rin siguro naging okay sa akin yung di ko alam kung paano tayo sa mga susunod na araw - tipong ngayon okay ka, sweet, bukas wala lang, sa susunod na araw, di ko alam. Isa kang walang kasiguraduhan, pati yung pinakita mo noon, pero sa mga di siguradong mga yun, matapos ang mahabang paglayo ng puso ko sa ibang tao, naging sigurado ulit ako - sa iyo pa.

Ang labo. Siguro urong sulong pero parang mas madalas kang umurong sa kung anong lagay natin noon. Kahit anong gusto kong samahan ka sa mga susunod na kinabukasan natin dati, tila ba nakakatakot ding hayaan ko yung sarili kong ipusta yung puso ko sa isang taong ni hindi ko alam kung kaya bang pumusta sa akin. Biglang nawala. Siguro may mga konting oras na hinayaan ko yung sarili kong sabihing namiss kita. Paminsan pa nagtatanong ako "Anong problema?" Minsan gusto lang kitang makausap o makita, pwede na rin kahit makatext man lang. Madalas hahayaan ko yung sarili ko na piliin ka.

Hanggang sa mas pinili kong wag na lang. Napagod siguro ako. Yung para akong patagong naghahabol sa isang taong patagong tumatakbo palayo. Siguro sa tanong ko na "Anong problema?" wala ka naman maisagot talaga kaya di na din lang ako nagtanong ulit. Baka dahil sa kada papansinin kita, tumitingin ka rin naman palayo. Ayun, napagod. Tinapos ko na din yung ideya ng ikaw at ako. Tanggap ko na wala na. 

Natapos.
Natapos na yung pagtagong pagtangis ng puso ko sayo. Natapos na yung marurupok kong pagkakataon para lang makausap ka. Natapos na yung hinahayaan ko yung sarili kong tanungin ka pa. Natapos na yung pagbati ko sayo. Natapos na.

Natapos man ang para kong paghahabol sayo, hindi pa rin naman natapos yung pagkagusto ko sayo.

Gusto pa rin kita, malamang. Siguro kasi ayoko ng maging sigurado 'pagdating sayo. Gusto pa rin kita sa buhay ko pero hindi na siguro ako kailangan magtanong pa, magpilit pa, magpapansin pa kung talagang gusto mo ring manatili sa buhay ko.

Hindi na ako magtatanong pa ng "Anong nangyari?" Hindi ko na rin hahayaang mag-isip pa sa mga dinaan mong biro. Hindi ko kailangang pansinin ka pa. Hindi ko kailangang maunang kumausap sayo. Hindi na.

Hindi ko na kasi gustong kayanin. Hindi ko na gustong magtanong. Hindi ko na gustong maghabol ng patago, kahit na ikaw yung gustong gusto ko. Ayoko ng maging sigurado sa pagkagusto ko sayo.



PS. Dahil iba pa rin talaga ang consistent. Iba pa rin yung nakalatag yung feelings ninyo - pinapakita at sinasabi. Dahil di natin deserve ang malabong usapan.

Wednesday, August 8, 2018

Ang Sana Sinabi

Sana sinabi ko.
Sana sinabi kong gusto kita, baka kasi kinulang yung mga pinakita ko.
Sana sinabi kong importante ka sakin, baka kasi hindi mo pala nalaman noon.
Sana sinabi ko kung gaano ako kasaya na nandyan ka, baka kasi akala mo ayaw kita sa buhay ko.
Sana sinabi kong basta sayo lagi akong may oras, baka kasi inakala mong di kita kayang bigyan ng panahon.
Sana sinabi ko na kahit gaano ako katoxic, makita lang kita nawawala lahat ng pagod ko.
Sana sinabi ko na paborito kong yakapin ka.
Sana sinabi ko na mas inaabangan kita kaysa sa pagkain na dala mo.
Sana sinabi ko baka andyan ka pa.

Sana sinabi mo.
Sana sinabi mo na importante ako sayo, nalito kasi ako kung ano ako sayo.
Sana sinabi mo na totoong gusto mo ako, hindi puro joke.
Sana sinabi mong antayin kita, baka sakaling hanggang ngayon kaya kong panindigan ang pag-aantay sayo.
Sana sinabi mo na kaya mo akong bigyan ng panahon.
Sana sinabi mo na di mo ako iiwan pero iniwan mo nga pala ako, sa ere na akala ko magiging masaya tayo.
Sana sinabi mo na di ako mag-iisa pero bigla mo lang akong kinalimutan.
Sana sinabi mo kung merong iba, di naman ako mamimilit.
Sana sinabi mo kung anong mali para di naging mailap ‘tong tadhana natin.
Sana sinabi mo baka andyan pa ako.

Sana sinabi ko na...
Sana sinabi mo na...
Sana sinabi ko pero hindi ko nagawa.
Sana sinabi mo pero hindi mo nagawa.
Sana sinabi natin; gaano kaya tayo kasaya ngayon sa isa’t isa?



PS. Dahil di ako makaget-over sa pinanood namin ng pinsan ko na movie na “Carol” kahapon ng madaling araw. Lalo yung parte na nagsisi sya at sana sinabi nya na lang na antayin sya, kaysa lumayo sya. Huhu. Solidddd.