Sunday, August 12, 2018

Ang Gustong Mapili




Siya:
Ang tagal naman ng laro namin. Dapat pangdalawahan pero hinayaan kong may makalaro siyang iba. Gago ko lang na sa laro namin, ipinusta ko pati yung puso ko. Di ko naman sinabi na pinaglalaruan niya ako kasi malinaw sa akin na laro yun pero malinaw naman sa kanya na di lang yun laro para sa akin, na kahit anong oras kayang kaya ko siyang seryosohin. Gago ba ako? Gago ba ako para umasa na titigil din yang laro niya at sa dulo seseryosohin niya ako? 

Masaya ako sa kanya pero limitado lang kami. Kaya ko siyang hawakan, yakapin, halikan pero palihim. Sinasabi niya rin naman na mahal niya ako, importante ako, gusto niya ako pero patago. Ang hirap lang na nasasaktan ako pero sa parehong pagkakataon, di ko gustong mawala siya kasi malinaw sa akin na sa lahat ng 'to, siya yung gusto ko at mahal ko. Pipiliin ko siya kahit anong oras. Sana ako rin, isang araw dumating, mapili niya, sa wakas. 


Ako:
Di ka naman pangit. Mabait ka rin naman. Okay ka naman pero bakit kailangang makuntento ka dyan sa laro? Buong buo mong binibigay yung lahat sa isang tao habang siya, ano? Kalahati? Wala pa sa kalahati? Kung umaasa ka na matatapos ang laro at siguro seseryosohin ka rin niya, di naman masama pero sa pag-ibig mo sa kanya, siguraduhin mong may iiwanan ka pa rin sa sarili mo. Di mo kailangang makuntento sa kaya niyang ibigay dahil maniwala ka, may tao dyang kayang ibigay ang buong buo niya para sayo. Ikaw lang e, gustong gusto mong mapili ng isang tao na alam mong umpisa pa lang, di ka na mapipili. Sa kada sasambitin niyang mahal ka nya, gusto ka nya o importante ka sa kanya, naisip niya bang winawasak ka niya? Na baka masaya ka sa puntong yun, pero hanggang saan? Hanggang kailan? Hanggang kailan mo kayang ipaglaban yung isang taong patago yang nararamdaman para sayo? Yun ba yung pag-ibig, tinatago? Yun ba yung gusto ka, yung tipong palihim? Yun ba yung mamahalin mo ng buo, yung ni hindi ka kayang panindigan?

Minsan, gago lang talaga yung pag-ibig pero madalas gago yung mga taong umiibig. Di kita masisisi pero sana totoong masaya ka, sana totoong kaya mong sumaya sa kakaunti, sa kalahati, sa bahagi, sa kulang, sa di buo. 

PS. C, wag mong kalimutang mahalin din yang sarili mo.

1 comment:

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.