Nakakausap kita...
Nakakasama kita...
Nagkakatext pa kung minsan...
...dati
Minsan binabati kita. Kung minsan naman di ko napipigil na sabihin sayo noon na namiss kita. Sinubukan ko para siguro di gaano mapansin yung ayoko ring pansinin na pagkagusto ko sayo. Wala naman yata kasing gustong magmukhang desperada. Walang may gustong mag-assume lalo kung mas malabo pa yata yung pinapakita at sinasabi mo sa ilog Pasig. Hindi rin siguro naging okay sa akin yung di ko alam kung paano tayo sa mga susunod na araw - tipong ngayon okay ka, sweet, bukas wala lang, sa susunod na araw, di ko alam. Isa kang walang kasiguraduhan, pati yung pinakita mo noon, pero sa mga di siguradong mga yun, matapos ang mahabang paglayo ng puso ko sa ibang tao, naging sigurado ulit ako - sa iyo pa.
Ang labo. Siguro urong sulong pero parang mas madalas kang umurong sa kung anong lagay natin noon. Kahit anong gusto kong samahan ka sa mga susunod na kinabukasan natin dati, tila ba nakakatakot ding hayaan ko yung sarili kong ipusta yung puso ko sa isang taong ni hindi ko alam kung kaya bang pumusta sa akin. Biglang nawala. Siguro may mga konting oras na hinayaan ko yung sarili kong sabihing namiss kita. Paminsan pa nagtatanong ako "Anong problema?" Minsan gusto lang kitang makausap o makita, pwede na rin kahit makatext man lang. Madalas hahayaan ko yung sarili ko na piliin ka.
Hanggang sa mas pinili kong wag na lang. Napagod siguro ako. Yung para akong patagong naghahabol sa isang taong patagong tumatakbo palayo. Siguro sa tanong ko na "Anong problema?" wala ka naman maisagot talaga kaya di na din lang ako nagtanong ulit. Baka dahil sa kada papansinin kita, tumitingin ka rin naman palayo. Ayun, napagod. Tinapos ko na din yung ideya ng ikaw at ako. Tanggap ko na wala na.
Natapos.
Natapos na yung pagtagong pagtangis ng puso ko sayo. Natapos na yung marurupok kong pagkakataon para lang makausap ka. Natapos na yung hinahayaan ko yung sarili kong tanungin ka pa. Natapos na yung pagbati ko sayo. Natapos na.
Natapos man ang para kong paghahabol sayo, hindi pa rin naman natapos yung pagkagusto ko sayo.
Gusto pa rin kita, malamang. Siguro kasi ayoko ng maging sigurado 'pagdating sayo. Gusto pa rin kita sa buhay ko pero hindi na siguro ako kailangan magtanong pa, magpilit pa, magpapansin pa kung talagang gusto mo ring manatili sa buhay ko.
Hindi na ako magtatanong pa ng "Anong nangyari?" Hindi ko na rin hahayaang mag-isip pa sa mga dinaan mong biro. Hindi ko kailangang pansinin ka pa. Hindi ko kailangang maunang kumausap sayo. Hindi na.
Hindi ko na kasi gustong kayanin. Hindi ko na gustong magtanong. Hindi ko na gustong maghabol ng patago, kahit na ikaw yung gustong gusto ko. Ayoko ng maging sigurado sa pagkagusto ko sayo.
PS. Dahil iba pa rin talaga ang consistent. Iba pa rin yung nakalatag yung feelings ninyo - pinapakita at sinasabi. Dahil di natin deserve ang malabong usapan.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.