Saturday, August 15, 2015

Ang Taong Babalik-balikan ko




Nakilala kita nung 19 years old ako. Nagme-Medtech ako na taga-QC. Hindi ko gusto ang pag-ibig nung panahon na yun. Hindi ako handa para sa pag-ibig. Hindi ako naghahanap ng pag-ibig.

Nakilala mo ako nung 19 years old ka. Nag-Nurse ka na taga-ZC. Hindi ko gusto ang pag-ibig nung panahon na yun. Hindi ako handa para sa pag-ibig. Hindi ako naghahanap ng pag-ibig.

Nagkausap tayo. Nag-uusap tayo. Araw-araw. Walang patid. Kwentuhan. Ibinahagi natin ang buhay ng isa't isa sa mga salitang di napapatid araw-araw, ilang oras kada araw. Milya milya ang namamagitan sa atin, pero kada salitang binibitawan mo, kada salita ko na pinapakinggan mo, parang nasa tabi lang kita. Kada tuldok ng pangungusap, inaabangan mo ang kasunod. Pinapakinggan mo kahit ang kuwit sa binabanggit ko. Gusto mo pa, gusto ko pa. Gusto na kita, gusto mo na rin ako. Mahal na kita, mahal mo na rin ako. PERO...

Madaming sumingit sa pag-ibig na para sa atin. Sinubukan ng panahon at distansya na mawala ang akala kong konting pag-ibig na meron tayo. Madami kang minahal, meron akong minahal pero sa dulo ng kada pag-ibig sa isang tao, ikaw pala ang pag-ibig na hinahanap hanap ng puso ko.

Ang distansya na namagitan satin, ang panahon na akala natin naging balakid, hindi napigilan ang pag-ibig na tulad ng meron tayo. Yung pag-ibig na dinaanan ang kada bundok, madaming ilog, madaming daanan pero hindi huminto dun ang pag-ibig na meron tayo. Hindi huminto sa panahon na huminto tayong mag-usap. Hindi huminto sa mga salita. Hindi huminto sa segundo. Hindi huminto kahit nagmahal tayo ng iba.

Apat na taon ang nakalipas, mahal pa rin kita, mahal mo pa rin ako. Buong puso natin ang binibigay natin sa isa't isa. Hindi ko alam na magiging masaya ako sa kada break up na pinagdaanan ko, dahil sa kada luha na nilaan ko sa maling tao, binalik ako sa tamang tao na talagang nakalaan para sa akin - ikaw. Ikaw noon. Ikaw ngayon. Ikaw bukas at sa mga susunod pang bukas ng buhay ko. Ikaw pa din, ikaw lang. 

At ito ang pangako ko para sayo, hindi kita bibitawan sa panahong mahirap, hindi kita hahayaan sa panahong hindi kita maintindihan. Pipiliin ko lagi ang pag-ibig. Pipiliin lagi kita. Pipiliin ko ang pag-ibig mo, malayo man o malapit, gaano man ang distansya. Sa dulo ng lahat ng pag-abot natin ng mga pangarap natin sa sarili natin, sa mga pamilya natin at sa ating dalawa, nandun akong ngingiti habang mahigpit pa ding nakahawak sa mga kamay ng pag-ibig natin. 


Mahal kita. Mahal na mahal, G




Saturday, May 30, 2015

Ang Isang Araw Na Sana'y Di Dumating Kahit Kailan



"Kung dumating ang isang araw na magising ka at..."

Medyo mag-iisip, pero itutuloy pa din

"mas magiging madali ang lahat para sayo na wala na ako, hahayaan kita."

Iisiping maigi, pero mas isasapuso ng todo. Ikaw muna bago ako. Ikaw na muna ang iisipin ko, saka ko iisipin kung papaano ako.

"Hindi na siguro kita tatanungin kung bakit. Siguro susubukan kong hindi magmakaawang wag kang umalis pero di ko maipapangakong di ako magmamakaawa. Susubukan kitang ngitian. Ay mali! Ngingitian kita, kasama na yung buong puso ko at sasabihin ko sayo, kahit pabulong lang na okay lang yan. Ganyan talaga ang buhay at madaming tao ang bigla na lang nagigising na wala na lahat, at ipapangako ko sayo, makakayanan ko. Kakayanin ko kasi wala akong choice kundi kayanin ko. Kakayanin ko kasi wala akong magagawa kundi kayanin, kasi kahit anong mga salita ko sayo, hindi na yun magiging sapat para marinig mo ako. Kakayanin ko, wag kang mag-alala."

Hihinga ng malalim. Baka magmakaawa pero iisipin kong, wag na lang. Wag na lang di dahil hahayaan kong lumampas ka sa buhay ko, wag na lang kasi baka mahirapan ka pa kung makikita mo akong mahihirapan. Wag na lang para mas maging madali ang lahat para sayo. Mahihirapan siguro ako sa araw na yun, pero sa dulo, pangako, kakayanin ko.

"Kaya kung darating ka sa punto na yun, sabihin mo lang. Kasi para sa akin, ang tao mananatili dahil gusto niya, at aalis kasi kailangan niya. Hindi siya mananatili dahil lang may nag makaawa para manatili siya, mananatili siya kasi yun yung pipiliin niya araw-araw, yung nasa tabi ko katulad ng pagpili ko sa kanya araw-araw."

Magiging matibay pero sa tingin ko ihahabol ko sa mahinang pagsasalita na halos hangin na lang ang nakarinig.

"Ang hirap lang kasi pipiliin kita araw-araw. Pipiliin kita sa oras pa lang na magising ako at pati sa panahong matutulog na ako. Pipiliin kita sa oras na maayos ang takbo ng utak ko, pati na din sa punto kapag alcohol na ang nananaig sa dugo ko. Pipiliin kita kapag masaya ako, pero mas pipiliin kita kahit sa panahong malungkot ako. Pipiliin kita sa lahat ng oras. Pipiliin kita. Pipiliin kita kahit sa oras na di mo na ako kayang piliin."

Hinga ng mas malalim sabay hiling na wag sanang dumating ang araw na yun.


Paalala lang po na kailangan natin pahalagahan ang bawat oras kasi di natin malalaman kung kailan na magiging huli ang oras na yun. 

PS. Salamat sa patuloy na nagbabasa ng blogs ko kahit wala na akong naisusulat. Salamat lalo sa mga nag-eemail. Sobrang salamat po!!

PPS. Masaya ako. :) Masayang masaya po ako sa lahat ng ibinigay ng Diyos sa akin. Masaya po ako sa pamilya ko, G ko, mga kaibigan ko, pag-aaral ko at trabaho ko. Gusto ko lang po maalala ko na pahalagahan ang lahat ng tao at bagay habang may pagkakataon pa ako.


Thursday, May 14, 2015

Ang Kutsilyo At Salita

Buti pa ang kutsilyo, kapag nadaplisan ka, sugat lang. Masusugatan ka lang pero alam mong maghihilom. Madalas hindi na yun mag-iiwan ng bakas ng binigay na sugat sayo. Tipong makakalimutan mo. Tipong mawawala sa wisyo mo. Nasugatan ka lang, maghihilom, minsan di pa mag-iiwan ng peklat. Gagaling at di mo na matatandaan na nangyari yun.

Ang salita mo? Ang salita niya? Ang salita nila? Para bang mas matalim pa sa kutsilyo na babaon hindi lang sa balat nya, kundi tatagos hanggang puso nya

Kaya mag-ingat ka sa paggamit ng salita,  dahil kasing talim man yan ng kutsilyo, ang mga salita kapag nasambit mo, mag-iiwan na yun ng peklat buong buhay sa taong iyong sinabihan. 

Mag-isip bago makasakit sa mga salita, baka kakaulit mo siya, di mo man sinasadya, itinatatak mo sa kanya na darating din talaga ang panahon ng pagsasawa at pamamaalam, na kakaulit mo, akala niya hinahanda mo na siya sa pag-alis mo. Baka dumating ang panahon, tititigan ka na lang nya dahil manhid na sya sa bagay na sinasambit mo, at di na nya kayang maramdaman kung totoo pa ang pag-ibig mo.

Paano pa siya maniniwala sa "habambuhay" kung sa ibang salita mo, may masakit na pamamaalam?


PS. Masyadong matalim ang mga salita. Wag mong hayaang makasakit ka ng iba dahil sa salita mo, kasi kapag yan ang nakasugat sa ibang tao, pati puso niya, sinusugatan mo.

PPS. Kaya mag-ingat sa mga salita lalo sa pamilya, kaibigan, jowa o kalandian. Malaki ang epekto ng salita mo, sana mapasaya mo sila at wag mong hayaan na yan mismo yung makakasakit sa kanila.

Saturday, April 4, 2015

"Wow! Med student"



"Wow! Med student" ang tingin nila sayo:
-matalino
-mahilig magbasa ng libro
-malinis (mukhang malinis)
-maalaga sa katawan
-mayaman
-may patutunguhan sa buhay
-maganda ang kinabukasan
-malaki ang kita nyan kapag Doctor na

Totoo lang, ang sarap ng label na "Med student" pero ang hirap hirap hirap...

Ngayon, habang sinusulat ko 'tong blog na 'to, katapat ko ang libro ko at handouts. Habang nagsasaya ang lahat dahil summer na, kailangan kong mag-aral para sa exam na naman. Ipinasa ko na lahat ng exams ko, removals pa din.  Nandito ako sa punto na tinatanong ko sarili ko "Bakit ka pa nandito? Para sayo pa ba yung Med?" kasi pagod na pagod na akong mag-aral (sigurado ako pati yung mga iba ganito ang nararamdaman)  Yung minsan iiyak ka, or umiiyak ka habang nagrereview kasi hirap na hirap ka na, pero tuloy pa din kasi kung aayaw ka na, mas natatakot ka sa kung anong pupuntahan mo pagkatapos nito.

Puso e. Ito yung dinudurog sakin sa kada semester ng Medisina. Akala mo okay na, hindi pa din pala. Nadudurog yang pusong yan ng paunti-unti, hanggang tatanungin mo sa puso mo kung para ka pa dito, pero puso din yung eksaktong sasagot sayo ng "Oo! Nahihirapan ka lang pero di ibig sabihin na di mo kakayanin" 

Nahihirapan ka lang pero di ibig sabihin di para sayo yan. Bumabagsak ka lang pero di ibig sabihin bobo ka. Nalilito ka lang pero di ibig sabihin wala kang naiintindihan. Nagtatanong ka lang kung para dito ka pa dahil feeling mo laging di para sayo 'to, pero ang totoo, kaya ka hindi bumibitaw kasi yang puso mo di bibitawan yung bagay na alam mong karapat dapat maging para sayo, yung - MD.

Hindi magiging madali, pero kakayanin.

**Sorry, sobrang random blog na basta bastang tinype. Mula sa puso ng isang batang nagrereview para sa removals </3

PS. Lord!!!!!!!!!!!!

PPS. Ipagdasal nyo naman kami ng mga kaibigan ko na sana makapasa na kami sa Pharma B. Thank you!

Saturday, March 14, 2015

What's important?



These past few weeks have been devastating to some families, lalo with the death of their loved ones, so I've decided to type this random blog before going to sleep.

What's important?

Love and time
Kapag nandyan sayo, kung mahal mo, be sure na alam nya at ramdam nyang eksakto yun sa mismong oras na nandyan pa sya. Hindi yung patay na, or wala na, saka ka magkakandarapa magsabi at magparamdam na mahal mo siya

Love, words and actions
Kung mahal mo, sabihin mo. Kung mahal mo, iparamdam mo. Words aren't enough. Actions aren't enough. Love without words and actions, sayo lang yan. Ikaw lang nakakaalam ng pag-ibig na di mo kayang iparamdam at di mo kayang sabihin

Love and honesty
Kapag mahal mo, di ka magsisinungaling. Kapag mahal mo, masakit man pero totoo, aaminin mo. Walang kwenta ang pag-ibig kung di ka nagsasabi ng totoo. Parang pati yang mismong pag-ibig, di na totoo

Love
This is important. Yung pag-ibig na pinapakita, sinasabi, pinaparamdam at totoo. Yung pag-ibig na mahirap man, pero di bibitaw. Yung pag-ibig na gusto mo ng pektusan yung mahal mo kasi bwisit na bwisit ka sa kanya, pero at the end of the day, you'll stick with that person just because you love her. JUST BECAUSE YOU LOVE HER

Ang pag-ibig na umaalis, di pag-ibig. Ang pag-ibig na lumilisan, di pag-ibig. Dahil ang totoong pag-ibig, di nawawala

goodnight.