Nagsimula ang itong Mayo ng taon. Mahilig akong magmura (tang ina lang) kaya naman para mas maging kaayaaya sa pagbabasa, naging Tongue In A Lung. Madalas kong tumbasan lahat ng emosyon ko ng mga salita. Masiyahin akong tao, kaya lahat ng kalungkutan ko, hanggang dito lang. Lahat ng ayokong ipakita, hanggang panulat lang na may mga salitang ako mismo, hindi ko mainitindihan sa papanong paraan ko nailalagay. Lagi nilang sinasabi 'pag nalaman nilang sa akin 'to "Di nga? Di ka naman ganun. Di ka naman nalulungkot." Yun lang. Yun lang ang akala niyo.
Gusto ko lang magpasalamat, na sa isang kalokohang blog, mga malokong panulat, binasa niyo pa din. Gusto kong magpasalamat ng taos puso sa pagtanggap sa kalungkutan, pag-ibig na hindi naganap, sa mga kwentong buhay ko na madalas walang kwenta, sa mga pangarap kong pinipilit kong gapangin para maabot at sa lahat ng mga panulat na tila ba lumabas sa malawak na himpapawid ng emosyon.
2011.
Madaming lakad. Madaming masasayang alaalang nais kong namnamin pa. Madaming malulungkot na memoryang nais ko pa ding paliparin sa himpapawid ngunit nagkakaron sila ng pakpak pabalik sa akong alaala. Nagkaron ng isang batalyon ng bagong kaibigan, mga totoong kaibigan. Madaming nakilala. May mga tumambay, meron ding natutong lumakad papalayo. Nagmahal pero natutong lumayo. Minahal pero natutong maging kaibigan. Gustong makalimot, mas lalong di nakalimot. Gustong pumayat, mas lalong di pumayat. May mga pangarap na nawala, may mga pangarap na unti-unting natutupad.
Nalungkot, umiyak. Sumaya, umiyak pa din. Yumakap, yinakap. Humalik, hinalikan. Bumatok, binatukan. Sinampal, nakaiwas naman ako. Sinira ang atay, hindi naging matagumpay ang alcohol, kaya sigaw ko "MORE."
Itagay natin 'to, para sa lahat ng kapalpakan ng taon, sa iyak na walang kwenta, sa utot na narinig ng ibang tao, sa amoy ng bagong gising na hininga sabay may kumausap sayong tao, sa lahat ng palasak na relasyon, sa mga malalanding usapang nagtapos, sa mga sana-nahalikan-ko pero hindi natuloy, sa lahat ng sana pero hindi nangyari at sa lahat pa ng nakakaasar na bagay na ayaw mong isipin (pero dapat mong isipin bago mo itagay yan.)
Laklakin ang isang basong alak para sa mas magandang bagong taon, isang ngiti kahit sa nakaraang palpak, madaming bagong pag-asa, malay mo ngayon pa dumating ang pag-ibig na para sayo. Alam ko kaya ka nagbabasa ng panulat ko, sawi ka sa pag-ibig. Ayos lang yan! Lahat naman napagdaanan yan, katulad ko, ilang kwento ko na ba ang tumama sayo? Swerte mo kung bilang lang, sakin kasi, lahat ito.
Ngumiti tayo. salubungin ang bagong taon na buo ang kamay. Ingat sa paputok, mas okay na ang may putok. Tumalon ka para tumangkad, pero sana lumiit ka para sa taong 2012, magkasya ka na sa damdamin ng isang taong laan para sayo.
SALAMAT. Next year uli!♥