Friday, December 16, 2011

Ang Seatbelt

Masyado akong maingat. Lagi kong sinisigurado na nakaseatbelt ako bago pa lang magsimula ang byahe ko. Siguro takot lang ako. Takot akong makatulog sa byahe at biglang masaktan 'pag di ko napigilan ang sarili kong mahulog sa taong kasama ko sa pagbyahe. Mas takot siguro akong mahulog tapos paglingon ko, wala ka na sa tabi ko. Ayoko sa lahat, yung iniiwan ako. Mas ayoko pa lalo yung buong buo na yung tiwala ko, yung di ko inaasahang iiwan ako ng isang tao, pero ginawa niya.

Nakabyahe ako pero sa pagkakataong 'to, wala pa akong kasama. Bumabyahe akong masayang mag-isa. Bumabyahe akong nakangiti. Bumabyahe akong maingat. Higit sa lahat, ligtas pa ang puso ko dahil siguradong nakaseatbelt pa ako, may pampigil pa sa kada paghulog ko sa bangin ng pag-ibig.

Babyahe ako ng babyahe. Matagal kong inipon ang pang-gas ko. Full tank pa. Wala pang hihinto. Wala pang paparada. Sa byahe kong ito, nakangiti lang ako sa pagdating mo. Sa byaheng 'to, inaabangan lang kita. Hinihintay ko ang pagkakataong ikaw mismo ang sisigurado na kahit tanggalin ko ang seatbelt ko, sasaluhin mo ako. Na kahit anong mangyari, susubukan mong hindi ako saktan. Magkakabungguan din tayo, sana malapit na. Sana pag nabunggo natin ang isa't isa, hindi na tayo naka-seatbelt, sana tuloy-tuloy lang tayong mahulog sa isa't isa.

Pupusta ako sa pag-ibig. Pupusta ako sa tamang pag-ibig. Pupusta ako sa pag-ibig na hindi ako basta-basta papaiyakin. Pupusta ako sa pag-ibig na kasama ka.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.