Wednesday, December 7, 2011

Tongue In A Lung: Ang Relasyon, Kasiyahan At Hiwalayan

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *

Hindi lahat ng nasa relasyon, masaya. At hindi din lahat ng walang karelasyon, hindi masaya.

Alam ko na nagsisimula ang relasyon 'pag nakita mo yung sarili mong masayang masaya dun sa tao. Kalokohan naman kung sisimulan mong makipagrelasyon na hindi kayo swak. Pero syempre may mga taong pumapasok sa relasyon dahil gusto lang nilang makalimot. Nagawa ko yun. Di naman masaya, may dinamay pa ako sa lakungkutan ko.

Masarap naman talagang ma-inlove, mas lalong masarap kung mahal ka din nung taong mahal mo. Alam ko yung mga panahon na sana lagi mo siyang kausap, katext, kachat o kasama. Alam ko yung mga panahon na lagi mong inaantay yung pareho kayong libre para may oras kayo sa isa't isa. Ang sarap sa pakiramdam na pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, alam mong siya yung kasama mo. Na may babagsakan ka ng lahat ng luha mo at may magpapasaya sayo. Pero hanggang kailan? Hanggang kailan magiging masaya ang isang relasyon? Hanggang kailan magiging solid at hindi matitibag ang isang noong masayang relasyon?

Lahat naman nagbabago. Ang masama dito, 'pag hindi na natin naisip yung simula. Kapag mas masiyahan na tayo sa buhay na hindi kasama yung taong dating naging mundo mo, kapag mas swak ka palang wala siya, dun na nawawala yung spark. Nawawala ang lahat 'pag hindi mo inalagan. Nawawala maging ang pinakamatamis na pag-ibig kapag may hinahanap kang iba. Kaya ako, hindi ako pumapasok sa isang relasyong lokohan. Hindi ako papasok sa isang relasyong may kahati, may mahal pang iba at hindi lang ako ang mahal. Hindi ako papasok sa relasyong hindi lang siya ang hinahanap ko. Kapag may iba pa akong hinahanap, siguro sadyang di kami para sa isa't isa.

Minsan, mas mahirap aminin na hindi lang siya yung hinahanap mo. Mas lalong mahirap kapag ayaw mo siyang mawala sayo, ayaw mo siyang lumampas sa kamay mo pero sadyang kulang e. Hindi siguro kulang yung binibigay niya sayo, pero sayo mismo, may bagay na hinahanap kang wala lang talaga sa kanya. Mahirap bitawan 'pag mahal mo. Pero tandaan mong mas mahirap maipit sa isang relasyong, hindi lang siya ang gugustuhin mo. Mas madaling humiwalay. Ihanda na lang ang sarili para sa isang taong dadating sa tamang panahon, yung taong wala ka ng hahanapin pang iba.

Ganito lang ang gusto kong sabihin. Lahat may tamang oras. Ang isang taong talagang mahal ka, kung mahal mo din siya, may tamang oras na maging para kayo. Kailangan niyong maging masaya sa sarili niyo lang. Kailangan niyong ayusin yung buhay niyo na ikaw lang. Kailangan mong siguraduhin na yung mga relasyon sa nakaraan mo, ayos ka na. Kailangan sigurado ka sa feelings mo at sigurado kang siya lang. Pag parehong ganito na ang lagay niyo, yun talaga yung solid. Yun talaga yung magiging pinakamasayang relasyon.

Handa na ako. Sa tamang panahon, dadating din yung taong magiging handa para sa akin, para sa amin. We'll meet real soon.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.