Wednesday, September 25, 2013

Ang Pinapakawalang Singsing


Singsing: Nawala ako, Daliri. Gusto ko muna ng oras at panahon. Yung ako lang. Pwede mo ba akong antayin? 

Tameme si Daliri. Ang dami niyang gustong itanong. Ang dami niyang gustong sabihin pero ito lang ang nabigkas niya...

Daliri: Kung yan ang magpapasaya sayo. Mahal kita pero ang sakit sakit lang nito.

Singsing: Ang sikip na, Daliri. Di ka ba nasasaktan? Di ka ba nahihirapan? Ayoko na! Mas magiging madali ang lahat kung kumawala na tayo sa isa't isa. Mas magkakaoras ka sa paggawa ng maraming bagay. Ayoko na pala. Paalam, Daliri! Mag-ingat ka.

At bumitaw si Singsing. Di lumingon. Di tumingin pabalik sa Daliring iniwan niya. Walang ibang mga salita. Walang ibang pinakinggan.

Walang nagawa si Daliri kundi bumulong sa hangin...

Daliri: Sikip na sikip ako pero kaya ko ang lahat maisuot ka lang, maisama lang kita sa araw-araw. Nasasaktan at nahihirapan ako 'pag pakiramdam ko ipinipilit na lang kitang magkasya sa mataba kong daliri pero mas pipiliin ko yung buhay na kasama ka. 

Hindi ko kailangan ng buhay na madali, gusto ko lang yung buhay na kasama ka. Hindi naman ibig sabihin magiging madali ang lahat, di din naman puro hirap lang. Ang alam ko lang, gusto kong kayanin ang lahat basta nandiyan ka.

Di mo alam kung gaano kita gustong habulin at piliting wag bumitaw pero parang mas kakayanin ko na ako ang umiyak at masaktan dahil iniwan mo ako kaysa ikaw ang masaktan dahil nandito pa ako sa buhay mo, dahil pinipilit mo na lang pala ang sarili mo na wag akong bitawan. Ang sakit sakit lang pero diba sabi ko naman sayo, ipangako mo lang na di mawawala ang ngiti mo sa mukha mo, okay na ako dun. Mas kakayanin kong makita kang masaya na wala ako kaysa nasa akin ka nga, di ka naman na pala masaya.

Inisip kita. Inisip ko ang kapakanan mo. Inisip ko ang kasiyahan mo. Inisip ko kung anong magpapadali ng buhay mo. Inisip kita nang inisip na nakalimot akong pangalagaan naman yung sarili ko, na mag-iwan ng konting pag-ibig sa sarili ko. Nakalimutan kong dapat maging "OKAY" din ako

Naalala mo nga ako kahapon. Pansin kong masaya ka. Sapat na yun sa akin. Naibigay ko na ang sobra pa sa dapat kong ibigay. Siguro panahon na din para tuluyan kang pakawalan. Hindi man ako katulad mong "okay" sa ngayon, naniniwala na lang ako na sa panahon ng Diyos, masasanay din ako sa buhay na wala ka. Makakangiti na di ka na maiisip araw-araw. Kakain na di hihilingin na sana napapatikim ko sayo yung masasarap na natitikman ko. Sa ngayon, kuntento akong masaya ka. 


Para sa lahat:
Kung may singsing ka sa daliri ngayon, please lang wag mo siyang papakawalan. Hindi ka dapat nagdedesisyon kung anong makakabuti sa kanya. Kung tunay ang pag-ibig, di basta basta binibitawan.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.