Sunday, December 27, 2015

Ang Nakakalitong Pag-ibig Mo


"Mahal kita" sinambit mo
Pero sa kada sasabihin mo yun, di mo alam kung gaano ko kagustong sagutin ka ng "Mahal din kita" pero hindi pwede. Hindi pwede dahil yang pagmamahal mo, nakakalito. Oo, litong lito ako. Takot na takot.

"Mahal kita" sinambit mo
Pero may mga araw na di mo kayang iparamdam sakin yang mismong pag-ibig na sinasambit mo. May mga araw din na di mo binabanggit at di mo maparamdam. Ano ngayon ang tawag mo sa pag-ibig mong yan?

"Mahal kita" sinambit mo na namang muli
Pero may oras na ikaw mismo yung parang lumalayo sakin, na parang kailangan ko pang magmakaawa sa pagpaparamdam mo, na di mo magawang pansinin ako pero nakaalala ka sa ibang tao. Mahal mo ako pero kailangan ko pang maunang magparamdam sayo samantalang sa ibang tao nagagawa mong pansinin ng walang pagdadalawang isip? Yan ba ang pag-ibig na sinasabi mo?

"Mahal kita" sinambit mo sa nakakalitong muli
Pero merong pagkakataon na ako mismo gusto kong maniwala sa pag-ibig mo, pero ikaw mismo, sa mga ginagawa mo, pinagdududa mo ako sa pag-ibig na hinahain mo.

"Mahal kita" sinabi mo ulit
Pero sana ibinulong mo na lang sa hangin at sana hindi ko na lang narinig. Kasi sa kada babanggitin mo yang mga salitang yan, di ko talaga alam kung dapat ba akong maniwala o hindi. Hindi ko alam kung totoo yan o sana totoo na lang yan.

"Mahal kita" sinabi mong paulit ulit
Pero kung katumbas nyan ay para kang mapapagod, para kang magsasawa na iparamdam sakin ang pag-ibig na meron ka, totoong pag-ibig pa ba yan? O pag-ibig kapag maayos lang ang lahat? Pag-ibig na may kundisyon? Pag-ibig ngayon, at bukas ano na?

Di mo alam kung gaano ko kagustong sagutin yang mga sinasabi mo sa akin. Na kahit di yan tanong, may kaya akong salitang isagot dyan pero katumbas nun yung puso ko, ikaw ba? Puso mo din ba ang katumbas nyang mga sinasabi mo? Di ko alam. Nalilito ako. Nalilito ako pero ang puso ko, humihiling na totoo yan, na ang pag-ibig na taglay mo para sa akin, yung pag-ibig na di na mawawala, kasi...



PS. Para sayo 'to Bebs (JG) Gusto ko lang ipaalala sayo na ang pag-ibig na totoo, mararamdaman mo. Ang pag-ibig na totoo, di mawawala, di kailanman mawawala.




Saturday, December 12, 2015

Ang Sagot Ko Sa Tanong Mo - "Dapat Isagot Sa - Bakla Ka Ba?"


Kung iniisip mo na dito mo mahahanap ang sagot, sinasabi ko sayo, hindi mo eksaktong dito malalaman ang sagot kasi bago mo pa yan hinanap, alam mo na ang sagot sa tanong mong yan.

Bakla ka ba?

Bakit kailangang hanapin mo yung dapat mong sagot sa tanong na yan? Kung bakla ka, bakit ka mahihiya? Kung bakla ka, di alam ng pamilya mo? Kung bakla ka, di alam ng ibang tao? Kung bakla ka, nahihiya ka sa mundo?

Una sa lahat, walang masama sa pagiging bakla. Pangalawa, kung di yan alam ng pamilya mo at ng ibang tao, hayaan mo lang, basta alam mo sa sarili mo ang totoo, kahit yun muna sapat na yun. Pangatlo, kung di mo kayang sumagot ng totoo sa ngayon, wag ka na lang sumagot. Hindi naman kasi kailangan na lahat ng tanong ng mga tao masagot mo, hindi lahat ng mga tanong na ibabato nila sayo, kailangan mong magsalita. May mga bagay na mas maganda na lang na di ka  umimik, siguro dahil di ka pa handa na malaman ng ibang tao, pero wag na wag mong itatanggi yung katotohanan. Bakit? Kasi para mo ng itinanggi ang pagkatao mo kapag yun ang gagawin mo. Pang-apat, magdasal ka. Pang-lima, hayaan mo na ang panahon ay dumating para maging handa kang sabihin sa mundo na bakla ka. 

Isagot mo ang totoo. Pakiusap ko lang sayo, wag na wag mong itanggi ang laman ng puso mo na kung di ka pa handa na malaman ng iba ang totoo, manahimik ka na lang. Darating ang araw na magiging handa ka rin.

Bakla, tomboy, lalaki, babae, silahis o kung ano ka pa man, basta totoo ka, masaya at walang natatapakang ibang tao, ayos na yun. Walang masama sa kung ano ka. Wag kang magpapadala sa sasabihin ng mundong minsa'y mapanghusga, maging mabuti kang tao, sapat na yun para respetuhin ka ng buong mundo.



Para sa mga nagbabasa ng blogs ko: Salamat! 

Gusto ko lang malaman ninyo na BINABASA KO lahat ng pwede kong mabasa (yung e-mails ninyo sa akin na lahat nirereplyan ko, yung mga comments ninyo na sinusubukan kong sagutin kapag nabasa ko at pati na ang mga keywords ninyo kung paano kayo napunta sa blog ko) Thank you talaga and God bless us all :)

Friday, December 11, 2015

Ang Gustong Makipagbreak, Ang Hindi At Ang Kaibigan




May tatlong nag-uusap sa sulok ng kawalan - Ang gustong makipagbreak, ang hindi at ang kaibigan ng gustong makipagbreak


ANG GUSTONG MAKIPAGBREAK:
Wala ka ng oras sa akin. May oras ka sa ganyan, sa ganito, sa akin wala. Magtext ka, magpaparamdam sobrang minsan lang, halos di kita makausap. Nakakapagod magmakaawa ng oras mo. Nakakasawang manghingi ng atensyon mo. Hindi mo alam na sa kada nagbibigay ka ng panahon sa iba, yun din yung mismong tanging panahon na pwede mong ilaan sa akin. Na sa kada pinipili mo yun, yang mga yan, ako yung naiiwan mo ng di mo alam. Pakiramdam ko hindi na ako mahalaga, wala na tayong kwenta para sayo. Pakiramdam ko kayang kaya mong unahin ang ibang bagay, ibang tao, pero kailan mo ako at tayo uunahin? Lagi akong nakangiti, pero di mo alam halos nadudurog yung puso ko kasi yung ngiting 'to magiging totoo kung andito ka ngayon. Ang bagal mo magreply, ang tanging paraan na mag-usap tayo, text kaso wala, halos wala. Pagod na ako. Sawa na ako. 


ANG HINDI GUSTONG MAKIPAGBREAK:
Hindi naman sa ganun. Siguro akala mo lang di kita naiisip, pero hinding hindi ka nawala sa isip ko. Siguro akala mo okay ako sa hindi kita nakakasama at nakakausap, pero hindi kailanman magiging okay sa akin yun. Kailangan ko din lang maglaan ng panahon sa sarili ko para hindi ko makalimutan yung sarili ko habang minimahal kita. May mga oras na sinasabi kong mahal kita, ikaw ba anong sinasabi mo pabalik sa akin? Parang ihip sa hangin na walang bumalik. Sorry kung madalas wala ako dyan, na hindi kita nakakasama lagi. May mga bagay din na inuuna ako pero hindi ibig sabihin nun di ka na mahalaga. Mahal kita, siguro minsan lang mas pinapakinggan mo at pinapaniwalaan agad yung iniisip mo. Mahal naman kita e, patawad kung di mo na pala eksaktong nararamdaman 'to. Mahal kita, kaya sana walang sukatan, kasi baka yung mga kaya mong ibigay, iba sa kaya kong ibigay, na baka yung akala mo wala lang sa akin, yun na pala yung the best ko. Mahal kita. 


ANG KAIBIGAN NG GUSTONG MAKIPAGBREAK:
Mahal mo, mahal ka, bat kayo kailangan maghiwalay? Kung tungkol sa konting usap, halos walang panahon, ang alam ko kasi kapag pag-ibig pinag-uusapan - malayo man o malapit, mag-usap man o hindi, ang pagmamahal ay pagmamahal. Hindi sukatan ang kahit anong bagay. Alam mo yung minsan, na kahit ako, nabubulag, natatanga, yung minsan napupuno tayo ng "Di na nga tayo magkasama, wala ka pang oras" o di naman kaya "Busy ako, sorry", tapos sasayangin natin yung panahon na yung sinasabi nating "konting panahon" sa isa't isa, mapupunta pa sa away, sa gulo, imbes na bumawi, imbes na sulitin, mas lalong nasasayang. Totoo lang, ako din napapagod, nagsasawa kung minsan pero ang pagkakaiba natin, mga kaibigan, di ko sinasabi yun, kasi para sa akin, mapagod man ako o magsawa na siguro minsan may punto din ako na parang bibitaw na, hindi ko gagawin yun, kasi para kong papatayin yung sarili ko kung hahayaan ko yung pag-ibig na yun, lalo yung taong mahal ko na mawala.

Love is a choice. Oo, totoo. Ganito yan, pwedeng madami ka pang makikilalang mahihigitan siya, pwedeng mas madaming mas matalino, mas mabait, mas maganda, mas ganito, mas ganyan kaysa sa kanya, pero kailanman, hindi sila magiging siya. Kailanman, yung nararamdaman ninyo para sa isa't isa ay hindi mauulit sa kahit sino man. Pipiliin mo bang mawala ang pag-ibig mo sa ngayon? o pipiliin mo sya araw-araw ng paulit ulit at hindi bastang bibitawan? Kung pipiliin mong palayain yan, walang masama dun, pero siguraduhin mo na hindi ka matututong hanapin yang pag-ibig na papakawalan mo, kasi hinding hindi mo na yan maibabalik. Kung pipiliin mo siya, kung pipiliin mo kayo araw-araw, walang masamang panghawakan ang pag-ibig na yan.



PS. Para sa inyo 'to EM and TB. Anong pipiliin ninyo? Give love on Christmas e, hindi naman give up on love. :)


Friday, December 4, 2015

Ang Gagapang Para Sa Pangarap



Sobrang nagduda ako. Hindi naman ito yung "Pagod na akong mag-aral, gusto ko pa ba talaga 'to?" na pagdududa. Ito yung pakiramdam na sobra sobrang pagdududa dahil sa sobrang takot. Takot dahil masyado ng mahabang panahon yung nasayang ko. Takot kasi kulang pa, kulang madalas kahit yung grades ko, kaya may punto na pakiramdam ko, ako mismo yung kulang. Takot na baka hindi ko maabot yung pangarap ko - maging Doctor. Nawawalan ng tiwala sa sarili. Nawawalang tiwala sa kakayanan ko. Nawawalang tiwala sa patutunguhan nitong byaheng tinatahak ko. Nawawalan ng tiwala. Nawawala. Paunti-unti. Hindi makatarungan, pero..

Lagi ko 'tong nararamdaman habang nag-aaral sa mga subjects na sobrang nahihirapan ako o pwedeng dahil sinasabi ng madaming tao na mahirap yun kaya ako mismo hindi ko mahanap sa sarili ko kung makakayanan ko bang ipasa yung subject/s na yun. Sinasabi ko sa sarili ko na kung ngayon pa lang gumagapang na ako, paano pa sa mga susunod na taon? Tapos naisip ko na alam na alam kong hindi naman ito yung una beses ko 'tong naramdaman, at mas lalong alam kong hindi ito yung huli. 

Pero paano ko ba talaga malalampasan yung pagdududa ko sa sarili ko? Paano ko maibabalik yung tiwala ko sa sarili ko para ipagpatuloy 'to hanggang maabot ko yung pangarap ko?

Biglaan lang pero yun pala ang totoo na yung magduda ako sa sarili ko, ayos lang pala yun. Siguro yung pagdududa ko, nagdududa ako kasi gusto ko 'to, mahal ko 'to, higit pa sa kagustuhan at pagmamahal, gagawin ko ang lahat para maabot 'to, kaya siguro ako nagdududa, kasi patuloy kong gugustuhing maging magaling, maging deserving. Yun palang pagdududa ko sa sarili ko, ayos lang kasi ibig sabihin nun, lagi akong gutom sa tagumpay, sa kaalaman, sa mga bagong pwede kong maibahagi sa magiging pasyente at magiging kapwa ko doctor kung sakali. Alam ko yung Medicine buong buhay na pag-aaral, walang katapusang pag-abot sa mga bagong kaalaman. Alam ko patungo ako sa tamang direksyon dahil gusto kong matuto araw-araw. Iniisip ko na lang yung iniipon kong mga palyadong dahilan at mga pagkakamali ko sa ngayon, sa mga inuulit ko, baka sa dulo, yun pa yung mga tatatak sakin para mas makatulong sa iba.

Ganito pala talaga sa Medisina. Wala sa bilis o sa tagal ng pag-abot sa pangarap. Wala din sa matataas o mabababang grado. Wala din sa gusto mo o mahal mo 'tong bagay na 'to. Wala din kung gumapang ka o hindi. Wala kung natakot ka habang umiiyak o tumatawa habang umiiyak sabay sa pag-aaral ng bagay na di mo maintindihan. NORMAL lang pala yung mga 'to. Dapat hawakan natin lahat ng bagay na 'to - yang takot, pangarap, pagpupursige, puso, pagbagsak, pagpasa, tawa, iyak at lahat ng pwede mong maramdaman. Sa Medisina, yung mga bagay na nagpapaalala sa atin na tao tayo, na may pakiramdam tayo, yun yung isa pwedeng magligtas sa atin sa lahat ng 'to. 

Kung sinabihan ka na hindi ka katulad ng ibang mag-aaral ng Medisina, okay lang yun. Pwedeng dahil mas matalino sila, o baka mas magaling magsalita, pwede ding mas marami silang alam sayo, o kung ano man yan, ayos lang yan. Sa huli, ang mga magiging pasyente natin hindi naman pupunta sa atin na may exams na papasagutan, at hindi din sila answer key na iisa lang ang posibleng sagot. Kung inaaral natin 'to ng maigi, kahit gumagapang tayo sa ngayon, may ibang perspective tayo na pwedeng ibigay sa magiging pasyente natin, at malay mo, malay nila, baka mas epektibo pa ang natutunan mo. Kaya sige lang, hinga ka lang. Tanggapin lahat ng pagbagsak, pagpasa, pag-iyak, pagtawa and walang katapusang kagandahan na kailangan nating hanapin sa pag-aaral sa Medisina. Gumapang tayo. Gumapang lang nang gumapang. Huminga tayo ulit. Huminga lang ng huminga.