Friday, December 11, 2015

Ang Gustong Makipagbreak, Ang Hindi At Ang Kaibigan




May tatlong nag-uusap sa sulok ng kawalan - Ang gustong makipagbreak, ang hindi at ang kaibigan ng gustong makipagbreak


ANG GUSTONG MAKIPAGBREAK:
Wala ka ng oras sa akin. May oras ka sa ganyan, sa ganito, sa akin wala. Magtext ka, magpaparamdam sobrang minsan lang, halos di kita makausap. Nakakapagod magmakaawa ng oras mo. Nakakasawang manghingi ng atensyon mo. Hindi mo alam na sa kada nagbibigay ka ng panahon sa iba, yun din yung mismong tanging panahon na pwede mong ilaan sa akin. Na sa kada pinipili mo yun, yang mga yan, ako yung naiiwan mo ng di mo alam. Pakiramdam ko hindi na ako mahalaga, wala na tayong kwenta para sayo. Pakiramdam ko kayang kaya mong unahin ang ibang bagay, ibang tao, pero kailan mo ako at tayo uunahin? Lagi akong nakangiti, pero di mo alam halos nadudurog yung puso ko kasi yung ngiting 'to magiging totoo kung andito ka ngayon. Ang bagal mo magreply, ang tanging paraan na mag-usap tayo, text kaso wala, halos wala. Pagod na ako. Sawa na ako. 


ANG HINDI GUSTONG MAKIPAGBREAK:
Hindi naman sa ganun. Siguro akala mo lang di kita naiisip, pero hinding hindi ka nawala sa isip ko. Siguro akala mo okay ako sa hindi kita nakakasama at nakakausap, pero hindi kailanman magiging okay sa akin yun. Kailangan ko din lang maglaan ng panahon sa sarili ko para hindi ko makalimutan yung sarili ko habang minimahal kita. May mga oras na sinasabi kong mahal kita, ikaw ba anong sinasabi mo pabalik sa akin? Parang ihip sa hangin na walang bumalik. Sorry kung madalas wala ako dyan, na hindi kita nakakasama lagi. May mga bagay din na inuuna ako pero hindi ibig sabihin nun di ka na mahalaga. Mahal kita, siguro minsan lang mas pinapakinggan mo at pinapaniwalaan agad yung iniisip mo. Mahal naman kita e, patawad kung di mo na pala eksaktong nararamdaman 'to. Mahal kita, kaya sana walang sukatan, kasi baka yung mga kaya mong ibigay, iba sa kaya kong ibigay, na baka yung akala mo wala lang sa akin, yun na pala yung the best ko. Mahal kita. 


ANG KAIBIGAN NG GUSTONG MAKIPAGBREAK:
Mahal mo, mahal ka, bat kayo kailangan maghiwalay? Kung tungkol sa konting usap, halos walang panahon, ang alam ko kasi kapag pag-ibig pinag-uusapan - malayo man o malapit, mag-usap man o hindi, ang pagmamahal ay pagmamahal. Hindi sukatan ang kahit anong bagay. Alam mo yung minsan, na kahit ako, nabubulag, natatanga, yung minsan napupuno tayo ng "Di na nga tayo magkasama, wala ka pang oras" o di naman kaya "Busy ako, sorry", tapos sasayangin natin yung panahon na yung sinasabi nating "konting panahon" sa isa't isa, mapupunta pa sa away, sa gulo, imbes na bumawi, imbes na sulitin, mas lalong nasasayang. Totoo lang, ako din napapagod, nagsasawa kung minsan pero ang pagkakaiba natin, mga kaibigan, di ko sinasabi yun, kasi para sa akin, mapagod man ako o magsawa na siguro minsan may punto din ako na parang bibitaw na, hindi ko gagawin yun, kasi para kong papatayin yung sarili ko kung hahayaan ko yung pag-ibig na yun, lalo yung taong mahal ko na mawala.

Love is a choice. Oo, totoo. Ganito yan, pwedeng madami ka pang makikilalang mahihigitan siya, pwedeng mas madaming mas matalino, mas mabait, mas maganda, mas ganito, mas ganyan kaysa sa kanya, pero kailanman, hindi sila magiging siya. Kailanman, yung nararamdaman ninyo para sa isa't isa ay hindi mauulit sa kahit sino man. Pipiliin mo bang mawala ang pag-ibig mo sa ngayon? o pipiliin mo sya araw-araw ng paulit ulit at hindi bastang bibitawan? Kung pipiliin mong palayain yan, walang masama dun, pero siguraduhin mo na hindi ka matututong hanapin yang pag-ibig na papakawalan mo, kasi hinding hindi mo na yan maibabalik. Kung pipiliin mo siya, kung pipiliin mo kayo araw-araw, walang masamang panghawakan ang pag-ibig na yan.



PS. Para sa inyo 'to EM and TB. Anong pipiliin ninyo? Give love on Christmas e, hindi naman give up on love. :)


No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.