Friday, December 4, 2015

Ang Gagapang Para Sa Pangarap



Sobrang nagduda ako. Hindi naman ito yung "Pagod na akong mag-aral, gusto ko pa ba talaga 'to?" na pagdududa. Ito yung pakiramdam na sobra sobrang pagdududa dahil sa sobrang takot. Takot dahil masyado ng mahabang panahon yung nasayang ko. Takot kasi kulang pa, kulang madalas kahit yung grades ko, kaya may punto na pakiramdam ko, ako mismo yung kulang. Takot na baka hindi ko maabot yung pangarap ko - maging Doctor. Nawawalan ng tiwala sa sarili. Nawawalang tiwala sa kakayanan ko. Nawawalang tiwala sa patutunguhan nitong byaheng tinatahak ko. Nawawalan ng tiwala. Nawawala. Paunti-unti. Hindi makatarungan, pero..

Lagi ko 'tong nararamdaman habang nag-aaral sa mga subjects na sobrang nahihirapan ako o pwedeng dahil sinasabi ng madaming tao na mahirap yun kaya ako mismo hindi ko mahanap sa sarili ko kung makakayanan ko bang ipasa yung subject/s na yun. Sinasabi ko sa sarili ko na kung ngayon pa lang gumagapang na ako, paano pa sa mga susunod na taon? Tapos naisip ko na alam na alam kong hindi naman ito yung una beses ko 'tong naramdaman, at mas lalong alam kong hindi ito yung huli. 

Pero paano ko ba talaga malalampasan yung pagdududa ko sa sarili ko? Paano ko maibabalik yung tiwala ko sa sarili ko para ipagpatuloy 'to hanggang maabot ko yung pangarap ko?

Biglaan lang pero yun pala ang totoo na yung magduda ako sa sarili ko, ayos lang pala yun. Siguro yung pagdududa ko, nagdududa ako kasi gusto ko 'to, mahal ko 'to, higit pa sa kagustuhan at pagmamahal, gagawin ko ang lahat para maabot 'to, kaya siguro ako nagdududa, kasi patuloy kong gugustuhing maging magaling, maging deserving. Yun palang pagdududa ko sa sarili ko, ayos lang kasi ibig sabihin nun, lagi akong gutom sa tagumpay, sa kaalaman, sa mga bagong pwede kong maibahagi sa magiging pasyente at magiging kapwa ko doctor kung sakali. Alam ko yung Medicine buong buhay na pag-aaral, walang katapusang pag-abot sa mga bagong kaalaman. Alam ko patungo ako sa tamang direksyon dahil gusto kong matuto araw-araw. Iniisip ko na lang yung iniipon kong mga palyadong dahilan at mga pagkakamali ko sa ngayon, sa mga inuulit ko, baka sa dulo, yun pa yung mga tatatak sakin para mas makatulong sa iba.

Ganito pala talaga sa Medisina. Wala sa bilis o sa tagal ng pag-abot sa pangarap. Wala din sa matataas o mabababang grado. Wala din sa gusto mo o mahal mo 'tong bagay na 'to. Wala din kung gumapang ka o hindi. Wala kung natakot ka habang umiiyak o tumatawa habang umiiyak sabay sa pag-aaral ng bagay na di mo maintindihan. NORMAL lang pala yung mga 'to. Dapat hawakan natin lahat ng bagay na 'to - yang takot, pangarap, pagpupursige, puso, pagbagsak, pagpasa, tawa, iyak at lahat ng pwede mong maramdaman. Sa Medisina, yung mga bagay na nagpapaalala sa atin na tao tayo, na may pakiramdam tayo, yun yung isa pwedeng magligtas sa atin sa lahat ng 'to. 

Kung sinabihan ka na hindi ka katulad ng ibang mag-aaral ng Medisina, okay lang yun. Pwedeng dahil mas matalino sila, o baka mas magaling magsalita, pwede ding mas marami silang alam sayo, o kung ano man yan, ayos lang yan. Sa huli, ang mga magiging pasyente natin hindi naman pupunta sa atin na may exams na papasagutan, at hindi din sila answer key na iisa lang ang posibleng sagot. Kung inaaral natin 'to ng maigi, kahit gumagapang tayo sa ngayon, may ibang perspective tayo na pwedeng ibigay sa magiging pasyente natin, at malay mo, malay nila, baka mas epektibo pa ang natutunan mo. Kaya sige lang, hinga ka lang. Tanggapin lahat ng pagbagsak, pagpasa, pag-iyak, pagtawa and walang katapusang kagandahan na kailangan nating hanapin sa pag-aaral sa Medisina. Gumapang tayo. Gumapang lang nang gumapang. Huminga tayo ulit. Huminga lang ng huminga. 

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.