Matitibay |
Naniniwala ako na lahat tayo may kanya kanyang oras - oras para magtapos, oras para mag-asawa, oras para magkajowa, oras para mag-umpisa at marami pang oras na iba't iba pero hindi ibig sabihin na kapag umabot ka na sa ganitong edad ay dapat parepareho na kayo ng naabot at nagawa sa buhay. Naniniwala ako na yung proseso namin sa Medisina naging madugo, naging pasikot sikot, naging masakit. Yung tipong madugo kasi hindi lang pawis yung tumagaktak para lang matapos namin yun; yung hindi lang katulad ng iba na isang derecho lang kasi sa amin, madaming liko, kanan, kaliwa, uurong, susulong, pero sa huli hindi kami nagsawamg sumubok ng paulit ulit; yung masakit kasi minsan akala mo naibigay mo naman na yung lahat ng kaya mo pero kulang, kulang ka, kulang yung alam mo. Naaalala ko yung madaming pagkakataon na gusto kong sumuko, naisip ko na "Di ka naman para maging Doctor" kasi wala e, olats lagi yung pakiramdam ko pero sa hindi ko alam na rason ng Diyos, hindi ako kailanman talagang iniwan. Sa dami ng pagkakataon na yung iba naiirita kasi ang sigurado nila sa exam na 150 ay 80-100 lang, e ako ilang beses akong lumabas ng exam rooms na ang sure ko 20 lang, ilang beses akong lumabas na yung puso ko durog na durog. Dumating ako sa punto na kahit yata pamilya ko, hindi na naniwala na kakayanin ko, kumapit lang ako sa Kanya, kasi kahit ako, di ko na kayang maniwala nun na kaya ko. Hindi alam ng marami na takot na takot ako kasi sa tingin ko ang bobo ko, sa tingin ko di ako sapat sa kahit ano, sa kahit anong pasukin ko di ko kakayanin - pero mali ako. Hindi ako bobo - iba lang yung talino ko, hindi pang-top 10. Sapat ako - kahit sa mga ex ko hindi ako sapat (char!!!), kahit na yung mga grades ko minsan di nagiging sapat. Sa huli, kinaya ko. Kinaya namin.
Ito yung mukha ng konti sa mga pinakamatitibay na taong kilala ko - mga hindi umayaw, mga hindi bumitaw ng tuluyan, mga hindi nawalan ng pag-asa, mga matatapang, mga malalakas ang loob para abutin ang pangarap, mga solid, mga nagpursigi para maging karapat dapat. Ito kami - lisensyadong mga doktor.
PS. Para sa pinagdudahan na papasa, para sa pinagdudahan na kakayanin, para sa pinagdudahan na sapat ka, tuloy lang. Kung lahat ng tao di kayang maniwala na kaya mo at ikaw mismo di naniniwalang kakayanin mo, tandaan mo lagi, ako, naniniwalang kakayanin mo - kasi kinaya ko.
PPS. Salamat, Lord