Inuumpisahan ko 'tong mahabang blog na 'to ng pasasalamat dahil Siya lahat ng ito. Hindi ako, Siya lang. Hindi ko 'to masasabi sa mikropono dahil hindi ako nag-top pero gusto kong malaman mo, ninyo at sa lahat ng makakabasa nito, Siya ang dahilan ng lahat ng 'to.
PAALALA:
Sobrang haba nito pero sana bigyan mo ng oras basahin, kung hindi man, basahin mo yung parte na kakailanganin mong basahin para malaman mong eksakto na lahat posible kung magtitiwala tayo sa Diyos.
Sa dulo, may mga konti akong maibabahagi sa mga mag-PLE.
FEU-NRMF MPGI 2018 100% Wuhoooo! |
Ang totoo, sinasabi ko 'to sa lahat, gusto ko lang mag-laba. Yun lang talaga gusto kong gawin hanggang highschool ako, yun yung gustong gusto kong gawin tuwing Biyernes. Yung mga naipon kong panty ko, lalabhan ko. Uupo ako sa maliit na upuan. Feel na feel ko yun. Kailangan ko na pala pumili ng field na tatahakin. Nung may ginusto ako, sabi ko, sana maging Accountant ako tapos mag-lawyer. Sana makapasok ako sa La Salle kasi nung panahon na yun nag-aadik ako kanila Mak Cardona, Mike Cortez, TY Tang, basta mga minahal ko sa Basketball team nila. Pumasa ako ng Accountancy sa La Salle pero siguro ganun talaga, sa FEU-NRMF ako nag-aral at naging Medtech. Ang naaalala ko lang sabi ng Nanay ko dun na lang ako kasi malapit sa bahay tapos naisip ko tinatamad naman ako magcommute sa malayo at di naman talaga "gustong gusto" ko yung Accountancy. Sabi ko "Lahat na, wag lang Nursing" kasi lahat ng mga pinsan ko BS Nursing na, ayokong maicompare sa kanila kasi magagaling yung mga yun kaya gusto ko ibang field, kaya nagMedtech ako. Ok naman. Konting aral, oks ang grades. Masaya. Nakakasurvive. Pero alam mo yun, may hinahanap akong di ko eksakto alam kung ano. Parang may kulang. Parang hinahanap ko yung purpose ko sa buhay. Nag-intern ako sa Veterans at katulad nung sinabi ko sa isang blog ko, isang duty na sobrang haba, pagod na pagod na ako, siya na yung huling pasyente na kukuhanan ko ng dugo matapos ang mahabang duty na yun, bigla niya akong pinasalamatan na parang may ginawa akong tama, na parang may ginawa akong sobrang nakatulong sa kanya. Yung puso ko, sobrang di alam yung gagawin. (At hanggang ngayon, umiiyak ako habang naaalala ko 'to) Dun ko nasabi na bilang Medtech ang laki na pala nung nagawa ko para sa ibang tao na hindi ko alam, paano kung ako pa mismo yung doktor niya, paano na lang yung magagawa ko para sa iba. Ginusto kong maging Doktor pero hindi kami mayaman. Tinanong ko muna yung nanay ko tapos tatay ko kung pwedeng magMed ako, sabi niya lang na hindi niya daw alam kung paano niya kami napag-aaral ng tatlo ko pang mga kapatid ng sabay-sabay, basta alam niya, magagawan ng paraan, kaya sige lang daw. (Ito yung nakuha ko sa tatay ko. Hindi niya alam na ang laki ng epekto nun sa buhay ko, na kahit akala ng ibang tao imposible, tutuloy ka pa rin kasi kahit di nya sinasabi, nagtitiwala siya na magbibigay ang Diyos ng paraan para sa amin. Yung nanay ko kasi hindi siya pinagtrabaho talaga ng tatay ko para may mag-gabay sa amin ng mga kapatid ko. Binilhan din siya ng tatay ko ng kotse para may maghatid sundo sa aming magkakapatid - yung nanay ko)
Kamusta ako nung nasa Med school?
FIRST YEAR:
Okay naman. Nakasurvive. Halos lahat nung mga kaklase ko ang gaganda ng iPad, wala ako nun. May libro, wala ako nun. Ginagawan niya naman ng paraan para mabili ko yung manuals ko kasi kailangan yun e, pinapasa. Ang bitbit ko yung 1,000 pesos na allowance ko weekly galing sa tatay ko, minsan di niya pa maabot kasi nga di namin kaya talaga. Kaya nag-business ako. Nung medyo lumakas, sinabi ko na kaya ko na yung allowance. Sobrang dun na yata ako nakafocus kasi gusto ko rin mag-abot sa magulang ko pero nasa Medisina pa rin ako. Mas lumakas na yung business ko, ako na yung nakaka-allowance sa sarili ko, lahat ng kailangan ko, mas kinaya kong bilhin. Alam kong di na kaya ng magulang ko talaga, sabi ako muna mag-abono ng tuition, okay lang, kasi kaya ko na talaga. Gusto kong mag-aral pero di ako pwedeng tumigil magtrabaho kasi ito na yun e.
SECOND YEAR:
Ito yung pinakamatagal ako lalo sa Pharma. Gusto ko sana mag-aral pero hindi pwedeng mag-aral lang ako kasi kailangan kong magtrabaho. Magigising ako mga 4am yata yun kasi aayusin ko yung mga trabaho ng empleyado ko na estudyante naman sa UP at isang estudyante sa La Salle (Pumili ako ng students din para katulad ko na alam kong kailangan lang ng trabaho) Kahit nasa klase ako, tumatawag clients ko kaya kailangan kong lumabas ng room, or katext sila, kachat. In a week, at least 20 clients kausap ko. Umaabot kami ng mga 12am or 1 am. Gigising ulit ng 4am para mag-ayos ng trabaho. Hindi ko alam saan isisingit yung Medisina kasi gustuhin ko man, di pwede kasi dahil sa trabaho ko, nakakakain kami ng pamilya ko nun sa Dad's, nakakalabas na kaming lahat kasi kaya ko, nakakaabot ako kapag kailangan nila, nakakatuition ako sa sarili ko, nakakaabot ako sa tuition ng mga kapatid ko, nakakaabot ako sa bills ng bahay, nakasalalay dun lahat. Paano ko igigive up yun? Hindi pwede. Hindi ko kinayang habulin. Na-irreg ako. Sobrang takot ko sa Pharma, uunahin kong aralin lahat maliban dun. Nung alam kong makikick out na ako, wala akong choice kundi mag-aral para sa huling removals ko sa Pharma A. Inaral ko yung Katzung. Hindi ako lumabas ng exam room na hindi ako naka-sure na at least 75. Nung nilabas yung result, 86 ako. Ang sarap sa feeling. Dun ko narealize, minsan sa sobrang takot natin, hindi natin susubukan. Sa sobrang takot, ayaw na natin subukan kasi baka hindi magwork out, pero dun ko natutunan na pwede natin subukan para kung di maging sapat, at least naibigay mo lahat.
THIRD YEAR:
May hindi ako makakalimutan. Nagpa-approve ako ng load dun sa coor namin ng Third year. Syempre concerned lang si Doc kaya sasabihin niya (yung narinig ko sa iba) "Bawasan mo kaya dahil baka di mo kayanin ulit kung ganyan kadami. Mas okay unti-unti pero mafofocus mo" Okay. Okay. Medyo takot ako sa turn ko pero nung ako na, tinanong nya ako anong nangyari, sinabi ko "Doc, working student po ako." Nginitian niya lang ako at parang binigyan niya ako ng kalayaan dun sa pinili kong sched tapos parang ibinigay niya yung tiwala niya sa akin. Sarap sa feeling nung time na yun. (Thank you, Doc Castro) Dahil sobrang nagtagal na ako sa Medisina, inako ng Tito at Tita ko magpaaral sa akin (1 sem yata bago mag-3rd year or mid-2nd year, basta ganun), sobrang relief nun pero di pa rin ako makafocus kasi wala akong allowance. Hindi ko mabili mga manuals kung di ako makawork. Isang sem bago 4th year, nung July 24, 2016, na-stroke tatay ko. Akala ko mawawala na siya sa amin. Naaalala ko yung moment sa kotse na nagdadrive nanay ko, katabi ako ng tatay ko, nakayakap ako sa kanya tapos sinasabi ko lang "Lord, save my Papa. Lord, heal my Papa." paulit ulit. Medyo pumipikit na kasi nun tatay ko, lahat umiiyak. Nakarating kami sa FEU-NRMF. Yung pamilya ko nanghihina. Ako umayos lahat nung papel para kay Papa, ako kumakausap sa doktor. Umiiyak silang lahat, hindi ako pwedeng umiyak pero sa loob ko takot na takot ako. Lahat sila nakatulala, di alam gagawin, ako walang choice kasi panganay ako, yung nanay ko at mga kapatid ko di malaman anong gagawin kaya kailangan akong makafocus, kailangan ako yung maging strong para sa kanila pero ang hirap hirap. Sabi ko sa sarili ko na hindi ako uuwi kung hindi kasama yung tatay ko. 2 weeks na lang ata yun kasi bago pasukan kaya may isang araw na nandun kaming magkakapatid at nanay ko sa ASU (Acute Stroke Unit) tapos nakatingin tatay namin sa amin sabay sabi "Kailangan ko na magtrabaho kasi wala pa kayong pangtuition baka hindi kayo makaaral " habang umiyak. Putangina, umiiyak na yung mga kapatid ko at nanay ko, gustong gustong humagulgol ng pagkatao ko pero ang sabi ko lang "Pa, ok na. Wag mo na isipin" Nung time na yun, sinalo ng mga tita at mga tito ko (mga kapatid ng Mama ko) yung mga pangtuition, pati yung pinang-ospital ng tatay ko. Nag-abot din yung ibang kamag-anak namin. Naiiwan kami lagi ng Nanay ko sa ospital pero syempre papatulugin ko rin nanay ko kasi matanda na siya e, basta ako gusto ko lang makita yung tatay ko nun na okay, buhay. Hindi ko iniwan yung tatay ko sa ospital hanggang makauwi kami. (THANK YOU, LORD) Sobrang adjustment kasi mas wala kaming pera pero kinaya.
My Mama and Papa July 24, 2016 |
Hanggang huli, puro ako removals. Maraming beses na gustong gusto kong sirain yung mga bulletin boards kasi laging nandun yung pangalan ko. Ang hirap ilaban ng pagdoDoctor pero sa tuwing aayaw na ako at sasabihin kong "Lord, Ikaw na bahala. Kung para ako dito, Ikaw na bahala" ibinabalik Niya ako dito. Hindi Niya ako hinahayaan.
FOURTH YEAR/JUNIOR INTERN/CLERK:
Hindi ako masipag mag-aral noon pero masipag ako sa ibang bagay. Mas maraming matatalino sa akin kaya sa utak ko noon, magsisipag ako. Lahat matututunan ko paunti unti. Yung kinulang ko sa utak, sosobrahan ko sa skills at sa sipag. Sa kada napapagod ako, iniisip ko nun na "Kung tatay ko 'tong pasyenteng 'to, hindi ko din igigive up" kaya hangga't kaya ko, ibinigay ko yung buong sipag at puso ko nung clerkship. Hindi madali pero mas ginusto kong maging Doctor sa nangyari sa tatay ko. Mas kailangan kong maging Doctor para sa kanya, sa kanila. Sa lahat ng 'to, nanay ko laging may hatid sundo sa akin. Sa tuwing ilang oras akong walang kain, sa kanya ako iiyak sa kotse tapos idadrive thru nya na ako. Solve na lahat. Wala rin ako dito ngayon kung hindi masipag yung nanay ko. Ibinibigay ko lahat ng 'to sa magulang ko na walang ginawa sa buhay ko kundi ibigay yung best nila, hindi man kami mayaman, hindi sila nagkulang sa pag-ibig sa akin at higit pa yun para pagbutihan ko.
PGI:
Nag-PGI ako sa FEU. Ang totoo, ayoko. Sa tuwing bumabalik ako noon sa ER, naaalala ko yung tatay ko. Hindi ko kaya, akala ko hindi ko kaya. Nung interview, sobrang walang kwenta mga sagot ko na kung ako yung nag-interview sa sarili ko, hindi ko tatanggapin yung sarili ko pero binigyan ako ng chance ni Doc Dy. (Sobrang salamat, Doc) Ang dami kong dapat pang malaman. Hindi pa rin ako nagsipag mag-aral pero sa utak ko dati, kada duty kahit nagloloko ako, dapat may natututunan ako. Ang toxic ko e pero sabi ko sa sarili ko lagi na kailangan galingan ko kahit yung mga oras na yun ang BP ko 220/130, 200/120, yung Potassium ko nasa 2.04 lang. Go lang. Trabaho lang. Binigay ko yung kaya ko kahit na siguro para sa iba kulang. Kinulang ako sa aral. Hanggang PGI, puro ako removals. Grabe, nakakapanghina ng loob. Parang walang karapatan yung utak ko maging Doctor pero hindi ako pinapabayaan ng Diyos. Sa tuwing hahayaan ko Siya na i-lead yung buhay ko kasi akala ko hindi ako para dito, ibinabalik Niya ako dito at ipinaparamdam na baka ito talaga yung mundo para sa akin. Hindi ko pa rin gets.
53 DAYS BAGO PLE:
Alam ko ito yung Diagnostic exam ng Topnotch Review Center. Ang totoo lang, ang dami yung nagtatanong kung magtetake talaga ako kasi wala akong naaral. Yung pamilya ko may oras na pati sila iniisip kung kakayanin ko ba kasi nga di naman nila ako nakitang nakapag-aral. Naglalakas loob lang ako pero sa loob ko apektado talaga ako. Pati ako nagdududa sa sarili ko, pati ako aayaw na, pati ako gustong gustong bumigay pero hindi. Hindi ko 'to bibitawan.
BAGO PLE:
Bago yung PLE, ang daming oras na nagdududa sa akin. Siguro syempre na-irreg ako e. Siguro ang hirap magtiwala na kaya ko. Siguro natatakot din lang yung pamilya ko. May time na sinabi ko "Kayo nga lagi ninyong pinagdududahan na kaya ko e. Hirap na hirap na ako" kaso yung Lola ko ngumiti sa akin sabay sabing "Ako hindi. Para sa akin, lagi kang magaling" Tinignan ko lang siya tapos lumakad ako paalis habang umiiyak. Hindi ko alam paano maisaksak sa kokote ko lahat kaya dasal lang. Lahat ng kulang ko, dasal. Iyak. Dasal. Aral. Iyak. Dasal. Aral.
February 1, 2019 - Huling araw ng application at nag-apply ako. Sinamahan ako ng nanay ko. Bahala na si Lord. Ilalaban ko na 'to. Kapag nanghihina ako, hawak ko yung rosary ko (bigay ni Dyna) tapos binubuklat ko yung Bible ko (bigay ni Tino) tapos sa araw na 'to ang lumabas sa Bible ko:
"If the Lord wills, we will live and do this or that"
Kung hahayaan natin Siya, mas maganda yung mangyayari. |
Hindi ninyo ma-imagine kung gaano ako kadalas umiyak. Umiiyak ako habang nag-aaral halos araw-araw kasi hindi ko alam paano kakayanin. Lagi akong humihingi ng tulong sa Diyos kasi di ko alam kung kakayanin ko pero dumating sa point na binigyan ako ng peace of mind ng Diyos. Yun siguro yung pinakamasarap na pakiramdam. Umiiyak pa rin ako pero lagi kong sinasabi sa mga kaibigan ko "Ilaban natin 'to." kasi sa utak ko ay kung babagsak ako, wala akong pake. Magtetake ulit ako sa September. Buhay ko 'to, hindi ng ibang tao. Pakielam nila kung babagsak ako, basta susubukan kong ibigay yung puso ko at kung kulang, edi sa susunod mas gagalingan ko. Hindi biro kung gaano naging helpful yung ganung mindset. Sa tuwing may magsasabi na "Dapat papasa lang tayo" at walang ibang choice sa buhay, wala akong pake. Basta yung binigay ng Diyos sa akin, yung mahirap na natutunan ko sa Medisina ay yung buhay ay puno ng chances. Hindi laging madali makuha yung pangarap pero kailangan lang magtiwala sa Kanya. Hindi laging isang beses lang makukuha na, hindi laging sapat yung best ko, hindi laging sakto. Babagsak. Iiyak. Kukulangin pero ang pinakamahalaga, bumangon. Buhay ko yan, hindi ng ibang tao. Wag kong idedepende sa sasabihin ng iba yung gusto kong mangyari sa buhay ko. Syempre walang gustong umulit sa PLE pero kasi kung magtetake lang tayo para pumasa, hindi sapat yun. Ako, honestly, sabi ko kay Lord na kung sapat na yung kakayanan ko, ibigay Niya yung lisensya sa akin, kung hindi, sa susunod susubukan kong maging sapat kasi karapatan ng mga magiging pasyente ko na ang makuha nila sa akin ay buong puso at talino ko.
PLE MARCH 2019:
Feeling ko kulang ako. Feeling ko baka di pa sapat yung lahat sa akin. Sa tuwing break, sinisigurado ko na mapasaya yung mga kasama kong board takers (Hi, Virson, Dana, Trish, Kat, Daphne and Diover) kasi kahit gusto kong umiyak, ang goal ko mapagaan para sa amin yung PLE experience. Gusto kong hindi kami sabay-sabay na bibitaw, na kung sa panahon na yun baka nanghina loob nila, susubukan naming mas maging masayang balikan yung PLE. Hindi ako humagulgol sa harap ng kahit na sino pero kapag mag-isa ako, wala akong ginawa kundi magdasal at umiyak sa Diyos. Sa utak ko kasi hindi ako sapat. Kaya sabi ko sa Kanya "Lord, punan po Ninyo lahat ng kakulangan ko." Hindi ito pagmamayabang pero Prev Med na yung pinakamaraming sure ako. Yung Pharma, lumabas ako ng room na ang sure na sure ko 16-26 lang. Kulang na kulang ako, gusto ko lang malaman ninyo na kung ako lang sa buhay ko, wala akong papatunguhan pero pinunan Niya lahat ng pagkukulang ko. Ilang beses kong gustong lumabas sa kwarto, ipasa na lang yung papel at igive up pero kapag iisipin ko na nasa labas yung pamilya ko na nag-aantay sa akin sa kotse kasi susunduin nila ako, ang unfair na sabihin kong binitawan ko yung laban. Iniisip ko rin yung mga seniors ko pati yung juniors ko na na walang ginawa kundi magtiwala na kakayanin ko kaya ipinagpatuloy ko. Itinuloy ko pero hinayaan ko yung Diyos ko na ilaban yun para sa akin.
Gusto ko lang sabihin na kahit ano ka ngayon, kung sino man ang Diyos na pinapaniwalaan mo, kapitan mo Siya. Magtiwala ka sa Kanya. Piliin mo rin yung mga tao na alam mong hanggang dulo gusto mong ibigay yung lahat mo kasi deserve nila yun, para may panghahawakan kang lumaban lalo sa panahon na gusto mong gumive up. Piliin mo yung mga pagkakatiwalaan mong magturo sayo kasi kung di ka magtitiwala, hindi sila makakatulong sayo (Thank you, Topnotch Review Center)
Ganito 'to:
Ako po ay isang estudyante na bumagsak, ilang beses halos bumitaw, madaming beses na nagduda, nakarami ng removals, nakaipon ng mga tres at singko, kakaunti ang uno, ilang balde ng luha isama mo pa ang sipon, paulit ulit na nagtanong kung para sa akin ba talaga ang Medisina, pero paulit ulit na nagdasal at nagtiwala sa mas magagandang plano Niya. Ngayon, lisensyado na.
Ako po si FKBO, RMT,MD. Hindi katalinuhan pero puso ang puhunan. Hindi matataas ang grades pero nagsipag para maging sapat. Sa panahon na nilaan Niya para sa akin, naging lisensyadong Doktor ako. Susunod na naman na paglalakbay kasama pa rin ang Diyos, sana mapaaral ko sa Medisina yung kapatid ko.
Sinimulan ko ng pasasalamat sa Kanya.
Tatapusin ko din ng pasasalamat - Thank You, Lord.
Tatapusin ko din ng pasasalamat - Thank You, Lord.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
MAG-PLE KA BA?
Sa pag-aaral kulang ako dyan pero siguro ito lang yung mga maishare ko tungkol dun:
1. Dasal sa pinapaniwalaan mong Diyos. Magdasal ka na maibigay mo yung best mo at na kung deserving ka na, ibigay sayo ang lisensya, na punan ang kakulangan mo at yung peace of mind.
Kung kaya mo rin mag St. Jude, Sta. Clara at St. Joseph of Cupertino. Meron pa akong novena ng St. Jude at prayer ng St. Joseph of Cupertino, message me kung gusto mo/ninyo, papadalhan ko kayo ng copy/picture.
2. Pumili ka ng review center na pagkakatiwalaan mo kasi kahit saang magaling na review center kung hindi ka magtitiwala, wala yang kwenta.
For me, I love Topnotch Review Center, special shout out sa aming Mother Goose - Dr. Nins Banzuela and to the Physiology master (no joke, nung nag eexam ako sa Physio parang naririnig ko boses niya kasi super ok yung lecture) - Dr. Broli Banzuela and sa buong Topnotch Review Center na pinakamalulupit na mga guro sa mabilisang PLE review
With our Mother Goose - Dr. Nins and Grandmother Goose |
3. Gumawa ka ng schedule. Ito yung sa akin, pwede ninyong idownload tapos i-edit ninyo:
Mas okay din yung may daily schedule ka sa review season. Sanayin mo yung tao sa bahay ninyo, magulang mo, kapatid, kaibigan o kahit sino na magpagising ka sa certain time. Sa akin, sa last 2 weeks, nagpapagising ako ng 8am para 9 or 10am makaaral na ako. Kasi kapag pagod ka na, kahit isang oras na niready kong alarm, na-off ko. Hehe!
4. Rosaryo. Bible. Dasal. Kapag di ko na kaya, I open my Bible. I read kung anong na-open ko. Hahagulgol sa Diyos. Okay na.
5. Kapag nadodown ako, gusto kong makinig ng kanta kaya ito yung Spotify playlist ko ng Review Songs ko:
6. Hindi mo mapipili yung sasabihin ng ibang tao kaya focus. Dapat alam mo yung papahalagahan mo at hindi. O kung hindi ka makapagtimpi, hambalusin mo yung babastos sa pangarap mo (HAHAHA)
7. Kapag pagod, pwedeng magpahinga. Ako, I have enough sleep. Usually 4-6 hours nung last 2 weeks na pero bago yun at every other day sa last 2 weeks na yun meron akong 8-12 hours na tulog. Kailangan ko lang ihanda yung utak ko at hindi ako magfunction kung antok na antok ako.
8. Ang kalaban mo ay sarili mo. Hindi ibang tao. Do better kaysa sa dati mo. Kung ang score mo ngayon ay ganito, sa susunod ang goal mo ay hindi taasan si ganito kundi taasan yung dati mong grade.
9. Tiwala sa sarili. Tiwala sa timing Niya.
10. Ask for prayers from your family and friends.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.